PINAGTIBAY ng University Student Government ng Pamantasang De La Salle Manila (DLSU) ang kampanya para sa pakikilahok ng kabataan sa #Halalan2022 sa “#YouthVote2022 Campaign: Building Blocks of a Voter’s Education Project”, Agosto 6. Binigyang-halaga ng Office of the Vice President for External Affairs (OVPEA) sa proyektong ito ang pagpapalawig sa matalinong pagboto sa makabagong henerasyon, bilang paghahanda sa napipintong eleksyon. Itinampok ng naturang programa sina Atty. Chel Diokno, Atty. Owen Ricalde, at Ms. Janina Vela bilang mga tagapagsalita.
Binigyang-diin ni Diokno, tagapagtatag at dating Dean ng DLSU College of Law at kasalukuyang Chair ng Free Legal Assistance Group (FLAG), ang tungkulin ng kabataan sa pagsisimula ng dagitab upang tuluyang pagningasin ang pagbabago sa lipunang Pilipino. “Voting is your right. And also, voting is your civic duty,” aniya.
Higit sa karapatan at pribilehiyo ang pagkakaroon ng kakayahang bumoto. Isa rin itong responsibilidad na sandigan ng pag-unlad ng bansa at kinabukasan ng bawat mamamayang Pilipino. Bagamat marami ang nawawalan ng pag-asang magkakaroon ng pagbabago, ipinaalala muli ni Diokno na may kapangyarihan ang bawat botong nagmumula sa kabataan.
Aniya, “You want one million votes? You need one. It starts with one. You want ten million votes? It starts with one. . . Kaya your vote matters and your vote counts.”
Hindi rin maipagkakailang maraming Pilipino ang patuloy na sumusuporta sa mga kandidatong magaling sa pagbibigay-aliw ngunit walang buong kaalaman sa pagsusulong ng batas. Dahil dito, hinihikayat ni Diokno ang lahat na gamitin ang boto para sa lider na karapatdapat. “Vote wisely – sana ikalat natin sa iba ang huwag naman silang . . . [tumingin lamang] kung ang kandidato ay magaling sumayaw at kumanta, dahil hindi naman ‘yan ang skill set na kailangan natin sa kongreso . . . hindi pang-congress ang mga ganyan,” pagdidiin ni Diokno.
Sa bawat boto, mas lumalakas ang boses ng kabataan sa pagsusulong ng pagbabago sa lipunan at kaakibat nito ang posibilidad ng pagkakaroon ng mas progresibo at mapagpalayang lipunan.
Tinig ng kasalukuyan, tindig ng kinabukasan
Hindi natatapos sa pagpili ng tamang pinuno ang tungkulin ng kabataan. Sa pagpapaliwanag ni Atty. Owen Ricalde, International Project Management Consultant ng non-government organizations, malaki ang ginagampanang papel ng kabataan sa pagpapataas ng kamalayan ukol sa mga usaping politikal at panlipunan.
Naniniwala rin si Ricalde na may kakayahan ang kabataang gawin ang lahat ng kanilang ninais at hinihikayat niyang gamitin ang lakas na ito sa pagsusulong ng kanilang mga adbokasiya. Pagdidiin niya, magiging epektibo ito kung sistematiko at nakabatay sa siyentipikong paraan ang pagbuo ng desisyon at pagkilos.
Bilang pagtatapos, pinabulaanan niya ang kadalasang naririnig na walang magagawa ang kabataan para sa kinabukasan ng bansa. Aniya, “Collectively, we can be the change this country needs. 40 million strong [kabataan] #MasMaramiTayo.” Naniniwala siyang nasa kabataan ang kakayahang dalhin sa tagumpay ang tunay na lider na kinakailangan ng bansa.
E-LEKSYON sa makabagong henerasyon
Tinatanganan ng malawak na hanay ng mamamayang Pilipino ang pag-asang bitbit ng halos 40 milyong kabataang botante sa Halalan 2022. Inaasahang ang malawak na populasyon ng kabataang botante ang posibleng magdudulot ng daluyong sa kasalukuyang klimang pampolitika ng bansa.
Pinalawig sa diskusyon ang naging lagom ng legasiyang Duterte partikular sa halos Php10.99 trilyong utang ng bansa noong Abril, limang milyong bilang ng kabataang hindi nakapag-enroll, at ang mabagal na pangangasiwa sa ayuda at bakuna. Hinahamig ng sambayanan na mahigpit na panghawakan ng kabataan ang kanilang demokratikong gampanin sa nalalapit na eleksyon upang mapabuti ang sosyo-ekonomikong kalagayan ng pangkalahatan sa primarya.
Ayon kay Janina Vela, content creator, maaaring ilaan ng kabataan ang kanilang kahusayan sa paggamit ng teknolohiya bilang plataporma sa pag-asam ng pagbabagong nais nilang makita. Giit niya, “I realized . . . how can we not stalk the political affairs of our nation, how can we not stalk the candidates of the upcoming elections, how can we not stalk whoever is seated in the power right now. You can tell me you don’t have that skill set but I believe you do. Because we are digital natives. We can use that same skills, to benefit not only ourselves, but to benefit others beyond their households.”
Ipinahiwatig din ni Vela ang kahalagahan ng pagmamateryalisa ng mga mamamayan sa konsepto ng pagbabago upang mapagtagumpayan ang tinatanaw nitong progreso. Dagdag pa niya, kinakailangang ikintal sa ating isipan ang tunay na esensya ng pagiging isang lingkod-pinuno.
“Mangarap tayo for sure, pero galaw rin tayo. We have to move. First, by holding our leaders accountable on social media. Remind ourselves of the standards of leadership that we’ve forgotten. What does it actually mean of being a public servant,” panghihikayat ni Vela.
Hinimok din niya ang kabataan na matapang na paalingawngawin ang kanilang boses at panatilihing bukas ang isipan sa mga aral na maaaring mahalaw mula sa mga puna. Pinaalalahanan niyang maging masikhay sa panghahamig at pagpapaliwanag sa iba upang mas mapalakas ang pwersa ng hanay ng nagkakaisang masa.
“Use your voice and don’t be afraid to be corrected. The more voices we shut up, the quieter the youth would be. It’s strategic to choose to enlighten instead to cancel and to shut up people. Education over cancellation,” paliwanag ni Vela.
Ayon pa sa kaniya, makalilikha ng malaking pagbabago kung mayroong kolektibong pagkilos. Mahalagang yakapin ng kabataan ang esensya ng paggampan nito sa kaniyang demokratikong tungkulin, ipatupad nang masikhay ang gampanin sa lipunan, at panghawakan nang buong tapang ang pangarap para sa isang maliwanag na bukas. “ . . . Our micro actions will make macro solutions,” dagdag pa ni Vela.
Hinuhubog tayo ng kasalukuyan upang idikta ang magiging hinaharap ng sambayanang Pilipino. Sumusulat tayo ng kasaysayan sa balota. Tinta at kritikal na pag-iisip ang magiging sandata’t kalasag sa pagtindig laban sa mga naghaharing-uri. Panghawakan natin ito nang may dalisay na optimismo at masikhay na ipatupad ang ating mga gampanin kasama ang nagkakaisang hanay ng sambayanang Pilipino. Pumili para sa pagbabago. Piliin ang masang Pilipino. PILI, PINAS!