NALASAP ng Choco Mucho Flying Titans ang kanilang unang panalo sa semifinals round kontra Chery Tiggo Crossovers sa loob ng straight sets 25-18, 25-22, 25-21, sa Premier Volleyball League (PVL) Open Conference, Agosto 8, sa PCV Socio-Civic and Cultural Center sa Bacarra, Ilocos Norte.
Matagumpay na dinala ng setter na si Deanna Wong ang kaniyang koponan sa abot-kamay na final slot matapos makapagtala ng apat na puntos mula sa dalawang atake, isang block, isang service ace, at 16 na excellent set. Naging kasangga niya ang dating teammate mula sa Ateneo na si opposite spiker Kat Tolentino na umani ng 11 puntos.
Bagamat nabigo sa sagupaan, pinahirapan ng dating NU Lady Bulldog na si Dindin Santiago-Manabat ang Choco Mucho Flying Titans matapos makapagtamo ng 17 puntos sa loob ng tatlong set.
Naging madikit ang bakbakan sa pagbubukas ng unang set nang magharap ang star players ng Crossovers at Flying Titans na sina Shaya Adorador, Manabat, Jaja Santiago, at Ponggay Gaston, 4-all. Umarangkada naman ang mga nakaputi at patuloy na pinalawak ang kanilang kalamangan sa talaan, 14-9. Hindi naman hinayaan ng dating NU Lady Bulldogs na si Santiago na mag-init ang mga kamay ng katunggali kaya agad nitong pinutol ang momentum ng Flying Titans nang magpakawala ito ng isang malakas na quick attack, 14-10.
Bagamat naging malabnaw ang depensa ng kasalukuyang best service team ng PVL, hindi ito naging rason para kay Adorador upang ibaba ang kaniyang kumpiyansa sa sarili matapos niyang pumukol ng matatalim na atake, 16-11. Sa kabila nito, pinaigting ng Flying Titans ang kanilang estratehiya at ipinagpatuloy ang pagsira sa depensa ng katunggali, 20-12. Sinubukan naman ng Crossover scoring machine na si Manabat na habulin ang talaan ng katunggali ngunit hindi ito naging sapat upang mapasakamay ang panalo sa unang set, 25-18.
Maagang pagpuntos ang ipinamalas ng Chery Tiggo kontra sa Choco Mucho sa pagsisimula ng ikalawang set ng laban. Nagpakilala mula sa bench ang dating Lady Spiker na si Arianne Layug na nakapagtala ng mabilis na power spike, 1-4. Sinagot naman ito ng umuusok na quick attack ni Bea De Leon, 2-5. Gayunpaman, nagpatuloy ang pag-arangkada ng Crossovers nang paganahin ni dating NU playmaker Jasmine Nabor si Maika Ortiz na nagpakawala ng umaatikabong running attack, 5-10.
Hindi pinalobo ng Flying Titans ang kalamangan ng Crossovers matapos nilang makahabol, 16-all, mula sa mabibigat na service ace ni Gaston. Nagpakitang-gilas naman ang beteranong lefty-spiker na si Mylene Paat upang ibalik ang kalamangan sa kaniyang koponan, 19-20. Nagpatuloy ang makapanindig-balahibong aksyon ng dalawang koponan matapos nilang magpalitan ng puntos, 22-all. Sa huli, bumulusok ang Choco Mucho Flying Titans at tinuldukan ang set mula sa dalawang magkasunod na atake ni Tolentino, 25-22.
Pinaliyab ng Flying Titans ang kanilang mga kamay sa ikatlong set nang magpasiklab ng tatlong magkakasunod na service ace si De Leon na sinamahan pa ng malalakas na opensa nina Tolentino at Gaston, 7-0. Agad namang sinagot nina Adorador at Manabat ang katunggali nang pakitaan nila ito ng humahagupit na mga quick attack, 8-2. Nagpakitang-gilas naman si De Leon matapos paganahin ang kaniyang matayog na block kontra sa mainit na spike ni Paat, 14-6.
Nanatili ang lakas ng opensa ng Crossovers matapos paliitin ni Manabat ang kalamangan ng katunggali, 18-15. Gayunpaman, hindi naging sapat ang nakamamanghang laro ng atleta upang makamit ng Chery Tiggo ang bentahe laban sa Choco Mucho bunsod ng kanilang magkakasunod na unforced error, 23-19. Winakasan naman ng Flying Titans ang sagupaan matapos ang atake ni Madayag, 25-21.
Naging puhunan ng dating Lady Eagle na si Wong ang pagkakaroon ng matibay na pag-iisip upang mapasakamay ng kanilang koponan ang tagumpay sa naturang laro. “Mindset talaga, personally for me and for the team, going to the semifinals, dati this is our goal but the job is not done. Kailangan pa magtrabaho at kailangan pa mag-improve,” pagbabahagi ng player of the game sa kaniyang post-game interview.
Matapos magwagi sa unang yugto ng semifinals, susubukan ng Choco Mucho Flying Titans na makamtan ang kanilang ikalawang panalo upang mapabilang sa finals ng PVL 2021.Susubukan naman ng Chery Tiggo na paigtingin ang kanilang lakas at katatagan upang pahabain ang serye ng laban. Maghaharap muli ang dalawang koponan bukas, Agosto 9, sa ganap na ika-2 ng hapon.