KINAGAT ng Choco Mucho Flying Titans ang matamis na panalo matapos ang dikdikang laban kontra Petro Gazz Angels sa loob ng apat na set, 25-23, 20-25, 25-23, 25-23, upang ipagpatuloy ang kanilang malakas na ratsada sa Premier Volleyball League (PVL) Open Conference, Agosto 6, sa PCV Socio-Civic and Cultural Center sa Bacarra, Ilocos Norte.
Bumida para sa Flying Titans ang isa sa kanilang mga mainstay na si Ponggay Gaston matapos makapagtala ng 14 na puntos mula sa 12 spike at dalawang block habang dumagdag naman ang pagragasa ng opensa ni Maddie Madayag na may bitbit na 14 na puntos mula sa walong atake at anim na block.
Para naman sa Petro Gazz, parehong nakapag-ambag ng 14 na puntos si three-time NCAA Most Valuable Player Grethcel Soltones mula sa 12 spike at dalawang block, at best blocker of the conference na si Ria Meneses na may 11 spike at tatlong block.
Sa pagsisimula ng unang yugto ng sagupaan, maagang nagpasiklab ang mga dating miyembro ng Ateneo Lady Eagles na sina Gaston at Kat Tolentino na nag-ukit ng matitinik na atake, 4-0. Agad ding rumatsada ang dalawang stalwart ng Choco Mucho na sina Deanna Wong at Madayag para maiangat pa ang kalamangan ng Flying Titans, 8-4. Sa kabila nito, hindi nagpatinag sina Soltones at Meneses nang magpakawala sila ng anim na magkakasunod na puntos para maibaba sa isa ang lamang ng Choco Mucho, 11-10.
Agad namang pumukol ng mabibilis at malalakas na power spike sina Tolentino at Regine Arocha para mapigilan ang mainit na pagratsada ng Angels, 16-12. Sa kabila nito, hindi pa rin sumuko ang mga nakapula nang agad uminit ang mga kamay ng mga dating miyembro ng Far Eastern University Lady Tamaraws na sina Remy Palma at Jerrili Malabanan, 18-16. Bukod dito, tumulong din ang hagupit nina Myla Pablo at Meneses para mapalapit pa nila ang tala ng kanilang koponan, 20-18. Sa kabila ng kanilang pag-arangkada, hindi nagpaawat sina Gaston at Madayag at agad nilang tinapos ang unang yugto ng laro, 25-20.
Pinangunahan naman ni Petro Gazz Angel Ces Molina ang ikalawang yugto nang makalikom siya ng dalawang magkasunod na puntos, 1-4. Sa kabila nito, hindi nagpatalo si Gaston ng Flying Titans nang ipinamalas niya ang kaniyang matibay na depensa, 5-6. Hindi naman nagpatinag ang atake ng Angels na pinangunahan ni Pablo, 6-8.
Nag-init ang kamay ng Petro Gazz Angels na sina Arocha at Molina nang magpakawala sila ng magkakasunod na puntos, 14-all, ngunit isang malakas na atake ang naging sagot ni Madayag nang basagin niya ang momentum ng Angels, 18-all. Sinubukan namang bawiin ni Meneses ang kalamangan ng koponang Angels nang magpakawala siya ng mabigat na spike, 22-23. Bunsod nito, nagtamo ng yellow card ang Flying Titans nang umalma ang buong koponan sa desisyon ng referee. Bigo namang makahabol ang Flying Titans sa mabilis na atake ni Molina, 23-25.
Nagpatuloy ang salpukan ng dalawang koponan sa ikatlong yugto ng laban. Mula sa dalawang spike ng Gaston, nakawala sa mala-kadenang higpit ang Titans, 4-2. Samantala, nagpasikat ang leading scorer ng Petro Gazz na si Meneses sa pagtatala ng tatlo sa limang puntos na run ng Angels, 4-7.
Sa paglabas ni Meneses matapos ang technical timeout, agad na naisiwalat ang malaking butas sa depensa ng Angels. Gayunpaman, nanatiling dikit ang laban dahil sa pagpapakawala ng mga palo ni two-time PVL Most Valuable Player Pablo, 11-all.
Bahagya namang naungusan ng Choco Mucho ang kanilang katunggali mula sa binitawang mga spike nina Arotcha at Bea De Leon, 22-19. Tinapos ni player of the game Gaston ang ikatlong yugto sa pamamagitan ng pagtuldok sa huling tatlong puntos ng kaniyang koponan, 25-21.
Sa pagsimula ng huling yugto ng laro, agad na nagpasindak si Mean Mendrez nang umukit ito ng dalawang magkasunod na atake at isang service ace para makalamang ang Angels, 1-5. Sa kabila nito, hindi naman nagpahuli ang dating all-around player ng Ateneo na si Gaston at agad na tumira ng dalawang spike para maibaba sa tatlo ang lamang ng Petro Gazz, 3-6. Hindi rin nagpatinag ang Flying Titans nang bumitaw ng tatlong magkakasunod na service ace ang dating UAAP Season 80 Best Setter na si Wong para maitabla ang laro, 11-all.
Hindi naman nawalan ng pag-asa ang mga nakapula nang bumitaw ng dalawang magkasunod na puntos ang dating 2017 PVL Open Conference 2nd Best Outside Spiker na si Soltones para maibaba sa isa ang lamang ng Flying Titans, 21-20. Bukod dito, agad ding nagpakitang-gilas sina Palma, Jessey De Leon, at Ivy Perez para maitabla pa ang kartada ng Petro Gazz sa Choco Mucho, 23-all. Sa huli, napigilan na ng Choco Mucho ang maiinit na kamay ng Petro Gazz at nakuha ang huling yugto ng laro, 25-23.
Lumapag sa ikaapat na pwesto sa semifinals ang Petro Gazz Angels at makakalaban nito ang number one seed na Creamline Cool Smashers sa semifinals. Samantala, susubukan muli ng Choco Mucho Flying Titans na ipagpatuloy ang kanilang pakikipaglaban sa semifinals kontra Chery Tiggo Crossovers bukas, Agosto 7.