WALANG AWANG WINAKASAN ng Petro Gazz Angels ang kampanya ng Sta. Lucia Lady Realtors matapos nilang bigyan ng hatol ang mga ito sa loob ng straight sets, 25-13, 25-21, 25-22 sa Premier Volleyball League (PVL) Open Conference, Agosto 5, sa PCV Socio-Civic and Cultural Center.
Kargado ang mithiing madala ang koponan papasok sa semifinals, lumalagablab na mga kamay ang ipinamalas ni Myla Pablo sa kaniyang matinding pagkayod sa labang nagbigay-daan sa kaniyang pinakamahusay na talaan sa PVL 2021. Pinangunahan ng player of the game ang kaniyang koponan matapos makapagtala ng kabuuang 17 puntos na may 15 attack at dalawang block.
Binuksan ng tambalang Jonah Sabete-MJ Philips ng Sta. Lucia ang unang set ng laro. Sa kabila nito, hindi hinayaan ng Petro Gazz Angels na mabaon ang kanilang talaan nang pumuntos sila gamit ang kanilang mahihigpit na blocks, 5-3. Pinilit mang bumalikwas ng Lady Realtor na si Jovy Prado, hindi ito naging sapat kontra sa team dynamics ng kabilang koponan matapos nilang magkamit ng unforced errors, 10-7.
Tuluyang pinalubog ng Petro Gazz ang talaan ng kabilang panig matapos nitong harangan ang kanilang pag-asang makaahon mula sa pagkakatambak, 25-13. Bagamat tunay na gumawa ng ingay si Sabete para sa Sta. Lucia, hindi ito umubra sa mas malakas na tirada ng Petro Gazz Angels na sina Ria Meneses at Pablo.
Sinalanta naman ni bagyong Pablo ang unang bahagi ng ikalawang set matapos niyang magpakawala ng magkakasunod na down-the-line hit, 5-2. Sa kabila nito, hindi nawalan ng pag-asa ang Taft Tower na si Mika Reyes at agad siyang umukit ng tatlong magkakasunod na puntos upang maitabla ang laro, 7-all. Sinubukan nina Reyes at Sabete na sunggaban ang Petro Gazz matapos na muling magdikit ang talaan, 15-all. Gayunpaman, nabigo silang panatilihin ito bunsod ng naputol na momentum at magkakasunod na unforced error ng koponan, 25-21.
Nasungkit naman ni Philips ang first-time lead ng Sta. Lucia sa ikatlong set, 5-9, ngunit hindi ito nagtagal sa mataas na porsyento ng atake ni Pablo at mga block ni Meneses, 18-17. Nagkamit man ng back-to-back na service error ang dalawang koponan, nagawang patumbahin ni Remy Palma ang Petro Gazz matapos niyang magsalaksak ng kaniyang signature running hit, 22-20.
Sa huling bahagi ng set, sinubukang padikitin ng Lady Realtor scoring machine na si Sabete ang talaan, 23-22. Subalit, nabigo ang mga alas ng koponan matapos nilang magpakawala ng dalawang service error, 25-22, na nagbunsod sa pagkamit ng Petro Gazz sa inaasam na huling semifinal spot sa PVL 2021.
Magpapatuloy ang Petro Gazz Angels sa semifinals tangan ang kanilang anim na panalo at pangarap na maiuwi ang kampeonato. Maglalaban-laban naman ang Creamline Cool Smashers, Choco Mucho Flying Titans, Chery Tiggo Crossovers, at Petro Gazz Angels para sa semifinals ng PVL 2021.