NAIBULSA ng PLDT Home Fibr Power Hitters ang kanilang unang panalo kontra Perlas Spikers sa loob ng straight sets, 25-22, 25-20, 25-21, sa huling linggo ng elimination round ng Premier Volleyball League (PVL) Open Conference, Agosto 1, sa PCV Socio-Civic and Cultural Center sa Bacarra, Ilocos Norte.
Nagsilbing susi sa unang panalo ang matibay na depensa ng PLDT libero na si Alyssa Eroa matapos makapagtala ng 22 excellent dig at siyam na excellent reception. Sinandalan din ng koponan ang utak ng laro na si Rhea Dimaculangan na nakapaglista ng 24 na excellent set at limang puntos mula sa dalawang drop ball, isang block, at dalawang service ace. Hindi naman nagpahuli si Isa Molde na nagpakitang-gilas at nakapag-ambag ng 14 na puntos mula sa 12 attack at dalawang service ace.
Nanguna naman para sa Perlas Spikers ang kanilang middle blocker na si Cherry Nunag matapos magtala ng 14 na puntos mula sa 11 atake at tatlong block habang gumawa naman ng double-double performance ang isa sa kanilang kapitana at setter na si Jem Ferrer matapos umukit ng 12 excellent dig at 11 excellent set.
Maagang hinamon ng Power Hitters ang depensa ng Perlas Spikers nang mautakan ng dating Lady Bulldog na si Jorelle Singh ang block mula kay Sue Roces at Jeanette Villareal, 2-1. Pinahirapan pa lalo ng Power Hitters ang katunggali sa kargadong service mula kay Dimaculangan at atake mula kay Molde at Chin-Chin Basas na nagbunsod ng three-point lead, 11-8. Pinagana naman ng dating Lady Eagle na si Ferrer ang opposite upang makalusot ang atake ni Jho Maraguinot, 13-11. Nadiskartehan naman ni Dimaculangan ang blockers ng Perlas Spikers nang makapuntos si Mariella Gabarda at maiakyat ang kanilang kalamangan sa tatlo, 15-12.
Tumibay pa lalo ang depensa ng Perlas sa tulong ni Thang Ponce na naging sagot upang magkaroon ng dalawang sunod na puntos si Nunag, 15-16. Pinahinto naman ni Gabarda ang pag-arangkada ng Perlas na humantong sa pantay na iskor, 16-all. Nakuha ng Power Hitters ang momentum matapos ang kabi-kabilang errors ng Perlas Spikers na nagdala sa kanila ng five-point lead, 23-18. Nagtapos ang unang yugto nang magpakitang-gilas si Eroa sa depensa at sa malapader na block nina Eli Soyud at Gabarda, 25-22.
Sa pagsisimula ng ikalawang yugto ng laro, muling umarangkada ang Power Hitters sa tulong nina Basas at Molde para agad na makuha ang kalamangan mula sa mga nakaputi, 6-2. Sa kabila nito, hindi nagpatalo at nagpasindak ang isa sa mga mainstay ng Perlas na si Nicole Tiamzon na nagpakawala ng dalawang magkasunod na puntos para makalapit agad sa mga nakaitim, 7-5. Agad namang bumawi ang dating San Sebastian Lady Stag na si Joyce Sta. Rita na pumukol ng dalawang puntos mula sa gitna, 10-8.
Sinabay rin nina Singh at Molde ang matinik na opensa ng PLDT nang humataw sila ng mga bumubulusok na spike at mainit na service ace para maiakyat sa lima ang kanilang kalamangan, 18-13. Sa kabila nito, hindi nagpasindak ang isa sa mga bagong recruit ng Perlas Spikers na si Nunag at agad hinila pataas ang tala ng kaniyang koponan, 22-16. Sa kabila nito, sinigurado ni Molde at ng dating two-time Philippine Superliga All-Filipino Best Setter na si Dimaculangan na tapusin agad ang ikalawang set ng labanan, 25-20.
Patuloy na pinahirapan ng Power Hitters ang depensa ng Perlas Spikers sa huling yugto matapos ang mabibigat na atake mula kay Singh, 2-0. Nabasa naman agad ni Nunag at Cayuna ang diskarte ni Molde at maiging binantayan ang kaniyang pag-atake, 6-4. Ginulo naman ng tambalang Gel Cayuna at Heather Guino-o ang depensa ng Power Hitters sa pamamagitan ng isang combination play, 7-all. Nakakuha muli si Guino-o ng puntos sa open nang makahanap ito ng butas mula sa kamay nina Soyud at Gabarda sa pamamagitan ng isang matinik na spike para maitabla ang laro, 9-all.
Hindi naman nagpahuli si Molde sa kaniyang backline hit sa kabila ng block mula kay Nunag, 12-11. Gayunpaman, hindi naiwasan ng parehong koponan ang sunod-sunod na error mula sa service at attack, 22-19. Tuluyan nang pinatahimik ni Molde ang pag-arangkada ng Perlas Spikers matapos ang magkasunod na mabibigat na spike, 25-21.
“Siguro po yung mga bad games namin, natuto po kami dahil sa mga pagkatalo po namin, maraming po kaming in-adjust sa game, tapos wala na po mawawala sa amin kapag ginawa namin ‘yung lahat,” sambit ni Eroa. Pinasasalamatan din niya ang lahat ng mga tagahanga ng PLDT dahil hindi nila iniwan ang kanilang koponan sa kanilang kampanya sa PVL.
Susubukan ng PLDT na magkaroon ng winning streak kontra sa Balipure Water Defenders sa Agosto 5. Nais namang pahabain ng Perlas Spikers ang kanilang kampanya sa PVL at makakuha ng panalo kontra sa Sta. Lucia Lady Realtors sa Agosto 3, ganap na ika-6 ng gabi.