INUHAW ng nagpupunyaging ahente ng Sta. Lucia Lady Realtors ang nanunuyong kampanya ng Balipure Purest Water Defenders matapos dominahin ang tapatan sa straight sets, 25-15, 25-12, 25-14 sa Premier Volleyball League (PVL) Open Conference, Agosto 1, sa PCV Socio-Civic and Cultural Center sa Bacarra, Ilocos Norte.
Namayagpag ang nakaraang star player ng Lady Realtors na si Jonah Sabete matapos lupigin ang mga katunggali buhat ng kaniyang nailistang 15 puntos na binubuo ng 11 attack, dalawang block, at dalawang service ace. Maliban sa matagumpay na pagsiklab ni Sabete, swabe ring pinaangat ni DJ Cheng ang mga tirada ng katunggali matapos magtamo ng 20 excellent set at dalawang service ace.
Bigo mang madala ng Water Defenders ang koponan sa ikatlong panalo, hindi umurong ang opensa ni Bern Flora sa kaniyang pagtala ng limang puntos na kinabibilangan ng apat na attack at isang block. Nagpakitang-gilas din si Gen Casugod sa kaniyang liksi sa paghampas sa gitna nang makapagtala ng limang puntos para sa Balipure.
Matamlay na panimula ang itinampok ng Lady Realtors at Water Defenders matapos nilang magpakawala ng tig-tatlong attack errors papasok ng unang yugto, 5-all. Sinubukang tibagin ng magkatunggaling koponan ang maitim na ulap sa kanilang opensa ngunit tanging ang Sta. Lucia lamang ang tumimbre, 10-7, sa pangunguna ng kanilang setter na si Cheng na gumising sa kanilang talaan gamit ang kaniyang 2 placement attack at isang service ace.
Nahirapan ang Balipure na sabayan ang kumpas ni Lady Realtor maestro Cheng at ni middle blocker Dell Palomata na naghudyat ng pagpako sa iskor ng Water Defenders sa 10 puntos. Pinaliyab din ni Sta. Lucia power hitter Sabete ang kaniyang arangkada matapos pumukol ng limang puntos upang tuluyang puntiryahin ang kawalang-aktibo ng Water Defenders matapos ang kanilang 5-0 run, 18-10.
Pilit na humanap ng butas ang Balipure sa pangunguna ni dating Lady Falcon na si Flora kasangga ang dating Red Warriors setter-hitter duo Judith Abil at Laizah Bendong na may tig-2 markers na ambag upang habulin ang bentahe ng Sta. Lucia, 24-15. Hindi naman nagtagal ang paggapang ng Water Defenders dahil naging mabenta para kay Lady Realtor setter Cheng ang kaniyang one-two play upang pasadahan at isarado ang unang yugto, 25-15.
Agad na sinunggaban ng Lady Realtors ang nangangapang Balipure sa pagpapakawala ng service ace ni Cheng sa simula ng ikalawang yugto, 3-0. Umaapaw ang galing ni MJ Philips sa kaniyang ipinamalas na pamatay na crosscourt hit mula zone 4, 18-10. Nag-ambag naman ng limang solidong blocks ang 6’3 middle blocker na si Palomata kontra sa isang block ng kabilang koponan. Kasangga ni Philips ang kapwa starters na sina Sabete at Jovi Prado upang tambakan ang nag-aalangang Balipure.
Mistulang nawala ang kislap sa galaw ng Water Defenders matapos magtala ng walong errors ang kampo. Pinatikim ng dating UE Lady warrior na si Abil ang bagsik ng kaniyang crosscourt hit, 11-7. Sinubukan naman ni Casugod na buhatin ang koponan sa pamamagitan ng kaniyang quick attacks subalit nanaig ang agresibong puwersa ng Lady Realtors sa kanilang 6-0 run.
Hindi mapigilan ang pag-usad ng Sta. Lucia hatid ng pagpuntos nina Philips at Palomata upang palakihin ang agwat ng tala ng magkabilang koponan. Patuloy na nagpamalas ng galing sa pag-atake si Philips habang sinarado ni Palomata ang set 2 sa kaniyang husay sa net defense, 25-12.
Tinangkang ibalik ng Balipure ang nawalang porma nito sa simula ng ikatlong set matapos ang pagbandera nina Flora at middle hitter Casugod, 4-2. Agad din namang sumagot ang nag-aalab na si Lady Realtor Sabete na nagpaulan ng dalawang magkasunod na atake, sapat upang itabla ang talaan, 4-all.
Bigong maalagaan ng Balipure ang magandang panimula ng koponan matapos nilang madiskaril sa pamamagitan ng kanilang anim na attack error, 10-8, mula sa tatlong puntos ni Graze Bombita upang makamtan ng Sta. Lucia ang bentahe ng laban. Pilit namang bumawi si Balipure high-leaper Bombita gamit ang kaniyang dalawang nailistang down-the-line hits buhat ng itinapong puntos sa kalaban, 13-10.
Hinarangan ng matangkad na unahan ng Lady Realtors na sina outside hitter Phillips at middle hitter Palomata ang nasukbit na arangkada. Kasabay nito ang kanilang naipuslit na dalawang atake mula sa labas at tatlong puntos buhat ng regalong bola ng kalaban upang ilarga papalayo ang bentahe ng Sta Lucia, 20-12. Tinuldukan naman ni Lady Realtor setter Cheng ang tapatan matapos maghulog ng isang sorpresa mula sa kaniyang paboritong one-two-play katuwang ang isang service mula kay Sabete, 25-14.
Magbabalik-aksyon ang Balipure Purest Water Defenders sa darating na Martes sa ganap na ika-3 ng hapon upang harapin ang Petro Gazz Angels. Susubukan namang depensahan ng Sta. Lucia ang kanilang magkakasunod na panalo sa parehong araw, ganap na ika-6 ng hapon, kontra sa Banko Perlas.