WAGING PATAHIMIKIN ng higanteng kampanya ng Chery Tiggo Crossovers ang pag-alpas ng talaan ng Petro Gazz Angels matapos mamayagpag sa loob ng straight sets, 25-18, 25-20, 25-22, sa kanilang pagpupumiglas sa Premier Volleyball League (PVL) Open Conference, Agosto 1, sa PCV Socio-Civic and Cultural Center sa Bacarra, Ilocos Norte.
Maliban sa malabubong na net defense, nagpakitang-gilas din ng matatalim na tirada ang Chery Tiggo matapos takasan ang puwersa ng kasalukuyang best blocking team na Petro Gazz Angels. Kumpletong dominasyon ang ipinamalas ng Japan V-League champion na si Jaja Santiago matapos magsalaksak ng 20 puntos mula sa 16 na spike, tatlong block, at isang service ace.
Matagumpay namang inalalayan ni Dindin Santiago-Manabat ang kaniyang kapatid matapos gumawa ng sariling palabas mula sa backrow. Nakapagtamo ang beteranong scoring machine ng kagila-gilalas na 12 puntos mula sa 10 attack. Mahigpit na depensa sa sahig naman ang ipinakita ng tambalang Shaya Adorador at Mylene Paat matapos pumundar ng pinagsamang 26 na excellent dig at pitong excellent reception.
Bunsod ng nakamamanghang floor at net defense ng Crossovers, nalimitahan sa pinagsamang 15 spike ang puwersa ng mga alas ng Petro Gazz sa katauhan nina Myla Pablo at Grethcel Soltones. Sa kabila nito, pinahirapan naman ng dating UAAP at PSL best blocker na si Ria Meneses ang kabilang kampo matapos umarangkada ng walong spike, dalawang block, at isang service ace. Nagsilbing kasangga ng atleta sa depensa ang kasalukuyang best digger ng tunggalian na si Kath Arado na nagkamit ng 24 na excellent digs.
Agaw-pansin sa set 1 ng kaabang-abang na serye ang maagang palitan ng blocks at errors ng dalawang kampo, 4-all, na huling napasakamay ng net touch ni Maika Ortiz. Nagsilbing inspirasyon ito para sa panig ng Petro Gazz matapos magpakawala ng matitinding hampas ang kanilang main gun na si Soltones, 4-6, na sinundan pa ng malakidlat na down-the-line hit ng opposite spiker na si Ces Molina, 4-7.
Maagang pagbulusok ang naging tugon ng Crossovers sa kabila ng nabuong momentum ng katunggali, 8-7, mula sa koneksyon ng dating NU playmaker Nabor sa Twin Towers Santiago at Manabat na nagmando ng kanilang nagbabagang 4-0 run. Muling dumiskarte ang setter na si Nabor matapos pangunahan ang kanilang umaatikabong 7-0 run, 12-7, mula sa kaniyang hulog at excellent sets kina Paat at Santiago. Pumiglas naman ang beteranong setter Chie Saet mula sa kanilang pagkakatali sa pitong iskor matapos kumana ng sariling drop shot, 12-8.
Sa huling bahagi ng set, sinalanta ng dalawang koponan ang floor defense ng kanilang katunggali sa kabila ng bantay-saradong digs ng dating Lady Tamaraw libero Buding Duremdes at UAAP best rookie at digger Arado. Buhat nito, nagpaulan ng sagutan ang magkabilang panig matapos kumana ng crosscourt kills sina Manabat at Molina, 19-16. Sa kabila nito, winakasan ng Petro Gazz ang bakbakan matapos ang mabigat na service ace ni Nabor at mintis na tirada ni Molina, 25-18.
Patuloy ang pag-abante ng Crossovers sa ikalawang set matapos makamtan ang panimulang 4-0 run sa pangunguna ng Filipino Pride na si Santiago. Nagsilbing katuwang niya ang dating UE Lady Warrior Adorador na nakapagtala ng service ace para sa koponan, 8-3. Nagpakawala man ng errors ang Chery Tiggo, nagawa namang diskartehan ng Santiago sisters ang kanilang drop shots at running attacks.
Kinapos man ang Petro Gazz sa unang set, hindi pa rin nagpahuli ang mabibigat na hampas ng outside hitter na si Soltones, 9-5. Umarangkada rin ang blockers ng Angels matapos nilang payungan ang back row attack ni Manabat, 17-19. Bagamat nanguna ang Angels sa blocking department, hindi nagpalamang ang Crossover matapos pumukol ng 16 na attack laban sa 13 spike ng kabilang panig.
Sinubukan ng Angels na habulin ang nag-iinit na opensa ng Crossovers sa tulong ng 5’11 opposite hitter na si Molina matapos umiskor ng back-to-back points, 20-24. Hindi na pinakawalan ni Manabat ang Angels at tinuldukan ang kalahating yugto ng laban mula sa kaniyang palo sa zone 2, 25-20.
Gitgitan sa net ang naging tema ng ikatlong set matapos kumana ng parehong running attack ang Santiago sisters kontra sa kasalukuyang best blocker ng kompetisyon na si Meneses, 4-all. Nagkaroon ng sagupaaan sa net ang matayog na blockers ng dalawang koponan nang magharap sina Meneses at Santiago sa laban, 10-11. Patuloy na lumiyab ang mga palad ng Santiago sisters at kumana ng malalakas na opensa at blocks, 15-all.
Hindi naman hinayaan ni Meneses na maangatan sila ng katunggali kaya inilabas niya ang kaniyang makapanindig-balahibong service ace, 15-17. Naisahan naman ni Nabor ang katunggali nang pumukol ito ng isang drop shot na nagpagulo sa diskarte ng kalaban, 18-all. Sinubukan namang maibulsa ng Petro Gazz ang extended fourth set nang magpakawala si Pablo ng kaniyang powerful spike, 24-22. Gayunpaman, hindi pinanghinaan ng loob ang dating UAAP MVP Santiago at agad niyang tinapos ang bakbakan, 25-22.
Nakatulong sa pag-araro ng puntos ng dalawang koponan ang malakalbaryong unforced errors na binitawan ng kanilang katunggali. Kaakibat nito, napasakamay ng Chery Tiggo Crossovers ang sumatotal 17 opposite error na mismong nakapagtala rin ng 15 error para sa Petro Gazz Angels. Gayunpaman, napasakamay ng Crossovers ang nagbabagang 75 total team score, mas mataas kompara sa 60 kabuuang puntos ng katunggali.
Nagsilbing inspirasyon para sa dating NU Lady Bulldogs Jaja Santiago ang tiwala sa kaniya ng kanilang head coach na si Aaron Vélez upang paigtingin ang kaniyang laro. “Lagi ko lang iniisip kapag nasa harap na ako kung ano ang inaasahan sa’kin ng coaches ko. . . At gagawin ko ang part ko sa depensa kahit anong mangyayari hindi ko pababayaan na babagsak ang bola”, pagbabahagi ng player of the game sa kaniyang post-game interview.
Umalpas mula sa back-to-back loss ang lumiliyab na puwersa ng Chery Tiggo Crossovers matapos matamasa ang dalawang magkasunod na panalo tangan ang 5-2 kartada. Susubukan naman ng umaalab na koponan na pabagsakin ang bagsik ng Black Mamba Army sa darating na Miyerkules, Agosto 4, sa ganap na ika-3 ng hapon.
Dumausdos man sa laban, masisilayan muli ang gilas ng Petro Gazz Angels tangan ang hangaring maiuwi ang ikaanim na panalo sa darating na Agosto 3, ganap na ika-3 ng hapon, kontra sa Balipure Purest Water Defenders.