PINUTOL ng Chery Tiggo Crossovers ang five-game winning streak ng Creamline Cool Smashers matapos ang mainit na bakbakan sa loob ng apat na set, 25-18, 25-23, 23-25, 25-20, sa Premier Volleyball League (PVL) Open Conference, Hulyo 30, sa PCV Socio-Civic and Cultural Center sa Bacarra, Ilocos Norte.
Bumida para sa Chery Tiggo ang kanilang ace middle blocker na si Jaja Santiago matapos makapagtala ng 20 puntos mula sa 15 atake, dalawang block, at tatlong service ace habang hindi rin nagpahuli ang kaniyang kapatid na si Dindin Santiago-Manabat matapos makuha ang 15 puntos mula sa 10 atake.
Pinahirapan naman ng best scorer ng Creamline Cool Smashers na si Alyssa Valdez ang katunggali nang makapagtala ito ng 13 attack at dalawang block. Kaagapay rin ni Valdez ang dating Lady Spiker na si Michele Gumabao na nakalikom ng 10 attack at 10 dig.
Hindi nagpaawat sa unang yugto ang middle blocker ng mga nakaasul na si Santiago na nagbitaw ng magkasunod na atake, 2-0. Pinakitaan naman ng lakas ng opposite hitter ng Cool Smashers na si Gumabao ang katunggali nang magpakawala ito ng kaniyang signature crosscourt spikes, 4-3.
Patuloy na ipinaramdam ng Crossovers ang kanilang bangis nang ilabas ni Manabat ang kaniyang mababagsik na spike na sinundan ng service ace, 8-4. Nagsilbing bentahe para sa Crossovers ang mabibilis na set at spike nina Shaya Adorador at ng Santiago sisters na nagresulta sa limang puntos na abante sa kanilang iskor, 10-5.
Sinubukan namang palakasin ng Cool Smashers ang kanilang depensa upang paliitin ang abante ng kalaban ngunit patuloy si Santiago sa pagpapakawala ng malalakas na opensa, 18-10. Nagtapos ang unang yugto ng sagupaan pabor sa Chery Tiggo Crossovers, 25-19.
Tila nag-iba naman ang ihip ng hangin sa panig ng Creamline sa ikalawang yugto dahil sa pagratsada nina Jia Morado at Gumabao, 5-6. Sa kabila nito, hindi naman nagpahuli at agad ding sinagot ni Santiago ang katunggali sa pamamagitan ng isang block at isang killer spike, dahilan para makalapit ito sa lamang ng mga nakaputi, 10-12.
Agad ding nagpamalas ang isa sa mga mainstay ng Chery Tiggo at dating Golden Tigress na si Maika Ortiz sa pamamagitan ng kaniyang quick attack para maibulsa ang kalamangan, 17-16. Hindi rin nagpasindak at agad na ipinamalas ng Santiago Sisters ang kanilang bagsik nang magpakawala si Manabat ng dalawang magkasunod na spike. Nagtapos ang ikalawang yugto sa isang quick attack mula kay Santiago, 25-23.
Nanaig pa rin ang puwersa ng Crossovers sa ikatlong yugto at nakalikom ng tatlong puntos na abante sa simula, 6-3. Hindi nagpatinag ang outside hitter ng mga nakaasul na si Adorador na nagpakawala ng pitong maiinit na service ace, 12-4. Nanlambot naman ang mga kamay ni Valdez nang subukan nitong harangin ang malalakas na spike ng katunggali. Sa kabila nito, nakabawi rin siya sa pamamagitan ng isang crosscourt hit, 15-8.
Inilabas namang muli ni Gumabao ang kaniyang nag-iinit na mga kamay nang ipukol nito ang nagbabagang bola upang paliitin ang kalamangan, 18-15. Mas pinalakas din ng Cool Smashers ang kanilang depensa nang ilabas ni Valdez ang kaniyang matayog na block upang pigilan ang bumubulusok na spike ni Santiago, 23-24. Sa huli, napasakamay ng Cool Smashers ang ikatlong set bunsod ng finisher mula kay Valdez, 23-25.
Nagliyab kaagad ang mga kamay nina Santiago at Mylene Paat nang magpasiklab sila ng malulutong na spike sa ikaapat na set, 6-1. Sa kabila nito, hindi nagpatalo ang isa sa mga bagong recruit ng Creamline na si Tots Carlos at agad na nag-ambag ng dalawang puntos para makalapit sa lamang ng Chery Tiggo, 7-4. Sa kabila nito, dinagdagan pa ni Ortiz at Manabat ang pasakit sa Cool Smashers at naiakyat pa sa anim ang kanilang tala kontra dito, 11-5.
Sa kabila nito, hindi sumuko si Valdez at sinubukan niyang ilapit ang tala ng kaniyang koponan kontra sa mga nakaasul, 15-11. Hindi naman pinalampas ni Ortiz ang pagkakataong makapuntos nang magpakawala siya ng dalawang magkasunod na kill block, 22-15. Bumawi rin agad si Carlos at gumawa ng 4-0 run, ngunit hindi na pinainit ng Chery Tiggo ang Cool Smashers, 25-20.
Ipamamalas muli ng Chery Tiggo Crossovers ang kanilang galing kontra Petro Gazz Angels sa darating na Linggo, Agosto 1, sa ganap na ika-1 ng hapon. Susubukan namang muli ng Creamline na makabalik sa winning column kontra Cignal HD Spikers sa darating na Lunes, Agosto 2, sa ganap na ika-6 ng gabi.