Digmaan sa depensa: Choco Mucho Flying Titans, pinalubog ang puwersa ng Balipure Water Defenders sa PVL 2021


MASILAKBONG PAGPUPUMIGLAS ang ipinamalas ng Choco Mucho Flying Titans kontra sa Balipure Water Defenders matapos lupigin ang kanilang puwersa sa loob ng apat na set, 25-23, 23-25, 25-15, 25-21 sa kanilang kampanya sa Premier Volleyball League (PVL) Open Conference, Hulyo 30, sa PCV Socio-Civic and Cultural Center sa Bacarra, Ilocos Norte.

Maliban sa opensa, dinomina rin ng Flying Titans ang laban sa pamamagitan ng kanilang matatag na floor defense na nagbunsod sa mahahabang rally kontra sa kasalukuyang best digging team na Balipure. Makapanindig-balahibong pinangunahan ng Iron Eagle na si Denden Lazaro-Revilla ang pagsalo ng mga tirada ng katunggali tangan ang kaniyang 31 excellent dig at 10 excellent reception.

Nagsilbing kasangga ng dating Cocolife Asset manager libero ang kaniyang spikers na sina Kat Tolentino at Ponggay Gaston upang mapasakamay ang panalo. Tumikada ang dating Lady Eagle opposite spiker na si Tolentino ng 23 spike at dalawang service ace. Nagkamit man ng unforced errors, umarangkada naman ang opensa ni Gaston matapos magpakawala ng walong spike.

Nabigo mang makabawi mula sa huling pagkatalo, hindi umurong sa laban ang Bicolanang spiker na si Graze Bombita matapos makamit ang 15 puntos mula sa kaniyang 12 attack at tatlong service ace. Tinapatan naman ni Julia Angeles ang depensa ni Revilla nang mapasakamay niya ang 22 excellent dig. Maliban sa kanilang libero, bumida rin ang dating Lady Falcon na si Bern Flora sa kaniyang bantay-saradong depensa tangan ang 22 excellent dig at 19 na excellent reception.

Sinimulan ng Flying Titan na si Tolentino ang bakbakan kontra Balipure matapos magpakawala ng cross court hit, 1-0. Sinubukan namang basahin ng Water Defender na si Flora ang depensa ng Flying Titans upang mailusot ang bola, 2-3. Nagpatuloy ang mainit na opensa ng Choco Mucho nang magsanib-puwersa sina Bea De Leon at Deanna Wong sa depensa upang payungan ang mga atake ni Bomibita, 11-6. 

Malaking bentahe rin para sa Flying Titans ang errors ng Balipure upang makalayo sa iskor, 23-15. Nag-iba naman ang ihip ng hangin nang unti-unting nakahabol ang Balipure sa tulong ng service ace ni Bicar at errors ng Flying Titans, 24-23. Gayunpaman, tuluyang pinatahimik ni Gaston ang pag-arangkada ng Balipure sa pamamagitan ng isang combination play, 25-23.

Tumambad sa pagbubukas ng ikalawang set ang maagang down-the-line hits ng Choco Mucho wing spiker na si Regine Arocha, 4-2, na inalalayan ng malabombang tirada ni Tolentino, 6-4. Sa kabila ng nabuong momentum, mahigpit na depensa naman ang naging tugon ng Water Defenders upang padikitin ang salpukan, 11-all, na sinundan ng magkakasunod na backline hit ng tambalang Gyra Barroga at Bombita.

Nagsagutan muli ng tirada ang dalawang magkatunggali na nagbunsod sa tablang talaan, 16-all, sa pangunguna ng mga off-the-block hit ni Tolentino at crosscourt shot ni Flora. Malakalbaryong kampanya naman ang natamasa ng dalawang koponan matapos bumira ng magkakasunod na attack errors, 23-all. Gayunpaman, tinuldukan ng Balipure blocker na si Casugod ang tunggalian mula sa kaniyang slide attack, 23-25.

Mapait na pagsisimula naman ang natunghayan sa ikatlong yugto para sa parehong koponan bunsod ng palitan ng errors, 2-3. Nautakan naman ni Bicar ang depensa ng Flying Titans nang gulatin ang kalaban matapos niyang pumuntos, 5-6. Sa kabila nito, tuluyang kumawala sa madikit na laban ang Flying Titans matapos ang kabi-kabilang errors ng Balipure. Nakahanap naman ng butas si Bombita mula sa kamay nina Tolentino at De Leon upang matigil ang pag-abante ng Flying Titans, 15-10. 

Naging bentahe para sa Flying Titans ang sunod-sunod na reception error ng Balipure na dahilan upang makapuntos si Maddie Madayag sa gitna, 21-12. Hindi rin nagpadaig ang tambalang Deanna Wong at De Leon at agad na inagapan ang pag-arangkada ng Balipure, 23-14. Nagtapos ang ikatlong yugto sa isang crosscourt attack ni Tolentino, 25-15.

Matikas na paghihiganti naman ang ipinamalas ng Balipure sa pagbubukas ng ikaapat na set matapos tumikada ng blocks at isang drop ball ang dating Lady Tamaraw na si Gen Casugod, 4-5. Sanib-puwersa namang sinunggaban ng Flying Titans ang maagang paghataw ng Water Defenders na pinatatag ng matayog na depensa ni De Leon, 8-6. Patuloy na ipinalasap ng koponan ang kanilang lakas at determinasyon matapos kumana ng mabibigat na hampas ang open spiker na si Gaston, 13-8.

Ikinasa naman ng Choco Mucho ang masigasig na depensa matapos saluhin ng UAAP best digger na si Lazaro ang mababangis na running attack nina Casugod at Bombita na naudlot matapos ang double contact error ni Wong, 14-11. Matapos ang umaatikabong combination play nina Lai Bendong, Casugod, at Bombita, mabilis na nakabangon ang nakaraang PVL best scorer na si Tolentino upang wakasan ang kampanya ng kabilang panig, 25-21, mula sa isang crosscourt hit.

Nananatiling malinis ang talaan ng Choco Mucho Flying Titans sa torneo tangan ang kartada nitong 5-0. Masusubukan namang muli ang kapangyarihan ng koponan laban sa gutom na mga alas ng Chery Tiggo Crossovers sa darating na Linggo, Agosto 1, sa ganap na ika-7 ng gabi. Hangarin naman ng Balipure Water Defenders na dagdagan ang kanilang kasalukuyang dalawang panalo sa darating na Agosto 6, sa ganap na ika-4 ng hapon kontra Sta. Lucia Lady Realtors.