Wakas ng sumpa: Army Lady Troopers wagi sa pagsipat ng kartada kontra PLDT


BINAKURAN ng Black Mamba Army Lady Troopers ang PLDT Power Hitters matapos mamayagpag sa loob ng apat na set at maibigay sa koponan ang ikaanim na sunod na pagkabigo nito, 20-25, 25-17, 25-20, 25-20, sa Premier Volleyball League (PVL) Open Conference, Hulyo 29, sa PCV Socio-Civic and Cultural Center sa Bacarra, Ilocos Norte.

Pinangunahan ng dating Lady Alta na si Royse Tubino ang kaniyang koponan upang masungkit ang kanilang ikalawang panalo sa buong torneo. Nakapagtala ang beteranong open spiker ng 21 spike, isang block, at dalawang service ace. Hindi rin nagpahuli si Bionic Ilongga Jovelyn Gonzaga na nakapaglista ng 17 puntos para sa koponan ng Army. 

Sa kabilang banda, nag-ambag ang wing spiker na si Jorelle Singh ng 17 puntos na binubuo ng 13 attack, dalawang block, at dalawang service ace para sa PLDT Home Fibr Power Hitters. Bigo mang makamit ang unang panalo sa patimpalak, nagtala naman ng 20 excellent sets ang Batangueña setter na si Rhea Dimaculangan.

Maagang dumiskarte ang PLDT Power Hitters kontra sa kapwa gutom na Army nang makapaglista ang koponan ng 5-0 marka sa unang set ng laro. Ibinida ni PLDT hard-hitter Singh ang kaniyang matalim na tirada tangan ang tatlong atake dagdag ang mga pasundot sa gitna ni middle blocker Mariella Gabarda upang mailayo sa panganib ang koponan, 1-5.  

Hindi naman isinawalang-bahala ng Army ang kilabot na kampanya ng Power Hitters, bagkus sinagot ito ng  beteranong tambalan nina lefty spiker Gonzaga at scoring machine Tubino. Naglista ang dalawang manlalaro ng tig-apat na marka, sapat upang mabasag sa tatlong puntos ang kalamangan ng PLDT, 11-14. Agad namang pinutol ng Power Hitters ang paghabol ng Army sa pangunguna ng nag-iinit na si Singh katuwang ang mga bagong salta na sina Christine Soyud at Isa Molde, tangan ang pinagsamang tatlong attack at dalawang block, 15-19.

Gumawa ng panibagong sugat ang Army sa pagpasok ni outside hitter Joanne Bunag na nagtala ng tatlong puntos mula sa kaniyang mga off-speed hit upang mahabol muli ang Power Hitters, 23-20. Gayunpaman, natuto na ang Power Hitters at hindi na muling pinakonekta ng kanilang dalawang poste na sina Gabarda at Katherine Villegas ang paggapang ng Army. Sinelyuhan ng PLDT ang unang yugto matapos ang tig-isang regalo at block, ayon sa pagkakasunod, 20-25.

Nabuhayan naman ang Black Mamba Army matapos magpaulan ng errors ang PLDT Home Fibr sa ikalawang yugto. Nagpasiklab ang mga kilalang beterano ng Black Mamba Army na sina Tubino, Ging Balse-Pabayo, Sarah Gonzales, at Gonzaga para wasakin ang floor defense ng kabilang panig. Humataw din ang 5’11 middle blocker na si Lutgarda Malaluan sa pamamagitan ng kaniyang block kontra sa opensa ni Molde ng PLDT, 11-7. 

Tinuldukan naman ni Singh ang 4-0 run ng Lady Troopers matapos magpamalas ng kaniyang lakas at diskarte kontra sa net defense ng kalaban, 13-9. Katuwang niya sina Aiko Urdas, Chin Basas, at Molde sa pagpapaliit ng kalamangan ng pursigidong Black Mamba Army. Subalit, tila nagtapon ng puntos ang PLDT Home Fibr bunsod ng paglista nito ng pitong error laban sa apat na error lamang ng Black Mamba Army.

Tuluyang umarangkada ang Lady Troopers sa pamamagitan ng game-ender ni opposite hitter Gonzaga, 25-17. Nakamit nila ang magandang katayuan sa attack at service ace department na nagbigay-daan sa matagumpay na pagbabalik sa laban.

Agarang nagpasiklab ang Army Lady Troopers sa ikatlong yugto ng labanan. Patuloy ang pagpapakitang-gilas ni Bunag nang pumukol ng magkakasunod na crosscourt attack, 9-3. Gayundin, sinorpresa naman ni Balse-Pabayo ang depensa ng kalaban gamit ang kaniyang quick attack, 14-5. Muli namang nakabangon ang Power Hitters bunsod ng mabibigat na service ni Basas na nagresulta ng isang service ace, 15-10. 

Nawala ang momentum sa panig ng PLDT matapos ang magkakasunod na error, dahilan upang muling bumulusok ang koponan ng Army, 20-11. Sa kabila ng malaking kalamangan ng kalaban, hindi nagpatinag si Singh nang basagin niya ang malapader na block ng Army at magpakawala ng dalawang magkakasunod na service ace, 24-18. Sa kabila nito, agad na tinuldukan ni Balse-Pabayo ang ikatlong yugto nang payungan niya ang combination play nina Gabarda at Basas, 25-20. 

Magandang pasimula sa ikaapat na yugto ang ibinalangkas nina power hitters Soyud at Molde na nagtala ng magkasunod na atake at service ace upang paganahin muli ang naapulang alab ng tropa ni Coach Roger Gorayeb. Ngunit, nagmistulang masamang hangin ang nahagip ng PLDT matapos sumugal ng limang attack error, daan upang mapuntirya ng Army ang kalamangan ng talaan, 13-9.

Ginamit ni Singh ang kaniyang natitirang lakas upang magsumite ng tatlong marker sa atake. Kasabay nito, nagdagdag ng dalawang puntos sina dating Fighting Maroons duo Maristela Layug at Molde sa unahan upang buhatin pabalik ang PLDT sa laro, 16-13. Samantala, hindi na pinayagang papormahin ni Lady Trooper Tubino ang mapurol na depensa ng PLDT at tuluyang dinomina ang yugto tangan ang pitong puntos katuwang ang pinagsamang anim na puntos mula kina Gonzaga at Bunag, 25-19. 

Hangad ng Army Lady Troopers na ipagpatuloy ang kanilang pagkapanalo kontra Cignal HD Spikers sa darating na Linggo, Agosto 1, sa ganap na ika-1 ng hapon. Susubukan naman muli ng PLDT Power Hitters na makasungkit ng unang panalo sa Agosto 6, sa ganap na ika-7 ng gabi kontra Perlas Spikers.