Umugong ang magkakaibang kuro-kuro ng sambayanang Pilipino noong simulang isulong ng administrasyong Duterte ang Charter Change (Cha-cha) o pagbabago ng Saligang Batas upang iahon kuno ang ekonomiya ng bansa. Naunang isinulong ang Cha-cha para sa pederalismo o sistema ng pamamahalang pinagsasanib ang magkakahiwalay ngunit nakapagsasariling distrito. Gayunpaman, sa likod ng layunin ng Cha-cha at pederalismo, marami ang nagsasabing gagamitin ito para lamang mapahaba ang termino ng kasalukuyang administrasyon.
Tutol si Raoul Manuel, pambansang tagapagsalita ng Kabataan Partylist, sa ideya ng Cha-cha. Aniya sa inilabas na pahayag, “Lugmok na nga ang ekonomiya, ibubukas pa lalo sa mga dayuhang kumpanya na siyang magpipiyesta sa kung ano ang natitirang likas na yaman at rekurso para isalba ang kanilang mga dambuhalang negosyo mula sa epekto ng pandemya.”
Para sa ekonomiya o pamomolitika?
Mahalaga sa politika ang pagkakaroon ng tamang tiyempo dahil maaari nitong ilantad ang intensyon ng isang pinuno. Kaugnay ng nasabing pangangatwiran, sinimulan ng administrasyong Duterte, sa gitna ng pandemya, ang pagsulong na baguhin ang Saligang Batas.
Sa mga pagbabagong isakakatuparan, iminumungkahi ni House Speaker Lord Allan Velasco na idadagdag ang pariralang, “unless otherwise provided by law” sa probisyong pang-ekonomiya ng Saligang Batas upang maengganyo umano ang mga banyagang mamuhunan sa Pilipinas. Idadagdag din ang nasabing kataga sa mga probisyong nagsasaad na mga Pilipino lamang ang makakokontrol ng mga lupa, pampublikong kagamitan, institusyon, midya, at advertising company. Sa madaling salita, mas magiging malaya ang merkado ng Pilipinas para sa mga banyaga.
Kaugnay nito, isinaad naman ni Tony La Viña, isang propesor ng Constitutional Law, na halatang isinusulong ang Cha-cha upang pahabain ang termino ng kasalukuyang administrasyon. Giit ni La Viña sa Philippine Star, hindi kailangang madaliin ang pagbabago ng mga pang-ekonomiyang polisiya sa Saligang Batas dahil hindi pa ito ang tamang panahon lalo na’t laganap ang recession sa mundo.
Sa kasalukuyan, nasa ikalawang pagbasa na ang panukalang Cha-cha at patuloy na tinatalakay ng Kongreso at Senado.
Tapatan ng mga tugon
Matapos aprubahan ng Kongreso ang Cha-cha sa unang pagbasa nito, samu’t saring opinyon ang ipinarinig ng madla. Ayon kay Representative Sharon Garin, chairperson ng House Committee on Economic Affairs, sa kaniyang panayam sa Inquirer, makapagbibigay ang Cha-cha ng mas maraming trabaho at maitataas nito ang katayuan ng Pilipinas sa pamamagitan ng pakikipagkompetensya sa ibang bansa.
Salungat naman sa Cha-cha ang ilang kinatawan ng Kongreso dahil na rin sa kasalukuyang pangkalusugang krisis na kinahaharap ng bansa. Binigyang-diin ni Representative Arlene Brosas ang mga panganib ng Cha-cha. Naniniwala siyang bibigyang-kapangyarihan ng Cha-cha ang Tsina na kontrolin ang ilang mga sektor sa Pilipinas.
Pagdiin ni Brosas sa naganap na talakayan sa Kongreso, “We hate to say this, Mr. Speaker, but this is the most dangerous and most shameless Cha-cha in Philippine history. Ito ang natatanging Cha-cha na ginagawang priyoridad sa gitna ng pandemya at pagdurusa ng kababaihan mamamayan para paburan ang dayuhang kapital.”
Para-paraan lamang ba?
Purong pagkadismaya ang nararamdaman ni Kevin Yaranon ukol sa mga usap-usaping may kinalaman sa kasalukuyang kalagayan ng gobyerno. Pagbabahagi niya sa Ang Pahayagang Plaridel, naniniwala siyang hindi Cha-cha at pederalismo ang tamang daan tungo sa progreso. Bagamat tinatanggap niya, bilang isang negosyante, na maaaring makatulong ang pederalismo sa kaniyang trabaho. Ngunit, naniniwala siyang mas magiging laganap ang katiwalian at politikal na dinastiya kung sakaling maipatupad ito at tuluyang maisabatas.
Dagdag ni Yaranon, bukod sa maraming mananamantala sa pagbabago ng sistema, marami ang mahihirapang makasabay sa pagbabagong ito, lalo na’t hindi pa sapat ang karunungang natatamasa ng karamihan ukol dito. Aniya, “Ngayon palang, hindi naman lahat ay may karunungan sa paksang ito [Saligang Batas], paano pa kung ito ay babaguhin.”
Sa panahon ng pandemya’t karimlang hindi maaninag ang paparating na bukas, personal na interes ng mga opisyal ang inuunang pinag-aaralan. Sa mga gutom na tiyan, estudyanteng kaunti ang natututunan, at mga Pilipinong nawalan ng pagkakakitaan dulot ng pandemya, hindi makatwirang pagbabago ng Konstitusyon ang inuuna. Naghihirap na ang Pilipinas, nawa’y hindi na madagdagan pa ang pasanin ng bawat Pilipino. Ika nga, “Tama na. Sobra na. Palitan na.”