SINELYUHAN ng BaliPure Purest Water Defenders ang Cignal HD Spikers matapos nilang mamayagpag sa madikit na bakbakan sa loob ng apat na set, 21-25, 25-20, 25-22, 25-22, sa Premier Volleyball League (PVL) Open Conference, Hulyo 25, sa PCV Socio-Civic and Cultural Center sa Bacarra, Ilocos Norte.
Bumida para sa Water Defenders ang isa sa mga young gun nito na si Gyra Barroga na nakapagtala ng 12 puntos mula sa anim na spike, limang service ace, at isang block na dinagdagan ng 19 na puntos ni Grazielle Bombita. Samantala, nakakuha naman ng triple-double performance si Bern Flora na may 10 spike, apat na service ace, 21 excellent dig, at 17 excellent reception.
Nanguna naman para sa Cignal HD Spikers si Janine Marciano matapos makapagtala ng 19 na puntos mula sa 15 spike, dalawang block, at dalawang service ace. Dinagdagan naman ito ng dating all-around player ng UP Lady Maroons na si Ayel Estrañero tangan ang kaniyang 26 na excellent set, apat na service ace, at isang drop ball. Nalimitahan naman ng Water Defenders ang star captain ng HD Spikers na si Rachel Anne Daquis sa apat na puntos.
Sa pagsisimula ng unang yugto ng laro, nagkaroon kaagad ng sagutan sina Daquis at Gen Casugod matapos nilang bumato ng matitinik na atake, 4-all. Sa kabila nito, hindi nagpatinag ang HD Spikers nang umatake ang dating San Beda Lady Red Spiker na si Marciano na nakapagbigay ng dalawang magkasunod na puntos, 8-4.
Sinabayan naman ni Estrañero ang pagpuntos ng kakampi nang makapagtala siya ng tatlong magkakasunod na service ace para umangat sa 11 ang kalamangan ng mga naka-pula, 7-18. Sa kabila nito, hindi nagpatinag ang Water Defenders dahil nabuhayan ng loob sina Bombita at Barroga matapos nilang mapalapit ang talaan ng kanilang koponan kontra sa HD Spikers, 20-22. Sa huli, tinuldukan ni Ranya Musa ang naturang set, 21-25, mula sa kaniyang malakas na spike attack at service.
Agad na nagpakitang-gilas si Fiola Ceballos ng Cignal HD Spikers sa simula ng ikalawang yugto nang makapagtala siya ng dalawang magkasunod na puntos, 1-5. Bumawi naman ang Water Defender na si Flora na nagresulta sa momentum ng kaniyang koponan, 7-all. Gayunpaman, hindi nagtagal ang naturang momentum bunsod ng kanilang magkakasunod na unforced errors, 8-13, pabor sa Cignal.
Uminit naman ang kamay ni Bombita nang makapuntos siya para sa koponan, 13-14. Sa kabila nito, hindi natinag ang HD Spikers nang magpakawala ng malakas na opensa si Marciano, 15-16. Nagdikit ang iskor ng dalawang koponan dahil sa kanilang palitan ng service errors, 18-all. Gayunpaman, nanaig ang BaliPure para sa yugtong ito, 25-20, mula sa matatalim na tirada.
Nakakuha naman ang Water Defenders ng kill block sa katauhan ni Casugod sa pagsisimula ng ikatlong yugto ng laro, 3-1. Naitabla ng HD Spikers ang iskor mula sa magandang connection nina Roselyn Doria at Estrañero, ngunit nakabawi ang Water Defenders sa pamamagitan ng spike at unforced errors ni Bombita, 5-3. Dikit ang naging laban ng parehong koponan matapos ang net touch error ng Water Defenders, 7-8.
Matapos ang palitan ng puntos, nakuha ng Water Defenders ang kanilang pinakamalaking kalamangan sa yugto mula sa pinagsamang puwersa nina Bombita at Casugod, 10-14, at nagpatuloy ang kalamangan ng koponan hanggang sa ikalawang technical timeout ng yugto. Sa kabila nito, nakabawi ang HD Spikers mula sa mga crosscourt hit ni Luna upang maibaba ang kalamangan, 18-16. Matapos ang huling timeout ng yugto, hindi na nabigyan ng pagkakataong makahabol ang HD Spikers, 25-22, mula sa kill block ni Casugod.
Sa pagsisimula ng huling yugto, agad-agad na ginulantang nina Doria at Barroga ang katunggali, 4-all. Pinalakas ni Barroga ang kaniyang loob matapos magpasabog ng apat na magkakasunod na service ace para maibulsa ang kalamangan, 9-4. Bukod pa rito, sinabayan ni Bombita ang atleta nang magpakawala siya ng tatlong magkakasunod na spike, 15-7.
Sa kabila banda, hindi pa rin nawalan ng kumpiyansa ang HD Spikers dahil nakapagtala ng anim na puntos si Marciano para maibaba pa ang kalamangan ng BaliPure sa dalawa, 23-22. Gayunpaman, nasayang ang kagila-gilalas na paghahabol ng atleta nang makabawi sina Bombita at Satriani Espiritu para wakasan ang laban, 25-22.
Abangan ang susunod na laro ng BaliPure Water Defenders kontra Creamline Cool Smashers sa Hulyo 28, Miyerkules, sa ganap na ika-6 ng gabi. Susubukan namang manalo ng Cignal HD Spikers kontra Choco Mucho Flying Titans sa Hulyo 27, sa ganap na ika-3 ng hapon.