NAGHAHARI PA RIN sa standings ang Creamline Cool Smashers matapos pabagsakin ang PLDT Home Fibr Power Hitters sa loob ng straight sets, 25-16, 25-12, 25-13, sa Premier Volleyball League (PVL) Open Conference, Hulyo 25, sa PCV Socio-Civic and Cultural Center sa Bacarra, Ilocos Norte.
Nanguna para sa Cool Smashers ang kanilang star setter na si Jia Morado nang makaukit ito ng 19 na excellent set at tatlong puntos mula sa dalawang drop ball at isang service ace, habang nakagtala ng 16 na spike si “The Phenom” Alyssa Valdez. Pinatindi naman ni Jema Galanza ang depensa at opensa ng Creamline nang makapaglista ito ng 13 excellent dig, siyam na excellent reception, anim na spike attack, at dalawang service ace.
Pinangunahan naman ng dating Lady Maroon na si Isa Molde ang PLDT matapos makapagtala ng pitong puntos habang pumundar naman ng limang puntos ang isa sa mga spark plug ng Power Hitters na si Shola Alvarez. Dumagdag din ng 18 excellent set at tatlong drop ball para sa Power Hitters ang isa sa mga beterano ng koponan na si Rhea Dimaculangan.
Bitbit ang inspirasyong makuha ang unang panalo, nagpasiklab ng malalakas na atake ang PLDT Home Fibr Power Hitters kontra sa Creamline Cool Smashers sa pagsisimula ng unang yugto, 1-2. Bilis at liksi naman ang naging sagot ni Valdez para dito matapos kumana ng isang crosscourt kill, 7-all, para pahintuin ang sunod-sunod na pagpuntos ng Power Hitters. Gayunpaman, hindi nagpatalo sa katunggali ang Power Hitters matapos magbitaw ng malalakas na spike si Joyce Sta. Rita, 11-all.
Patuloy ang madikit na palitan ng puntos ng parehong koponan ngunit matagumpay na pinahinto ni Celine Domingo ang momentum ng Power Hitters matapos pumukol ng magkakasunod na puntos, 16-13. Kasunod nito, pinalawak ni Valdez ang lead ng Creamline nang magpakawala siya ng mabibigat na opensa, 24-14. Tinuldukan naman ni Michele Gumabao ang unang yugto, 25-16, mula sa kaniyang tirada.
Hindi pa rin nawalan ng kumpiyansa at kinang si Valdez sa pagsisimula ng ikalawang set nang magpakawala ito ng tatlong magkakasunod na spike para makalamang ang Creamline, 3-1. Bukod pa rito, pinalakas din ng Creamline ang kanilang atake, 9-4, mula sa nagbabagang tira nina Galanza at Gumabao. Patuloy na umukit ng kalamangan ang koponan bunsod ng mga hulog ng dating star setter ng Ateneo Lady Eagles na si Morado at mga block ng dating Lady Bulldog na si Risa Sato, 15-5.
Tila nabuhayan naman ng kumpiyansa ang PLDT nang uminit ang mga kamay ni Molde at outside hitter Alvarez para mapalapit sa kalamangan ng Cool Smashers, 21-9. Sa kabila nito, hindi nagpatinag sa hatawan ang isa sa mga spark plug ng Creamline na si Rosemarie Vargas nang magpakawala ito ng dalawang magkasunod na power attack para makuha ang ikalawang set ng laro, 25-12.
Hindi inaasahan ng PLDT Power Hitters ang mabilis na atake ni Gumabao sa pagbubukas ng ikatlong yugto. Tinapatan naman ni Alvarez ang mga block ng Cool Smashers sa pamamagitan ng kaniyang crosscourt kill, 6-3. Gayunpaman, naging bentahe para sa Creamline ang unforced errors ng Power Hitters, 9-4. Ipinakita muli ni Valdez ang kaniyang gilas nang makahanap siya ng butas sa depensa ng Power Hitters, 12-5.
Sinubukan muli ng Power Hitters na umabante sa bakbakan nang magbitaw ng malalakas na atake si Molde laban sa malayong lead ng Cool Smashers, 17-10. Sa kabila nito, hindi nagpapigil si Valdez nang makapukol siya ng magkakasunod na puntos, 19-10. Patuloy na umarangkada ang Cool Smashers matapos nitong maabot ang tagumpay sa pangunguna nina Pau Soriano at Rizza Mandapat, 25-13, matapos pumukol ng dalawang magkasunod na puntos.
Layon ng Creamline Cool Smashers na ipagpatuloy ang kanilang winning streak sa darating na Miyerkules, Hulyo 28, sa ganap na ika-6 ng gabi, kontra Balipure Water Defenders. Samantala, lalaban muli ang PLDT Power Hitters upang masungkit ang kanilang unang panalo kontra Petro Gazz Angels sa Hulyo 27, sa parehong oras.