HINDI PINATAWAD ng Petro Gazz Angels ang Cignal HD Spikers matapos ipalasap ang bagsik ng kanilang katatagan sa loob ng straight sets, 25-22, 25-18, 25-21, sa Premier Volleyball League (PVL) Open Conference, Hulyo 23, sa PCV Socio-Civic and Cultural Center.
Tangan ang motibasyong makaahon mula sa pagkabaon sa nakaraang laban, madamdaming ipinalasap ni Kath Arado ang kaniyang mahigpit na depensa matapos mamayagpag kontra sa agresibong opensa ng Cignal. Napasakamay ng UAAP at PSL Best Libero ang nagbabagang 23 excellent dig at 12 excellent reception na nagbunsod sa kaniyang pagkamkam ng titulong best player of the game sa naturang pagtutuos.
Matagumpay namang inalalayan ng Petro Gazz main gun na si Gretchel Soltones ang kaniyang libero matapos makapagtala ng sumatotal 14 na puntos at walong excellent reception. Kapit-bisig ding pumundar ng mahahalagang puntos sina Ria Meneses at Remy Palma bitbit ang pinagsamang 12 block.
Nagsilbing bangungot naman para sa depensa ng Angels ang matatalas na tirada ng dating Lady Spiker na si May Luna. Nagpasabog ang HD Spiker scoring machine ng kagila-gilalas na 12 spike, siyam na excellent reception, at tatlong service ace. Sinabayan naman ito ng mahigpit na floor defense nina Ayel Estrañero at Jheck Dionela karga ang kanilang pinagsamang 30 excellent dig.
Pinaliyab ni Soltones ang nanlalamig na diwa ng Petro Gazz Angels sa pamamagitan ng kaniyang back-to-back attack upang makuha ng koponan ang buena-manong bentahe sa unang set, 5-3. Gayunpaman, hindi nagpatinag ang Cignal HD Spikers nang gumawa sila ng kanilang sariling palabas sa pamamagitan ng mga serve ni Esrañero, 8-9.
Dumaan sa butas ng karayom ang koponan ng Cignal para mapanatili sa kanilang panig ang kalamangan dulot ng mahabang rally na natapos lamang dahil sa error ng Petro Gazz blocker na si Meneses, 11-12. Sa kabila ng sagutan ng puntos ng dalawang koponan, inilabas ng Petro Gazz Angels na sina Soltones at Chie Saet ang kanilang powerful spikes at drop shots, dahilan upang tuluyang mapatikom ang Cignal, 25-22.
Matikas na panimula naman ang naging tema ng ikalawang set matapos kumana ng tatlong magkakasunod na puntos ang Angels, 3-1, na pinatatag ng matayog na depensa ni Meneses. Agad namang umahon mula sa kalbaryo ang HD Spikers sa pangunguna ng tambalang Luna-Roselyn Doria na nasayang bunsod ng mga mintis na tirada ni Rachel Daquis, 13-10, pabor pa rin sa Angels.
Muling sinalanta ng Petro Gazz ang katunggali sa kalagitnaan ng salpukan, 17-13, matapos magpaulan ng mabibigat na palo ang mga scoring machine ng koponan sa katauhan nina Soltones-Cess Molina. Tuluyang nahimbing ang Cignal matapos makapagbato ng paulit-ulit na unforced errors sa laban, 23-16. Sa kabila nito, sinubukang padikitin ni Doria ang talaan, 24-18, ngunit hindi ito naging sapat matapos wasakin ni Meneses ang kampo ng kabilang panig, 25-18.
Agad namang umarangkada si Molina sa ikatlong set matapos magpakawala ng isang manipis na cross-court spike, 4-1. Inunahan ng Angels ang HD Spikers na makapasok sa unang technical time out sa pamamagitan ng isang off-the-block spike ni Soltones, 8-6. Unti-unti namang humabol ang HD Spikers pagkatapos ng isang malabubong na block ni Doria kay Myla Pablo, 10-12.
Upang mapigilan ang unti-unting pagkabuhay ng HD Spikers, pinadaplis ni Molina ang bola sa kamay ng blockers, 15-11. Pumasok naman ang Angels sa 20-point mark dahil sa isang mainit na cross-court spike ni Pablo, 20-18. Naging epektibo rin ang substitution kay dating Lady Blazer na si Ranya Musa at nagpatuloy ang maiinit na palo ni Luna na naghudyat sa pagtabla ng talaan, 20-all. Pinilit mang humabol, nabigo ang HD Spikers dahil sa matibay na depensa sa net ng dating UAAP Best Blocker na si Meneses, 25-21.
Pinaigting ng dalawang koponan ang kani-kanilang opensa sa buong laban na pinangunahan ng Petro Gazz scoring machines na sina Meneses at Soltones. Napantayan naman ito ng Cignal HD spikers matapos magpasabog ng mga umaatikabong hampas ang tambalang Daquis-Luna. Sa kabila nito, umukit ng isang bantay-saradong net at floor defense ang Petro Gazz Angels na naging mahalaga sa pag-araro nila ng puntos.
Patuloy ang paghahabol ng Petro Gazz Angels sa liderato ng standings tangan ang 2-1 kartada. Bunsod nito, susubukan ng Angels na ipagpatuloy ang kanilang pagkapanalo kontra Perlas Spikers sa darating na Linggo, Hulyo 25, sa ganap na ika-4 ng hapon. Mabibigyan naman ng pagkakataong makabawi ang Cignal HD Spikers sa kanilang susunod na laban kontra Balipure Water Defenders sa parehong petsa, sa ganap na ika-1 ng hapon.