PINALUBOG ng Balipure Water Defenders ang koponan ng Chery Tiggo Crossovers matapos ang makapanindig-balahibong laban sa loob ng limang set, 19-25, 25-19, 13-25, 27-25, 15-12, sa Premier Volleyball League (PVL) Open Conference, Hulyo 22, sa PCV Socio-Civic and Cultural Center sa Bacarra, Ilocos Norte.
Pinangunahan ng Bicolanang spiker na si Graze Bombita ang kaniyang koponan matapos magpakawala ng umaatikabong 21 spike, dalawang block, at isang service ace. Naging kasangga naman niya sa pagpuntos ang dating Lady Falcon na si Bern Flora na umani ng 16 na puntos.
Bagamat nabigo sa laban, hindi naman nagpakaladkad ang Chery Tiggo captain na si Jaja Santiago na nakapaglista ng 23 puntos mula sa 19 na attack at apat na block upang pamunuan ang kaniyang koponan kontra Balipure.
Maagang ipinaramdam ng Water Defenders ang kanilang bagsik mula sa dalawang magkasunod na error ng Chery Tiggo at service ace ng beteranong manlalaro na si Bombita sa unang set, 5-2. Agad ding nagpakitang-gilas ang dating Lady Spiker na si Gyra Barroga nang makahanap ito ng butas mula sa mala-pader na block nina Mylene Paat at Santiago, 6-5.
Nabasag naman ang naipundar na momentum ng Chery Tiggo nang makapuntos si Gen Casugod at nalipat ang momentum sa Water Defenders na nagresulta ng apat na tuloy-tuloy na puntos, 14-all. Gayunpaman, Nautakan ng Chery Tiggo ang depensa ng Water Defenders mula sa service ace ni Maika Ortiz na sinundan ng pag-atake ni Santiago sa kabila ng block nina Casugod at Flora, 15-18. Nagising ang malamig na depensa ng Crossovers na nagbunsod sa mabilis na pagtatapos ng set, 19-25.
Natikman naman ng Chery Tiggo Crossover ang kanilang kaunaunahang pagkabigo sa set matapos lumamang sa attack, block at service ace ang naghahabol na Balipure Water Defenders sa ikalawang yugto ng harapan. Nanguna sina twin tower Shirley Salamagos at Casugod sa 7-0 run na naisagawa ng Balipure bunsod ng kanilang mabibigat na service.
Kinapos man sa opensa at depensa ang Chery Tiggo, nanatili pa rin ang kargadong palo ng starters na sina Santiago at Dindin Manabat upang tapatan ang pursigidong blockers ng kabilang panig. Gayunpaman, nanatiling matatag ang scoring machine ng Balipure sa katauhan ni Bombita at tinapos ang ikalawang set, 25-19.
Sa pagpasok ng ikatlong yugto, patuloy pa ring nanaig ang opensa ng mga nakapula matapos ang sunod-sunod na atake ng magkapatid na Santiago, 7-2. Bumawi naman ang koponan ng Water Defenders sa quick attack ni Salamagos na sinundan ng pamatay na spike ni Flora, 9-6. Matapos ang sunod-sunod na puntos ng Chery Tiggo, ginulantang ni Alina Bicar ang depensa ng kalaban nang makahanap ito ng butas sa gitna ng court, 13-9.
Gayunpaman, umarangkada na ang koponan ng Chery Tiggo matapos ang magkakasunod na error ng Water Defenders buhat ng mabibigat na service ni Japan V-League import Santiago. Nagpatuloy ang pagpapadapa ng Chery Tiggo sa depensa ng Water Defenders nang tuldukan ni middle blocker Rachel Austero ang sagupaan sa magkakasunod na service ace, 13-25.
Binago naman ng Balipure ang agos ng laban sa ikaapat na yugto bunsod ng magkasunod na combination play ni Bicar at atake mula kay Flora, 5-4. Pinatibay pa lalo ng Balipure ang kanilang net defense nang ma-double block nito ang back row attack mula kay Manabat, 7-6. Hindi naman nagpadaig ang Chery Tiggo at agad na umaksyon ng tatlong sunod-sunod na puntos mula sa tambalang Tina Salak at Yhan Layug, 7-10.
Walang takot namang ipinakita ng Balipure na hindi ito agad na umaatras sa laban nang pinahirapan nito ang depensa ng Chery Tiggo mula sa service ace ni Flora, 17-19. Mahigpit ang kapit ng koponang matikman ang unang panalo kaya hindi mapigilan ang pagpuntos ni Bombita mula sa malalakas na palo nito, 21-22. Hindi rin nag-alinlangan pa si Flora at tinapos nito ang ikaapat na yugto sa sa dalawang magkasunod na puntos, 27-25.
Agad namang binomba ni Bombita ang Chery Tiggo sa huling yugto upang dalhin sa tiyak na tagumpay ang koponan. Nagpakita ng liksi ang Batangueña middle blocker na si Salamagos sa kaniyang quick hit, 5-7. Sa kabilang banda, bumida ang pagbaon ng bola ni Manabat sa kabilang court upang habulin ang nag-uumapaw na determinasyon ng Balipure, 13-11. Subalit, nagpatuloy ang paghampas ng mainit na kamay ni Bombita upang angkinin ang matamis na panalo, 15-12.
Nabigo mang protektahan ang malinis na kartada, may pagkakataon pang makabawi ang Chery Tiggo Crossovers kontra Perlas Spikers sa Lunes, Hulyo 26, sa ganap na ika-3 ng hapon. Susubukan naman ng Balipure Water Defenders na sundan ang kanilang unang panalo kontra Cignal HD Spikers sa darating na Linggo, Hulyo 25, sa ganap na ika-7 ng gabi.