Tandang-tanda ko pa noon. Eksaktong buwan ng Mayo — panahong mas bata pa ako nang mahigit-kumulang limang taon nang magsimulang magbago ang aking pakiramdam sa lamig ng gabi; ang simoy ng hangin na dating pumapawi sa panghahapong dala ng maalinsangang tanghali, nagdulot bigla ng ‘di maipaliwanag na kilabot. Lalong binalot ng dilim ang mga eskinita na para bang pinagkaitan ng mga tala sa kalangitan. Nakatatakot na katahimikan ang nagsilbing bantay sa bawat daan, ngunit kung tatalasan mo lamang ang iyong pandinig — iyong maririnig ang maliliit na bulong na binabalaan ka sa maaari mong sapitin.
Binubuksan na ni lola ang telebisyon, pagpatak ng alas siyete ng gabi. Palaging tumatambad sa amin ang mga panibagong pangalan ng mga taong bigla na lamang humahandusay sa tabi. Sabi ni lola, mabuti na lamang at umuwi ako nang maaga dahil kinumpirma ng balitang aming pinapanood ang bali-balita pa lamang na kaguluhan sa kalapit naming kalsada. Pero bakit nga ba? Sabi nila, kasalanan ang magtanong dahil tiyak naman na may rason sa bawat pagdanak ng dugo. Isa pa, kalaban naman kasi ang mga itinutumba, ngunit kaaway rin daw ang mga nagdududa? Kaya naman, bagamat hindi ko lubusang naiintindihan, sumunod na lamang ako dahil sa ikabubuti naman umano ito ng bansa. Subalit, laking gulat ko na lamang nang mabalitaan ko ang biglaang pagdampot sa aking mga ka-eskuwela. Minalas lamang daw sila at napagkamalan; masuwerte pa nga raw, sapagkat sila’y buhay pa — kasagsagan din kasi ito ng mga tawag ng hustisya para sa halos kasing-edad naming si Kian.
Gayunpaman, lalo lamang gumugulo ang aking isipan. Kadalasang tugon sa aking mga katanungan ang paulit-ulit na naratibong mag-ingat na lamang at ‘wag na masyadong gumala. Magtiwala. Dahil anila, “Change is coming,” ngunit ang pagbabago palang tinatawag ang siyang paglala ng sitwasyon, pagkawala ng natitira naming kakarampot na karapatan, at ilang taong harap-harapang panlalapastangan.
Batayan ng hatol
Akala ko noon magkakaroon ng tunay na pagbabago. Akala ko magiging iba kompara sa nakaraan nating sitwasyon. Ngayon, mahigit isang taon na akong nakakulong sa apat na sulok ng aking kwadradong espasyo; buong araw na nakatapat sa iskrin ng aking laptop at magdamag na tinatrabaho ang mga gawain para sa paaralan. Habang tinitingnan ang balita sa social media, nakatanggap ako ng mensahe na magkakaroon ng diskusyon tungkol sa gobyerno—pagkatataon umano ito para sa kabataang mabigyan ng grado ang presidente. “Ano nga ba ang ibibigay kong grado sa administrasyong ito?”—iyan ang naiwang tanong sa aking isipan matapos magrehistro para sa programa. Sa pagsapit ng kinabukasan ng gabing iyon, pipirmi ako sa isang bulwagan kasama ng iba’t ibang grupo ng kabataan para sa idaraos na State of the Youth Address (SOYA) na may temang “SINGKO: Hatol ng Kabataan sa Pamahalaang Duterte.”
Hulyo 19, kitang-kita ko mula sa sasakyang aking kinauupuan patungo sa lugar na pagdarausan ng SOYA, ang madilim na kalangitan na magbabagsak ng tubig na naipon. Gayunpaman, hindi ito naging hadlang sa pagnanais kong marinig ang hatol ng kabataan sa limang taong pamumuno ng administrasyong Duterte.
Pagdating sa bulwagan, kaagad makikitang ipinatutupad ang health protocols katulad ng pagkuha ng temperatura ng bawat isa, paggamit ng alcohol, at pagsusuot ng facemask at faceshield. Makikita rin ang mga upuang magkakalayo, alinsunod sa physical distancing. Kakaiba rin ang tanawin sa loob ng bulwagan; may mga kabataan na nakasuot ng kanilang uniporme at may ilan ding suot-suot ang kanilang tradisyonal na damit.
“Natugunan ba ang lahat?”—iyan ang unang pangungusap na aking narinig nang magsalita ang mga tagapagdaloy na sina Coleen Mañibo mula sa National Union of Students of the Philippines at Rommel Gonzaga mula sa Polytechnic University of the Philippines Student Regent. Mariin nilang ipinaliwanag ang rason sa pagdaos ng SOYA 2021, ilang araw bago ang huling State of the Nation Address ng Pangulo. Sinuri nilang mabuti ang nagawa ng administrasyon, kasama ang mga inimbitahang tagapagsalita. Pagkatapos, kanila ring binigyang-pagkakataon ang mga kabataan mula sa iba’t ibang sektor upang makapagbigay ng grado sa Pangulo.
Tinalakay ng unang tagapagsalita na si Hon. Sarah Jane Elago, Kabataan Partylist representative, ang mga naging pagtugon ng pamahalaan sa iba’t ibang suliranin ng ating bansa. Ibinahagi niya ang mga suhestiyong nararapat sanang pinagtuunan ng pamahalaan pagdating sa kalusugan, edukasyon, trabaho at kabuhayan, ayuda at ekonomiya, karapatan, at soberanya. Kaugnay nito, ibinahagi niya rin ang pagsulong ng Kabataan Partylist sa mga solusyon sa problemang ito. Tinapos niya ang kaniyang pagbabahagi sa pamamagitan ng pagsambit ng “Kabataan, tayo ang pag-asa sa laban ng mga kabataan, sa laban ng mga mamamayang Pilipino.”
Kasunod nito, ipinaliwanag ni Hon. Renee Co, University of the Philippines Student Regent at 1Sambayan Convener, ang papel nating kabataan sa pagtupad sa mga solusyong ibinahagi. Isinalaysay niya ang papel natin sa darating na halalan at ang maaring maging mga hadlang sa isang malinis na eleksyon. Nagbigay rin siya ng mga paalala sa mga dapat nating gawin para maging handa sa darating na halalan. Sa huli, tinanong niya ang bawat isa, “Hahayaan pa ba humaba ang paghihirap? Ano ang gustong kinabukasan? Sino ang dapat na sumunod na mamuno?” Simple ang mga tanong na kaniyang iniwan, ngunit may mabigat na responsibilidad itong kaakibat.
Sinundan ito ng solidarity message ni Michael Adrian Non mula sa Office ni Sen. Leila de Lima. Iginiit niyang bumuboto ang mga tao batay sa personalidad ng mga kandidato at hindi sa kaya nilang gawin para sa bayan. Binasa niya rin ang mensahe ni Sen. De Lima na nagpapahayag ng pakikiisa nito sa laban na isinusulong ng kabataan. Aniya, “Bumoto para sa dekalidad na edukasyon, bumoto para sa karapatang pantao, bumoto para sa hustisya, bumoto para sa soberanya, bumoto para sa ekonomiya.” Ikinintal nito sa aking isipan na nararapat baguhin ang pananaw at basehan ng mga mamamayan sa pagboto, na malaki ang responsibilidad natin para matamasa ang pagbabago.
Para malaman ang magiging grado ng isang mag-aaral, mayroong batayan ang mga guro sa pagbibigay ng marka sa mga estudyante. Para naman sa Pangulo, ibinahagi ni Kabataan Partylist Spokesperson Raoul Manuel ang 9-Point Youth and People’s Agenda na tumatalakay sa mga kinahaharap nating suliranin sa edukasyon, serbisyong panlipunan, sahod at trabaho, repormang agraryo, mabuting pamamahala, kapayapaan, soberanya, kapaligiran, at diskriminasyon sa kasarian. Magsisilbing batayan ito para sa magiging grado ng kasalukuyang pamamahala ng Pangulo. Gayundin, gagamitin itong basehan para sa mga susunod na mamamahala sa ating bansa.
Binigyang-pansin din sa naging talakayan ang pagkakataong maaaring makaramdam ng pagod ang isa sa paglaban sa di-makatarungang pamamahala, lalo na tuwing mararamdaman nating binabalewala lamang ang sakripisyong ating ginagawa. Naging agam-agam ko rin ito nang may magtanong mula sa madla kung ano ang payo ng mga tagapagsalita sa mga taong malapit nang mapagod sa matagal na nilang pinaglalaban. Mabuti na lamang at pinaalala ni Hon. Elago na mapapagod at mapapagod talaga tayo sa labang ito. Hindi talaga ito magiging madali, ngunit sa mga pagkakataong ito natin nararapat balikan ang mga dahilan sa ating paglaban, at tandaang hindi tayo nag-iisa, bagkus, sama-sama.
Sigaw ng kabataan
Pagkatapos mailahad ang mga suliranin ng bayan at mga batayan ng paghatol sa kasalukuyang administrasyon, naalala ko ang katotohanang malaki ang responsibilidad nating kabataan. Dapat na ihanda natin ang ating sarili at gamitin ang platapormang mayroon tayo para isiwalat ang kawalang katarungang nangyayari sa bansa, tungo sa pagsusulong para sa pagbawi ng karapatang ipinagkakait sa sambayanan. Higit namang lumalim ang diskusyon nang magbigay ng kani-kanilang reaksyon ang mga dumalong kabataan mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan.
Sinimulan ito ni Nicky Castillo ng Metro Manila Pride upang bigyang-representasyon ang komunidad ng Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender, at Questioning+. Binanggit niya na patuloy pa rin nilang nararanasan ang diskriminasyon dahil sa kanilang seksuwal na oryentasyon. Nariyan ang hamon sa paaralan at paghahanap ng trabaho, bullying sa social media, pati na rin sa tugon at tulong sa kanilang kalagayan ngayong may pandemya. Natatakot ang ilan sa kanila na habang nagpapatuloy ito, baka dumating ang pagkakataong “words will not be enough and people will actually hurt us.”
Pagkatapos nito, inilarawan naman ni Mitch Bosmeon ang kaniyang karanasan bilang isang Lumad. Pagbabahagi niya, kinakailangan nilang magpalipat-lipat dahil sa banta sa kanilang buhay. Ramdam sa kaniyang mga pananalita ang galit sa gobyerno sa kawalang-katarungang nararanasan. Tumatak sa aking isipan ang mga binitawan niyang salita, “Nag-aral kami ng mga letra, kung paano madepensahan ang mga lupa ng aming ninuno, kung paano tumindig para sa aming mga karapatan.”
Pag-atake, pananakot, at pagpatay—ilan lamang sa mga salitang lumalarawan sa likod ng pagbabahagi ni Bosmeon. Hindi ko napigilan ang pagtayo ng aking balahibo nang marinig ko ang kaniyang karanasan. Lalong lumalim ang aking pagngangalit sa patuloy na pagtapak sa karapatang pantao sa ilalim ng rehimeng Duterte.
Sa sektor naman ng edukasyon, ibinahagi ni AJ Cruz, isang mag-aaral mula sa University of Santo Tomas (UST) Senior High School at tumatayo para sa sektor ng mag-aaral sa sekondarya, ang mga hamon at sitwasyong kinahaharap ng mga estudyante. Napipilitan umano ang ilan na mag-dropout at magtrabaho. Kaya naman, sigaw nila ang pagbibigay ng student aid para sa mga mag-aaral at pagsasaayos ng pondo para sa sektor ng edukasyon. Katulad naman ng ipinahayag ni Cruz ang hinaing ni Abby Silas ng University of Makati High School na bahagi ng out of school youth. “Nararapat lamang isabatas ang student aid bill para pondohan at magbigay ng tulong para sa mga out of school youth na kagaya ko na bumalik sa pag-aaral dahil ang edukasyon ay hindi revenue kundi karapatan,” aniya.
Para sa sektor ng medisina, isinalaysay ni Clark Trovella ng Philippine Medical Students’ Association ang kaniyang pagkadismaya sa mabagal at hindi epektibong solusyon na ginawa ng pamahalaan para sa pandemya. Aniya lalong lumala ang sitwasyong pangkalusugan ng bansa. “We are demanding for credibility and accountability,” may diin niyang bigkas.
“Kami ang magmamana ng lipunan na binabalewala ang sistema ng batas,” may pagkabahalang sambit ni Nicolo Bongolan, Vice President ng UST Law Student Council. Tunay nga naman kasing nakababahala ang sitwasyon ng bansa pagdating sa usaping karapatang pantao. Patuloy ang mga taong nasa kapangyarihan sa paggamit ng mga armas para manakot at mang-abuso.
Inilahad naman ni Euphoria Malaya ng Kalipunan ng Kristyanong Kabataan sa Pilipinas ang pag-uusig na kinahaharap ng sektor ng simbahan. Inuulan ng bala ang ilan sa mga simbahan at ikinukulong ang mga pastor sa kanilang pagtulong sa gitna ng pandemya. Katulad ng iba, tutol sila sa pandarambong at korapsyon na kitang-kita sa kasalukuyang gobyerno.
Labis ding nakababahala ang mga hamong kinahaharap ng mga mamamahayag. Ibinahagi ni Kyla Feliciano, Editor-in-Chief ng Ang Pahayagang Plaridel, ang pilit na pagpapatahimik ng administrasyon sa mga mamamahayag at publikasyong pangkampus. Nariyan ang pagpapasara ng ABS-CBN, pang-aatake sa Rappler, at ang patuloy na panre-red-tag at paninindak sa mga mamamahayag pangkampus. Sa kabila nito, matibay pa rin ang kaniyang paninindigan at sinabing “Paulit-ulit man tayong busalan at takutin, hindi magpapatinag ang mga mamamahayag. Sigaw ng kabataan, defend campus press, defend press freedom!”
Hindi man nakapunta sa diskusyon, nagpadala pa rin ng mensahe at mga hinaing laban sa pamahalaan ang ilan pang kabataan. Binanggit ni Engr. Ding Dong Bahan, Taguig SK Federation President ng Sangguniang Kabataan, ang kakulangan sa suporta at gabay sa mga programa pagdating sa mga barangay. Kaugnay nito, may pagdiriing sinabi ni Rae Reposar, isa sa mga Convenor ng 1Sambayan, na “While we hope for an effective leader and government, we should hold the past admin accountable.”
Malakas man ang ulan sa paligid, hindi nito natabunan ang lakas ng pangangalampag at paghingi ng hustisya ng kabataang nagtitipon sa bulwagan. Sa huli, sunod-sunod na singko ang ibinigay na marka ng iba’t ibang sektor para sa kasalukuyang gobyerno, na karapatdapat lamang dahil sa hindi epektibo at palyadong pamamalakad nito sa loob ng limang taon. “Nasaan ang pagbabagong ipinangako sa atin?,” mahalagang tanungin ang sarili. Kung mananatiling tahimik at walang pakialam sa mga nangyayari, hindi magiging iba ang magiging hinaharap ng kabataan sa kasalukuyang sitwasyon ng ating bayan.
Huling hatol
Tila ba isang malaking bangungot ang pagpapasailalim ng Pilipinas sa administrasyong Duterte; patuloy ang pang-aatake sa dilim, at isa-isang pinaparalisa ang bawat sektor ng lipunan. Subalit, kung isa nga itong malaking bangungot, nararapat lamang tayong mamulat nang makawala na tayo sa masamang panaginip na ilang taon na ring pinagsasakluban ang nararapat sanang maliwanag na hinaharap nating kabataan.
Masyado nang mahaba ang gabi! Subalit, wala pa ring himbing ang mga suliraning binabalewala lamang ng mga taong komportable sa kanilang pagkakaidlip. Kaya mahalagang tayo na ang mangunang gumising, dumilat at bumangon! At pagkatandaan ding maaaring umulit ang ganitong bangungot sa oras na pumikit tayong muli mula sa ating pagkakapiglas.
Tatapusin ko ang artikulong ito sa pamamagitan ng isang panawagan: Para sa mga katulad kong namulat sa ilalim ng pamahalaang ito, itinuturing ko kayong mga kababata — at bago maubos ang ating mga taon, sabay-sabay tayong tumindig para sa susunod na henerasyon ng kabataan. Para sa ating pagtanda, hindi na natin maipamana ang mga problemang dapat noon pa natuldukan.
At sa ngayon, sama-sama nating ibigay sa kasalukuyang administrasyon ang markang namumula at pumapalakol.