PINAAMO ng Petro Gazz Angels ang Black Mamba Army Lady Troopers matapos ang dikit na bakbakan sa loob ng apat na set 25-19, 22-25, 25-20, 25-21, sa Premier Volleyball League (PVL) Open Conference, Hulyo 18, sa PCV Socio-Civic and Cultural Center sa Bacarra, Ilocos Norte.
Malaki ang tiwala ng Petro Gazz middle blocker na si Riri Meneses sa kaniyang koponan kaya hindi siya nagdalawang-isip na magpakitang-gilas kontra sa katunggali. Nakapagtamo ang atleta ng sumatotal 16 na attack, siyam na block, at isang service ace. Hindi naman nawalan ng kinang ang dating three-time NCAA MVP Gretchel Soltones matapos makapagtala ng 18 kill na sinamahan ng bantay-saradong floor defense ni Kath Arado matapos makakuha ng 28 excellent dig at 21 excellent reception.
Hindi naman nagpaawat ang best scorer ng Black Mamba Army Lady Troopers na si Jovelyn Gonzaga sa paghabol sa puwersa ng kalaban nang makamit niya ang 17 attack, 16 na excellent dig, at dalawang block. Nagpakawala rin ng 14 na attack si Joanne Bunag na nagbigay ng malaking ambag upang habulin ang puntos ng katunggali.
Agad na nagpakitang-gilas sa unang yugto ng laro ang outside hitter ng Army Lady Troopers na si Honey Royse Tubino nang magpakawala ito ng malalakas na spike, 1-3. Napahinto naman ng outside hitter ng Angels na si Soltones ang nagbabagang mga kamay ng kalabanan, 2-3. Nakipagsabayan din sa pakikipagbakbakan ang middle blocker ng mga nakaberde na si Mary Anne Esguerra nang ipakita nito ang lakas ng kaniyang depensa, 5-7.
Hindi naman nagpaawat ang middle blocker ng Angels na si Meneses sa kalagitnaan ng laro matapos mapantayan ang puntos ng katunggali, 10-all. Pinatunayan din niyang matayog ang kaniyang mga block nang harangin nito ang magkakasunod na hampas ng Lady Troopers na nagpaangat sa kanilang puntos, 18-14. Gayunpaman, nagkaroon din ng dalawang magkakasunod na puntos ang Army Lady Troopers mula sa error ng kalaban, 19-16.
Patuloy ang pag-arangkada ng mga nakapula nang palakihin nila ang abante ng kanilang puntos, 23-18. Hindi naman hinayaan ng Lady Troopers na ibaba ang kanilang kumpiyansa at ipinagpatuloy ang kanilang magaling na depensa at pagkakaisa, 23-19. Sa kabila ng mahabang palitan ng tira, nanaig ang puwersa ng Angels at tinapos ng setter ng koponan na si Ivy Perez ang unang yugto ng laro, 25-19, nang makapagbitaw ng isang malakas na service ace.
Pagpasok ng ikalawang yugto, pansamantalang itinigil ang sagupaan sa ganap na ika-4:46 ng hapon bunsod ng malakas na ulan sa Ilocos Norte, 4-1, pabor sa Petro Gazz. Gayunpaman, bumalik ang laro sa ganap na ika-8 ng gabi. Mula rito, kaagad na nagpasiklab ng dalawang magkakasunod na power shots ang team captain ng Lady Troopers na si Gonzaga kaya nabalik ng Army Troopers ang kanilang momentum, 4-5. Bukod pa rito, nakipagsabayan din si Esguerra matapos magpakawala ng dalawang magkakasunod na puntos para maiangat ang kanilang kalamangan, 7-8.
Patuloy pa rin ang pagpapakawala ng mabibigat na kill ang dating stalwart ng San Sebastian Lady Stags na si Soltones para muling maibulsa ng kaniyang koponan ang kalamangan, 13-12. Tila nagkaroon naman ng sagutan sina Myla Pablo at Tubino matapos makuha ang puntos para sa kanilang koponan, 16-all. Sa kabila ng sagutan nina Pablo at Tubino, agad namang nagpakawala ng dalawang blocks si Meneses para maiakyat ang talaan ng Angels, 19-17.
Hindi pa rin sumuko ang Lady Troopers bunsod ng mga tirada nina Gonzaga at Tubino para maibulsa ang kalamangan, 20-23. Kaagad namang bumawi si Soltones matapos magpakawala ng dalawang spike para mapalapit ang Angels sa iskor ng Lady Troopers, 22-24. Sa kabila nito, sinagot at tinapos na ng Lady Troopers ang laro nang magbitaw ito ng isang crosscourt hit para matapos ang ikalawang yugto, 22-25, na nagpatabla ng laro, 1-all.
Uminit ang harapan ng dalawang koponan sa pagpasok ng ikatlong yugto ng laro matapos magpalitan ng malalakas na tira, 3-all. Hindi na hinayaan ni Gonzaga ng Lady Troopers na muling makalamang ang kalaban kaya nag-init ang kaniyang mga kamay, 9-12. Nanlambot naman ang mga kamay ni Meneses nang pumalya ang kaniyang block kontra sa matuling spike ni Gonzaga, 10-14, na nagpaabante ng anim na puntos para sa Army.
Hindi nagtagal, muli namang bumawi ang Angels nang putulin ng opposite hitter Jerrili Malabanan ang bangis ng katunggali na nagpatabla sa iskor ng dalawang koponan, 16-all. Nagpatuloy ang pag-angat ng puntos ng mga naka-pula nang magbato ng drop shot si Pablo, 19-17. Muling pinatunayan ni Meneses na hindi basta-bastang matutumba ang tore ng pulang koponan nang ipakita nila ang aktibong tandem nila ni Frances Molina. Nagtapos ang nag-aalab na sagupaan, 25-20, pabor sa Petro Gazz Angels.
Pagdating ng ikaapat na yugto, agad umarangkada ng dalawang magkakasunod na puntos ang dating Petron Blaze Spiker na si Molina para makuha ang kalamangan, 2-1. Hindi rin nagpatinag at agad nagpakawala ng isang malakas na spike ang Black Mamba kontra sa Angels, 6-5.
Sa kabila ng pagsabog ni Tubino, hindi nagpatinag si Molina matapos maiangat ang bentahe ng Petro Gazz Angels, 12-9. Bukod dito, patuloy ring nag-init ang mga kamay nina Pablo at Meneses kaya tumaas pa ang kanilang kalamangan, 16-10. Gayunpaman, nagkaroon pa ng pag-asa ang Lady Troopers dahil sa patuloy na pagpuntos, 18-13.
Hindi pa rin nagpatinag ang Lady Troopers dahil nabuhayan ang isa sa kanilang mga beterano na si Bunag nang magpakawala ito ng tatlong magkakasunod na kills, 21-20, na nagpababa sa kalamangan ng Petro Gazz. Sa kabila ng pag-init ni Bunag, agad namang nagpakawala ng isang pamatay na spike si Soltones para maibulsa nang tuluyan ang kalamangan, 23-20. Hindi na nakuha ng Lady Troopers ang lamang mula sa Angels kaya natapos na ang sagupaan sa iskor na 25-21.
Susubukan ng Petro Gazz na simulan ang kanilang mainit na kampanya sa torneong ito sa darating na Martes, Hulyo 20, kontra Creamline Cool Smashers. Susubok namang makaukit ng panalo ang Black Mamba Army Lady Troopers kontra BaliPure Purest Water Defenders sa parehong petsa.