SINIYASAT ang nakalipas na Online Make-up Elections 2021 sa sesyon ng Legislative Assembly, Hulyo 2. Magsisilbing gabay sa paggawa ng Online Election Code (OEC) para sa susunod na eleksyon ang nakalap na impormasyon mula sa ilang pangunahing opisyal ng Commission on Elections (COMELEC) ng Pamantasang De La Salle, Santugon sa Tawag ng Panahon (Santugon), at Alyansang Tapat sa Lasallista (Tapat).
Pagpunan sa bakanteng posisyon
Pinangunahan ni Loubern Reyes, kinatawan ng LA ng EDGE2020, ang sesyon sa pagbasa ng panukala at pagbabahagi ng kwalipikasyon ni Julienne Gonzales na nagsilbi bilang Chief of Staff ng EDGE2020.
Pagbabahagi ni Gonzales, nais niyang makapagpatupad ng mga programang makatutugon sa mga pangunahing problema ng kabataan. Plano niyang ilunsad ang Tinig, isang sarbey na naglalayong kumustahin ang mental health ng mga estudyante. Bahagi rin ng plataporma niya ang paglulunsad ng Dulo ng Hanay, isang webinar tungkol sa mga out-of-school youth.
Sa botong 22 for, 0 against, at 0 abstain, itinalaga si Gonzales bilang bagong Batch Vice President ng EDGE2020.
Pagpasa ng mga rekisito
Inihain ni Marts Madrelejos, FAST2018, ang mosyon ng pagrebisa ng adyenda sa pag-usisa sa Online Make-up Elections 2021. Aniya, kinakailangan itong baguhin dahil limitado lamang ang kanilang oras para sa sesyon.
Matapos enmiyendahan ang adyenda, inimbitahan ni Madrelejos sa sesyon ang mga opisyal ng COMELEC sa pangunguna nina dating Chairperson John Christian Ababan at kasalukuyang Chairperson Ram Vincent Magsalin. Kasama rin sa sesyon sina Jose Mari Pascua, Eianna Tagalog, at Jed Abalos, mga dating Ad Hoc Commissioner, at Bea Delos Reyes, Committee Head for Membership.
Inilahad ni Ababan na nagsimula ang pagpasa ng mga rekisito noong Nobyembre 27. Aniya, nagkaroon ng dalawang mas maagang deadline para sa pagsusumite ng mga discipline record at isang special batch noong Enero 9 para sa mga huling kandidato. Binuksan naman ang Certificate of Candidacy submission drive ng bawat partido sa huling linggo ng pagpapasa ng mga rekisito.
Ibinahagi rin ni Magsalin na nais niyang ipagpatuloy ang paggamit ng Data Tracing System (DTS) dahil isa itong epektibong paraan upang masuri ang mga rekisito habang pinananatili ang mga pribadong impormasyon.
Bukod pa rito, naniniwala si Ababan na mas naging matrabaho at matagal ang proseso at pagsusuri ng mga dokumento online kompara sa face-to-face. Saad niya, nakipag-ugnayan ang COMELEC sa Student Discipline and Formation Office (SDFO) upang mas mapadali ito sa pamamagitan ng pagsusumite ng consent form ng mga kandidato upang ibahagi ang dokumento sa komisyon.
Pagpataw ng mga parusa
Binanggit ni Magsalin na isa sa mga nais linawin ng komite sa OEC ang mga paglabag kaugnay ng eleksyon. Bunsod nito, tinanong ni Sophia Beltrano ang mga parusang maaaring ibigay ng COMELEC pagdating sa cyberbullying. “Cases of harassment that are not under jurisdiction of COMELEC have to go to SDFO,” aniya.
Dagdag pa ni Magsalin, magkakaroon ng isang fact-finding task force ang COMELEC na susubaybay sa mga nabanggit na paglabag. Magmumula naman ang mga kasapi ng task force sa komite ng Legal Affairs, Finance, Logistics, at Documentations ng COMELEC.
Ibinahagi naman ni Ababan na hawak ng Electoral Board ang mga reklamo noong Online Make-up Elections at nagsagawa rin sila ng mga random routine check sa mga kandidato. Aniya, “[OEC] states that 3 major offenses will disqualify the party and that will carry over until the end of the academic year.”
Kaugnay nito, kinuwestiyon ni Katkat Ignacio ang paraang ginamit upang maipabatid ito sa pamayanang Lasalyano gayundin ang proseso upang maiulat sa COMELEC. Ani Magsalin, hindi naipabatid ng komisyon ang mga paglabag na maaari nilang ireklamo kaya balak nilang makipag-ugnayan sa komite ng Rules and Policies upang makagawa ng isang serye ng mga bidyo at publikasyon ukol dito.
Kinuwestiyon din ni Ignacio ang posibilidad ng pagkakaroon ng paglabag sa konstitusyon kaugnay ng kalayaan ng komisyon, ngunit iminungkahi ni Giorgina Escoto, Chief Legislator, na konsultahin na lamang ang Judiciary hinggil dito.
Pagsuri sa pangangampanya at voters’ education
Binigyang-tuon ni Beltrano ang pagkakaroon ng limitasyon sa bilang ng mga publicity material na maaaring ibahagi sa social media ng mga partidong politikal sa loob ng isang araw. Ibinahagi ni Ababan na nagpataw lamang sila ng limitasyon sa bilang ng mga paid advertisement na maaari nilang ibahagi. Aniya, “We do not want to overreach because [it] is reserved to the political party on how they are going to execute their campaign strategy.”
Binalikan naman ni Pauline Carandang, kinatawan ng Laguna Campus Student Government, ang mababang partisipasyon ng mga Lasalyano sa nakalipas na eleksyon. Ibinatay niya ito sa Propaganda, ang espesyal na isyu ng Ang Pahayagang Plaridel ukol sa Online Make-Up Elections 2021, na nagsasaad na 51.4% ang walang kamalayan sa eleksyon, habang 44.8% naman ang hindi interesado bumoto.
Ipinabatid ni Magsalin na ipagpapatuloy nila ang pagsasagawa ng Miting De Avance at debate upang mas makilala ng mga estudyante ang mga kandidato. Dagdag pa niya, balak ng COMELEC na ipagpatuloy ang pakikipag-ugnayan sa Student Media Organizations at gamitin ang AnimoSpace para sa mga anunsyo.
Kaugnay nito, inamin din ni Ababan na mayroong mga pagkukulang ang COMELEC dahil nangangapa rin sila sa gitna ng online na setting kagaya ng ibang mga yunit ng USG. Saad niya, “The make-up elections is a learning experience wherein we really need to allot time for this and now that we are in [General Elections] so I hope these problems will be eased.”
Binanggit din ni Escoto na maaaring nagkaproblema sa pagpapakalat ng sarbey kaya umabot lamang sa 210 ang bilang ng mga respondente sa nasabing sarbey sa Propaganda. Tugon ni Hernandez, “I suggest possible strengthening of voters’ education of USG elections so when our student media orgs. . . conduct voter awareness surveys, mas mae-empower ang students na sumagot and we get better data.”
Pag-usisa sa panahon ng botohan
Sa pagpapatuloy ng sesyon, tinalakay naman ang naging proseso ng pagboto sa nakalipas na Make Up Elections 2021. Inimbitahan ni Madrelejos sina Gelo Casipe, Core President ng Santugon, at Martha Delos Santos, Core President ng Tapat, upang hingin ang kanilang perspektiba sa naturang pangyayari.
Ipinaliwanag ni Ababan na maipadadala ang login credentials sa mga botante sa gabi bago ang mismong simula ng halalan. Bagamat naipadala na, sinabi rin niyang hindi pa rin ito maaaring magamit sapagkat hindi pa opisyal na nagsisimula ang eleksyon. Kaugnay nito, inilarawan niyang tanging ang COMELEC Admin lamang ang may kakayahang pasinayaan o pahintuin ang halalan.
Nagkasundo sina Casipe at Delos Santos na mayroong kakulangan ang COMELEC sa naturang isyu. Kaugnay nito, sinubukan ng dalawang partido na tulungan ang COMELEC sa pagkalap ng impormasyon ng mga estudyanteng hindi nakatanggap ng credentials. Sa kabila nito, sinabi naman ni Casipe na hindi kontrolado ng COMELEC ang mga pangyayari kaya nagbigay siya ng suhestiyon na paigtingin na lamang ang kampanya sa voters’ education.
Binanggit naman ni Ababan na nasa humigit-kumulang 2,554 na estudyante ang nakaranas ng problema sa halalan. Binigyang-diin din niyang dapat usisaing mabuti ang listahan ng mga estudyante mula sa Office of the University Registrar (OUR) sapagkat ito ang pinagbabatayan sa pagbibigay ng login credentials. Isa rin sa mga binanggit na problema ni Ababan ang pagkakahalo-halo ng mga estudyante mula sa kampus ng Laguna at Manila sa ibinigay na listahan dahil sa data privacy concerns.
Kinuwestiyon din ni Madrelejos ang mga kinatawan mula COMELEC hinggil sa paglabag sa karapatan ng mga estudyanteng bumoto dahil sa mga nabanggit na isyu. Inamin naman ni Magsalin na nagkaroon ng mga kakulangan sa bahagi ng COMELEC ngunit siniguro nilang naging aral ito sa komisyon.
Binigyang-diin din ni Ababan ang nakasaad sa OEC na maaari lamang ipagpatuloy o iurong ang halalan sa oras na hindi matamo ang 50% plus one na voter turnout. Iginiit rin niyang ginawa ng COMELEC ang lahat ng makakaya nito upang magawan ng solusyon ang mga kinaharap na problema sa nakalipas na eleksyon, nang hindi lumalagpas sa manwal ng student activities. Ani Ababan, “We appreciate their efforts but we have to conform to the rules we set.”
Rekomendasyon ng LA
Sa pagtatapos ng diskusyon, binigyan ng payo ng mga kinatawan ng LA ang COMELEC upang mapangatawanan nito ang nakaatas na tungkulin sa kanila. Giit ni Beltrano, dapat gumawa ng mga programa ang COMELEC na makapagtataas ng kamalayan ukol sa kahalagahan ng pagboto at mga pangyayari sa eleksyon.
Kaugnay nito, binigyang-diin naman ni Ignacio na dapat masusing sundin ng COMELEC ang timeline na kanilang itinakda at tiyakin na may sapat na kaalaman ukol sa mga proseso ang lahat ng mga opisinang sangkot sa halalan, gaya ng Office of Student LIFE at SDFO. Dagdag pa niya, “It is not about the voter turnout being good but the students have exercised their right to vote.” Pahayag naman ni Madrelejos, “We plan to do something more concrete so COMELEC can more effectively do their mandates.”
Sa pagtatapos ng sesyon, pinasalamatan ni Escoto ang mga kinatawan ng LA at ang mga student media organization. Pinaalalahanan din niya ang mga tagapagtaguyod ng pag-usisa sa Make-Up Elections na gumawa ng buod para sa nakalap na impormasyon.