“Mahal kita.”
Bagamat dalawang salita lamang ang bumubuo sa mga katagang ito, mistulang dala nito ang bigat ng buong mundo. Maraming nagsasabing pasanin mo lamang ito at tapangan ang iyong loob, dahil walang pag-ibig ang umaalab nang hindi nagniningas. Kailangan itong hanginan at palakasin upang magbaga. Subalit, mapalad na silang naglakas-loob na sambitin ang mga kataga at nabiyayaan ng pagmamahal, lalo na sa pagitan ng mag-irog na umaayon ang pag-iibigan sa imaheng itinuturing na “tama” ng lipunan, sapagkat para sa mga miyembro ng Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender, Queer community (LGBTQ+), hindi lamang pag-ibig ang nakasalalay sa pagpasan ng bigat sa katagang “Mahal kita,” lalo na sa isang lipunang mapangmata. Tangan nila ang takot dahil hindi umaayon sa idinidikta ng lipunan ang pagmamahal na itinadhana ng kanilang katotohanan. Dahil dito, iniiwan silang sugatan ng kanilang mga karanasan, kasabay ng pag-ibig na ikinulong na lamang sa alaala, parang mga liham na hindi kailanman darating sa dapat na kinaroroonan.
Marapat ang lahat sa isang pagmamahal na mapagpalaya. Kaya naman kasabay ng selebrasyon ng Pride, inilunsad ng Alpas Youth Organization ang programang “Pride: Then and Now” noong buwan ng Hunyo. Layon ng isang buwang proyektong ito na ipakita ang iba’t ibang mukha ng pagmamahal na nakapaloob sa LGBTQ+ community, at ang mga paghihirap na kanilang dinanas dahil lamang naiiba ang kanilang pagmamahal sa kinasanayan. Ibinida ng programa ang kuwento ng nag-iibigang LGBTQ+ couples at ang mga akda ng mga miyembro ng Alpas na sumesentro sa danas ng mga nagmamahalang sumisilong sa bahaghari.
Pangingibabaw ng pag-ibig
Maraming paraan sa pagpiglas sa diskriminasyong hinaharap ng LGBTQ+ community. Isa na rito ang pagdinig sa kanilang kuwento at pag-unawa sa kalbaryong kanilang dinaranas. Kaya naman, inihandog ng Alpas Youth Organization ang “Pride: Then & Now” bilang isang proyektong naglalayong ibahagi ang mga karanasan ng mga kabataang miyembro ng LGBTQ+ community.
Sa pamamagitan ng panayam sa mga miyembro ng nasabing komunidad at mga liham na sumasalamin sa kanilang mga kuwento, naibahagi nila ang mga kuwentong pumapaloob sa pag-ibig, karanasan sa conversion therapy, pagladlad sa kanilang pamilya, at takot mula sa mapanghusgang lipunan at relihiyon.
Sa liham na pinamagatang Carlo and Miguel, sumulat ng liham si Carlo para kay Miguel, na nagpapakita ng karahasang dinanas niya sa conversion camp. Para naman sa liham na pinamagatang Elias and Guillermo, nakasentro ang paksa sa lihim ng kanilang tunay na identidad dahil sa takot mula sa mapanghusgang paligid. Sa pangatlong liham na pinamagatang Pat and Aya, itinampok ang isang kuwento ng mga gurong nawalan ng trabaho nang dahil sa pagiging tibo at pagkakaroon ng relasyon. Nakatuon naman ang huling liham na Sam and Jade sa impluwensya ng relihiyon bilang hadlang sa paglantad ng tunay na sarili. Iilan lamang ito sa mga balakid na dinaranas ng mga miyembro ng LGBTQ+ Community. Bagamat kathang-isip ang mga liham, ‘di hamak na marami pa rin ang tunay na nakararanas ng mga ito.
Itinampok naman sa kabilang bahagi ng programa ang panayam sa mga indibidwal na kabilang sa komunidad, ukol sa kanilang personal na karanasan. Binigyang-konteksto nila rito ang kanilang kuwento sa paglaladlad, kuwentong pag-ibig, at mga personal na balakid dulot ng mapanghusgang lipunan.
Marahil sa buwan ng Hunyo lamang sumasagi sa isipan ng nakararami ang pakikibaka ng LGBTQ+, ngunit magsisilbing paalala ang proyektong ito na patuloy ang laban para sa malayang pagmamahal at pantay na karapatan hanggang sa makamit ito.
Pagtangan sa nag-aalab na puso
Lantad ang katotohanang marami pang haharapin sa lakbayin tungo sa hinahangad na hinaharap ng LGBTQ+ community, lalo na’t patuloy ang kanilang paghihirap sa mundong ating ginagalawan. Gayunpaman, hindi marapat ang walang tigil na pagpigil ng lipunan sa pagmamahal na kaya nilang ibigay; para sa iba, pati na rin sa kanilang mga sarili. Karapatan ng lahat na magmahal, at hindi dapat ito ipagkait sa komunidad dahil tulad ng nakararami, parehas na pag-ibig din ang sinisigaw ng kanilang damdamin. Bagamat mahirap indahin ang kalbaryo ng buhay, patuloy ang pakikibaka ng komunidad para sa ninanais nilang kalayaan mula sa mahigpit na tanikalang nilikha ng lipunan upang kitilin ang pagkakataong isabuhay ang kanilang katotohanan.
Hangga’t patuloy ang pagsulong, kanilang tangan-tangan ang pagnanais na maibsan ang bigat ng katagang “Mahal kita” para sa komunidad—na hindi na mababahiran ng hiya at takot ang kanilang mga puso dahil sa birada ng mapang-aping lipunan. Patuloy na lalagablab ang apoy ng kanilang mga nagbabagang puso para sa isang kinabukasang mapupunan ng bahagharing mapagpalaya. Gayundin, darating ang panahong maihahatid ang pagmamahal na matagal nang ikinubli sa sarili. Hindi na lamang ito mananatiling nakasilid sa mga liham na naudlot ang pagpapadala, dahil sa wakas, napalaya na ang dating pusong pagal at takot sa madla. Ano man ang mangyari, makararating din ang kanilang pagmamahal sa dapat nitong kinaroroonan.