ISINAPINAL sa sesyon ng Legislative Assembly (LA) ang pagpapatupad ng mga panuntunan sa pagsulat ng mga resolusyon, Hunyo 25. Ipinasa rin ang resolusyon ukol sa pagsiyasat sa 2021 Online Make-up Elections at karagdagang probisyon sa manwal ng grievance para sa mga estudyante.
Samantala, inaprubahan din sa sesyon ang pagbibitiw nina Nadine Santos bilang Batch Vice President ng EDGE2020 at Sabine Gonda bilang Batch Vice President ng EDGE2019. Itinalaga naman si Tara Sanchez bilang bagong Batch Vice President ng EDGE2019.
Pagbibitiw at pagtatalaga ng mga opisyal
Unang tinalakay sa sesyon ang pagbibitiw ni Nadine Santos bilang Batch Vice President ng EDGE2020 sa pangunguna ni Loubern Reyes, kinatawan ng LA ng EDGE2020. Hindi nakadalo si Santos subalit nakasaad sa kaniyang resignation letter na nagbitiw siya sa kaniyang posisyon dahil sa paglipat niya sa kursong Behavioral Science sa ilalim ng College of Liberal Arts. Sa botong 23 for, 0 against, at 0 abstain, inaprubahan ang resolusyon.
Inihain naman ni Janna Josue, kinatawan ng LA ng EDGE2019, ang resolusyon sa pagbibitiw ni Sabine Gonda bilang Batch Vice President ng EDGE2019. Pinasalamatan niya ang kaniyang batch government sa pagbibigay ng oportunidad upang mapaglingkuran ang kaniyang batch. Sa botong 22-0-0, inaprubahan ang resolusyon.
Ipinanukala rin ni Josue ang pagtatalaga kay Tara Sanchez bilang Batch Vice President ng EDGE2019. Binanggit ni Sanchez na pamilyar na siya sa tungkulin ng isang Batch Vice President dahil naging direktor siya ng Research and Development sa batch government. Saad niya, “What really struck and convinced me to apply myself to student leadership was after seeing the advocacies and impact the projects make towards aspiring teachers in CED.“
Ibinahagi rin ni Sanchez ang kaniyang planong EDGE2019 EduTech, isang proyektong naglalayong pag-usapan ang paggamit ng mga video game, tulad ng Roblox for Education at Minecraft Education Edition, para sa edukasyon. Layon nitong ipakilala ang mga konsepto ng basic programming at 3D modelling, at mahasa ang pagkamalikhain at problem solving skills ng mga mag-aaral. Binanggit niyang mangyayari ang mga talakayan sa mga plataporma ng gaming at magkakaroon din ng livestream sa Twitch o YouTube at post ng mga highlight sa Facebook upang mas madali itong maakses.
Tinanong din ni Aeneas Hernandez, kinatawan ng LA ng EXCEL2022, kung nakipag-ugnayan na si Sanchez sa batch government at nakahanay ang kaniyang proyekto sa bisyon ng kanilang Batch President. Tugon ni Sanchez, hindi pa niya nagagawang makipag-ugnayan subalit naniniwala siyang nakaangkla ito sa layunin ng EDGE2019 na “create a collaborative and progressive student batch government.”
Inaprubahan ang resolusyon sa botong 22-0-0.
Pagsasapinal sa mga panuntunan ng LA
Pinasadahan naman ng komite ng Rules and Policies ang mga bagong panuntunan ng LA, LA Manual, at LA Journal at Vault.
Binanggit ni Hernandez na kinuha ang karamihan ng mga polisiya mula sa konstitusyon ng USG at dating manwal ng LA. Kabilang dito ang tungkulin at proseso ng LA at mga komite nito, pagbuo ng majority at minority floor, at mga responsibilidad ng Chief Legislator, Committee Heads, at Floor Leaders. Binigyang-diin ni Bryan Reyes, BLAZE2023, na isinasaalang-alang ang online setting sa paggawa ng mga panuntunan.
Binigyang-tuon din nina Ashley Francisco, FAST2020, Luis Martinez, FAST2017, at Sophia Beltrano, BLAZE2021, ang mga panibagong probisyon sa Office of the Chief Legislator (OCL), Laguna Campus Student Government (LCSG) Legislative Board, at Batch Advisory Board. Nilinaw din ng mga tagapagtaguyod na tatawagin nang Legislative Act ang mga bill at inaprubahang polisiya ng LA at USG President.
Samantala, ipinaliwanag naman nina Jomalesa at Bryan Reyes ang LA Journal at Vault. Magsisilbi bilang opisyal na tala ang Journal, kabilang ang mga sesyon, listahan ng mga opisyal, at ipinasang resolusyon, habang nilalaman naman ng Vault ang mga suhestiyong panukala. Layon ng dalawang mekanismong magkaroon ng kompleto at komprehensibong dokumentasyon at sanggunian ng mga aktibidad ng LA, sa pangangasiwa ng Chief Legislator kasama ang mga opisyal mula sa OCL.
Ipinakita rin ni Beltrano ang ilang kalakip na dokumento ng alituntunin ng LA tulad ng format ng mga resolusyon at gabay para sa mga mosyon. Ipinasa ang resolusyon sa botong 21-0-0.
Binati ni Escoto ang bawat kinatawan sa kani-kanilang mga kontribusyon. Pinasalamatan din niya sina USG President Maegan Regudo at Vice President for Internal Affairs Jaime Pastor, na dati ring mga kinatawan ng LA, sa kanilang mga suhestiyon para sa mga panuntunan ng LA.
Pagsisiyasat sa Online Make-up Elections
Inilahad ni Katkat Ignacio, EXCEL2021, ang tungkulin ng Commission on Elections (COMELEC) sa nakaraang Online Make-up Elections. Binigyang-diin din niya ang karapatan ng mga mag-aaral sa pakikilahok sa University Student Government. Aniya, “It is in the best interest of the student body to have transparency and accountability from COMELEC. . . for improvements on succeeding online and face-to-face elections.”
Inilatag naman ni Marts Madrelejos, FAST2018, ang mga tatalakayin kapag inimbitahan na sa sesyon ang mga opisyal ng COMELEC. Ilan sa mga ito ang kalakasan at kahinaan ng 2021 Make-up Elections at mga plano para sa susunod na General Elections.
Inaprubahan ang resolusyon sa botong 19-0-3. Hinikayat naman ni Escoto ang mga kinatawan na ihanda ang kanilang mga katanungan para sa COMELEC sa susunod na sesyon.
Karagdagang probisyon sa alituntunin ng grievance
Ibinahagi ni Francis Loja, EXCEL2023, na layon nilang ihanay ang manwal ng grievance para sa mga mag-aaral sa mga inilalathalang pagbabago ng Office of the President (OPRES) sa student handbook. Dagdag pa niya, “As we move forward with this online term, there are still concerns and problems students want to [be answered].”
Binanggit naman ni Pauline Carandang, kinatawan ng LCSG, na pinalitan ang terminong informal grievance bilang student-teacher dialogue. Aniya, binigyang-linaw ng bagong termino ang unang hakbang sa grievance. Dagdag pa ni Madrelejos, “We want you to communicate with the professors first before going through the process of grievance.”
Binanggit naman ni Astrid Rico, 74th ENG, na nakasaad din sa resolusyon na maaaring maghain ng grievance ang mga mag-aaral sa mga propesor na sinasadyang hindi sumunod sa mga itinakdang panuntunan ng Vice Chancellor for Academics at sa mga inilalathalang abiso sa Help Desk Announcement. Ilan sa mga binigay niyang halimbawa ang panuntunan sa independent learning week, academic easing, at academic break.
Ipinaliwanag naman ni Ignacio na mayroong idinagdag na probisyong nagsasaad na maaaring gumawa ng isang Ad Hoc Committee ang USG President at italaga ang mga College Assembly President upang magpasa ng grievance para sa mga mag-aaral mula sa iba’t ibang kolehiyo.
Inaprubahan ang resolusyon sa botong 22-0-0.
Paglalahad ng tatlong komite ng LA
Ibinahagi ni Beltrano, chairperson ng komite ng Rules and Policies, na pagtutuunan ng pansin ng komite ng Rules and Policies ang pagsisiyasat sa Online Election Code. Sinusubukan din ng komite na tapusin ang ilan pang resolusyon, partikular na ang Admin Code, Activities Assembly Manual, Code of Conduct, at manwal ng Office of the Secretary.
Binanggit naman ni Rico, chairperson ng komite ng Students’ Rights and Welfare, na nasa proseso na sila ng konsultasyon at pagsusulat ng resolusyon para sa polisiya ng SOGIE. Bukod dito, ilan din sa mga inihahanda ng kanilang komite ang pagpasa ng polisiya ng Data Privacy, at pakikipag-ugnayan sa Office of the Vice President for Internal Affairs para sa Student Services Website at Office of the Executive Treasurer para sa Persons With Disabilities operational fund.
Sa kabilang dako, ipinabatid ni Kali Anonuevo, chairperson ng komite ng National Affairs, na inaprubahan na ng Office of Student Life ang Poll power, isang proyekto kasama ang OCL. Binabalak din ng komiteng gumawa ng pahayag kaugnay sa pagpatay sa mga Lumad at sa nalalapit na Araw ng mga Pambansang Bayani.
Sa pagtatapos ng sesyon, binati ni Escoto ang mga kinatawan sa pag-apruba ng mga patakaran sa LA.