[SPOOF] Mamser, ano pong digitz niyo?: Pagsilip sa misteryong bumabalot sa mga ID Number


Likha ni jett_main

“Hello F19. u?” 

“M20. id no.??” 

Ayan. Ayan na naman. ID number na naman. Gusto ‘ko lang naman makahanap ng cute Luhzul guy para complete na ang aking Big 4 experience. ‘Di naman ako informed na may pa-checkpoint pala muna sa mga ‘to.

“Naloloka na ako ha! Bakit ba lahat kayong taga-Luhzol tanong nang tanong ng ID number? Entry ba ‘yan sa puso niyo ha? Daig niyo pa mga security guard sa SM kung maka-check kayo! Makikilala niyo ba ako pag sinabi ko sa inyo yang ID number na ‘yan? My gahd!,” hindi ko napigilang i-reply. Paano ba naman? Sa limang nakausap ko sa Omeglette sa ilalim ng tag na DLSU, mapa-lalaki o mapa-babae, hinahanapan ako ng ID number. Eh malay ko ba sa kanila kung anong ibig sabihin niyan!

“Wellll… as a matter of fact oo haha it’s parang like a horoscope here kaya i asked,” reply niya sa akin. Hala? Ano bang pinagkakakain ng mga tao rito sa Luhzul…

Ang utak sa likod ng misteryo 

“Welcome to Luhzul!”

Dito niyo matatagpuan ang samu’t saring mag-aaral — mga atleta, pala-aral, masining, pati na mga tiktoker. Mayroon silang iba’t ibang personalidad at pag-uugali na nagbibigay ng maraming kulay sa buhay sa Pamantasan. Maaaring ilagay ang mga ito sa kategorya ayon sa kanilang kolehiyo at departamento, ngunit ang hindi alam ng karamihan — pati na rin sa ID number. 

Matagal nang saksi sa mga pag-uugali ng mga Lasalyano si Madam Barna Charing, isang ID 115 na tatlong taon nang nasa pangatlong taon niya sa kursong Psychology. Sa panayam sa kaniya ng Buwanang Kalat at Katarantaduhan (BUKAKA), ibinahagi niya ang mga personal niyang karanasan sa pagiging dalubhasa sa pagkilala sa iba’t ibang uri ng tao, hanggang sa pagbibigay-depinisyon sa ugali ng mga Lasalyanong ID 116 hanggang ID 120.

Hindi madaling mag-aral ng pag-uugali ng mga tao, lalo na para sa malaking populasyon tulad ng pamayanang Lasalyano. Isinalaysay ni Madam Charing ang naging karanasan niya rito, “Actually, it was very hard for me nung una, but I found out that the real experts in this kind of work talaga are the people sa tabi-tabi ng Quiapo so I did my OJT with them. We usually prefer customers na we call, umm, auto-auto or something like that,” aniya. Malaking responsibilidad ito para kay Madam dahil naniniwala siyang isa itong hakbang sa pagkilala ng mga Lasalyano sa kanilang mga sarili, at tungo sa malalim nilang pagkaunawa sa pamayanang kanilang kinabibilangan. 

Personalidad sa likod ng ID numbers

Sa pagbabahagi ni Madam Charing ng kaniyang kaalaman patungkol sa kahulugan sa likod ng ID number ng mga estudyanteng Lasalyano, inilahad niyang may iba’t ibang personalidad na sinasalamin ang mga ito. Una, ibinahagi niya ang tungkol sa mga ID 116 at 117. “You know, those ID 116 are students na feeling superior dahil matagal na sila sa DLSU and para silang war veteran na oldies. You know, mabangga lang ng konti, nanghahamon na ng away.” Naging masaya naman umano ang kanilang college life ngunit gumraduate na nang online ang ilan. Gayunpaman, may iba pa ring natitira ngayon at gusto pang mag-stay nang matagal sa Luhzol dahil marami silang time to waste sa buhay. Samantalang ang mga ID 117 naman na limitado ang bilang because of K-12, “para silang mga anak na ‘di masyadong mahal ng magulang, hindi mo gaanong ramdam because they are passive and hindi masyadong pinapansin. Limited ang group of friends and socially challenged,” wika niya. 

Tila hindi madali at kakaiba naman ang pagbibigay-kahulugan ni Madam Charing sa ID 118 at 119. “Iyang ID 118, sila ‘yung mga pinagsakluban ng langit at lupa. Noong umulan ng kamalasan, sinalo lahat. Para silang mga lab rat na pinag-eeksperimentuhan ng maraming things kahit na wala namang solid plan.” Sila umano ang ID number na patuloy na hinahamon ng buhay, tulad ng mga batong hinubog na lang ng panahon, swertihan na lang kung maging diamante sa huli. Para naman sa ID 119, “They are students na may middle child syndrome na tila marunong makibagay sa lahat ng ID numbers ngunit masasabi rin na powerful sila because they stand in their own beliefs and insights,” mariing pagbabanggit ni Madam. 

May poot naman sa mukha ni Madam Charing habang isinasalaysay niya ang pagkakakilanlan ng ID 120 — silang ipinanganak sa gitna ng pandemya na may kakaibang identidad sa naunang ID numbers. Ani Madam, “Sila yung ID number na feeling strong at superior even though they haven’t experienced the campus yet, mga feeling entitled because they have a good background. Sila yung mga spoiled sa family na nakukuha lahat dahil kahit sila ang pinakapasaway, sila pa rin ang favorite ni mama! Oh my gosh lang talaga!!!” 

Sariling pagkakakilanlan

Sa bawat tanong ng “What’s your ID number?,” kaakibat pala nito ang kagustuhang mapalawak ang pag-unawa sa identidad na natatangi lamang sa pamayanang Lasalyano. Salamat kay Madam Charing at napagtanto kong kadalasa’y sinasagisag ng mga numerong ito ang iba’t ibang pagkakakilanlan at personalidad ng ika nga’y “ekslusibong” komunidad. Subalit mabuti man ang karamihan sa mga katangiang ito, nariyan din ang masasama. Gayunpaman, maikokonsidera pa rin ito bilang isang hakbang upang mas mamulat pa tayo sa mga kalakasan at kahinaan ng ating mga pag-uugali.

Lasalyano, isang paalala na hindi ka dapat nakakulong lamang sa personalidad ng iyong ID number, dahil mas mahalaga pa rin ang iyong pagkakakilanlan bilang isang natatanging indibidwal . . . puwera na lang kung ID 120 ka.