Kapanapanabik ang pagbabalik ng Pinoy Big Brother (PBB) sa ika-16 na season nito sa darating na Nobyembre dahil ibibida nito ang iba’t ibang personalidad na dadaan sa mga kakaibang hamon para sa masa. Matatandaang katatapos lamang ng Pinoy Big Brother Connect nitong Marso, ngunit hindi palalampasin ng ABS-CBN ang pagkakataong magkaroon ng Bardagulan Edition sa pagitan ng mga naghahangad maging big winner sa Halalan 2022.
Labis ang paghahanda ng network dahil pambihirang mga housemate ang magsasama-sama sa loob ng bahay ni Kuya. Layon umano ng PBB: Bardagulan Edition na pagsagupain ang mga kandidato mula sa magkakaibang partido. Sa tulong ng mga task na inihanda ng PBB team, mapatutunayan ang mga karapatdapat na mailuklok sa puwesto para sa susunod na administrasyon.
Naniniwala ang ABS-CBN na papatok ang palabas sa taumbayan dahil kapansin-pansing pagod na ang lahat sa mga pangakong napako at kasinungalingan ng kasalukuyang administrasyon. Sa tulong ng PBB, masisiyasat ng taumbayan ang mga motibo at intensyon ng mga kandidatong tatakbo sa Halalan 2022.
Pasilip sa makabagong programa
Sa ipinalabas na teaser video ng ABS-CBN, makikita ang mabusising preparasyon para sa panibagong palabas na magbibigay-kiliti sa mga manonood. Magsisilbi itong paraan upang malaman ng taumbayan kung kakayanin nga ba ng mga kandidato ang mga ihahain na hamon sa loob ng bahay ni Big Brother.
Ipinahayag ni Direk Lauren T. Pogi, producer ng PBB, ang kasabikan sa nalalapit na muling pagbubukas ng pambansang bahay. Sa panayam sa kaniya ng Buwanang Kalat at Karantaduhan (BUKAKA), inilantad niyang nagsagawa ng maraming pagbabago ang management para maiayon sa tema ng Halalan 2022 ang PBB. “Asahan niyong may bago sa PBB na ito. Lalabas talaga ang tunay na kulay ng mga politiko,” dagdag ni Pogi.
Bahagi ng palabas ang mga weekly task na paraan upang maipakita ang maganda at maayos na samahan ng mga politikong housemate o polhouse. Magkakaroon din ng daily challenge ang bawat polhouse na magsisilbing paraan upang mailatag ang kanilang mga plataporma. Hindi kaila na patok sa masa ang mga loveteam kaya naman magpapakilig din ang mga kandidatong nasa loob ng bahay upang lalong sumikat at mag-trending sa social media.
Ayon naman sa panayam ng BUKAKA kay Bhoy Abundance, panibagong host ng PBB, mataas ang kaniyang antisipasyon sa programa. Susubukan niyang kilatisin ang mga polhouse batay sa mga ibabatong katanungan. Saad ni Abundance, “We will do weekly fast talk with each politician. Bago ang nomination night, sasailalim sila rito para talagang malaman if they can lead a country.”
Nagbigay rin ng mga halimbawang katanungan si Abundance para sa kaniyang inaasahang panayam sa housemates. Aniya, “Ilan sa mga gusto ko tanungin ay kung bumuti ba yung mental health nila dahil sa Dolomite, kung balak ba nila i-try yung “rice cake” ng Pangulo, at kung gusto nilang maranasan makipag-motorcycle racing kasama si Bong Go.”
Sa huli, nasa kamay pa rin ng mamamayang Pilipino ang hatol para makilala ang magiging big winner. Makakukuha ng dagdag na airtime para sa kanilang promotional materials ang mananalo at kasama na rito ang sarili nilang palabas tuwing Linggo ng gabi. Paliwanag ni Pogi, “Papalitan namin yung Gandang Gabi Vice at ilalagay ‘yung pangalan ng mananalo.” Malaking tulong ang adbertismong ito upang tumatak ang big winner sa madla.
Paghahanda ng mga kandidato
Matindi ang pag-eensayo ni Mahny Pacquete para tiyak ang pagkapanalo sa bahay. Kaugnay nito, siniguro niyang makatrabaho muli si Coach Freddie Roach para sa magaganap na Big 4 Challenge. Ani Pacquete sa BUKAKA, “Advance talaga ako mag-isip kasi panigurado aabot ako sa Big 4. Kung pabilisan at palakasan lang ang labanan, taob silang lahat makikita mo.” Ngunit nang itanong kung nakailang puntos na siya sa pagdalo sa mga pagpupulong sa Senado, biglang naputol ang tawag ni Pacquete.
Kung bumalik sa dating gawi si Pacquiao, hindi naman inaasahan ang pagsasakabilang-bansa ni Sarah D. Falfak. Sa kung anomang dahilan, tila may tinatago siyang agimat. Pagbabahagi ng Alkalde ng Davao City sa kaniyang panayam sa BUKAKA, hindi matitinag ng ibang kandidato ang kaniyang katatagan dahil sa kaniyang maagang pangangampanya. “Mangangampanya pa lang kayo, pabalik na ako,” pagpaparinig niya. Ipinaabot din ng Alkalde ang kaniyang pasasalamat sa grupo niyang tinatawag na Keyboard Warriors na buong-puso ang pagsuway sa mga alituntunin para lamang ikabit ang mga karatula.
Nagsimula nang maghanda ang kabilang partido, habang hindi pa rin nakapipili ang 1Sabunutan ng kandidatong papasa bilang housemate ni Kuya. Sina Ivana Alawi, Coco Martin, Vice Ganda, at Alex Gonzaga ang pinagpipilian ng nasabing partido. Inaasahang makapipili ang nasabing partido ng kanilang pambato sa lalong madaling panahon.
Sa kabilang dako, mahalaga ang bawat bagahe sa loob ng bahay ni Kuya dahil kadalasang mas tinatangkilik ng taumbayan ang mga housemate na may madramang istorya, tulad kay Falfak na nakakabit na ang kuwento ng pagiging manipulative sad boi ng kaniyang ama. Maaari namang masaksihan ang multi-tasking skills ni Pacquete sa bahay, katulad ng pag multi-task niya sa Senado at sa Boxing ring.
Sa oposisyon, malaking hadlang ang pagiging Conyo Girl ni Alawi at isyu rin ang pagiging model ng salawal ni Martin sapagkat kasalanan ito sa mata ng matatanda. Pagiging invested naman kay Raffy Tulfo ang pokus ni Ganda. Higit sa lahat, hadlang ang pagiging Pambansang Lugaw ni Gonzaga sa mga gustong pumapel sa taumbayan. Kung sino man ang piliin ng 1Sabunutan, tiyak na siya ang pinakamahusay sa bardagulan dahil ani ng partido, “Hindi kami magpapatalo.”
Inaasahan ng publiko sa palabas
Sabik na ang taumbayan sa nalalapit na pagbabalik ng PBB sa telebisyon. Bukod sa pagkilatis sa mga kandidatong sasabak sa programa, nais din makita ng mamamayan ang paraan ng kanilang pagkilos sa pangkaraniwang araw.
Sa panayam ng BUKAKA kay Junel Jugel, tagapanood ng programa, ibinahagi niyang mahalaga sa kaniyang makilala sa malalim na paraan ang mga kandidato. Kabilang dito ang pagkilatis sa mga kagustuhan at kadalasang gawain ng kandidato. “Gusto kong malaman kung ano ba ‘yung paborito niyang ulam. Mamaya pala umiyak siya para lang sa fried chicken. O kaya naman, siya ‘yung uubos ng C2. Ibig sabihin nun, selfish siya. Kawawa naman ang mga Pilipino kung ganun ang mamamahala sa bansa,” paliwanag ni Jugel.
Pagkukuwento naman ni Mina Tinapa, tagasuporta ng PBB, marami siyang pinagsisisihan sa nakaraang eleksyon. Naniniwala siyang isang magandang oportunidad ang pagpasok ng mga kandidato sa bahay ni Kuya upang higit silang makilala. “I think it’s about time na mas kilalanin natin ‘yung mga kandidatong iboboto natin para sa susunod na eleksyon, kung karapatdapat nga ba sila o hindi. Sana kapag hindi maayos ‘yung pamamalakad, pwede rin tayong mag-text ng BB Evict,” ani Kalifa.
Bagamat isang reality show lamang ang PBB na kinahuhumalingan ng karamihan, nagsisilbi itong repleksyon ng tunay na pag-uugali ng mga indibidwal. Sa pamamagitan ng palabas na ito, matutuklasan ng mamamayan kung paano makihalubilo ang isang kandidato sa kapwa niya kandidato. Sa panahon ng pandemya, wala nang mas mahalaga pa sa pagkakaroon ng kakayahang makipagtulungan sa kapwa. Malaking tulong din ang palabas upang mabigyan ng oportunidad ang mamamayan na higit na makilala ang kandidatong nais iboto sa nalalapit na halalan. Sa ganitong paraan, maaaring magkaroon ng tunay na pagbabago sa bansa — tunay na pagbabagong nakaangkla sa pagkakaroon ng maayos na sistema, kongkretong plano, at mahusay na pamamalakad para sa sambayanang Pilipino.