Pagsapit ng alas otso, mistulang nagiging si Elsa ng Frozen na ang sambayanang Pilipino. Hala, sige. Isarado ang mga tindahan at i-lock ang mga barangay, dahil walang puwedeng lumabas! Manatili na lamang sa bahay at kalikutin ang mga puwedeng kalikutin—kahit ano, maibsan lamang ang pagkaburyo sa isa na namang gabi ng pag-iwas sa COVID-19. Pero teka nga, bakit nga ba tuwing gabi lang? Nightshift ‘yan gurl? Ano nga ba ang mayroon sa dilim at bakit dito lamang kinatatakutan si mareng COVID-19? Para ba siyang si Helcurt ng Mobile Legends na nagkakaroon ng extra attack damage kapag dumilim na? Iskeri.
Siguro nga panahon na upang maghanap ng kasagutan sa mga katanungan at usisain ang pagiging night owl ng COVID-19. Ika nga ni Papa P, “I deserve an explanation! I deserve an acceptable reason!” choz.
Why nga kaya?
Upang mahanap ang kasagutan, minabuti ng Buwanang Kalat at Katarantaduhan (BUKAKA) na kumalap ng mga kuwento’t haka-haka mula sa iba’t ibang personalidad tungkol sa misteryosong anyo ng COVID-19 tuwing gabi. Una naming nakapanayam si Estelle Suarez, endorser ng Dahlia, ang sabon ng mga artista. Ani Suarez sa text message na kaniyang ipinadala sa BUKAKA, “Alam mo feeling ko, insecure din ‘yan si mareng COVID-19. Sa looks niya gano’n. Pero since, hindi siya pwede sa mga sabon, tingin ko nag-gluta na lang siya kaya sa gabi lang siya lumalabas para iwas sunburn.”
Nang mabanggit naman namin ito sa panayam namin kay Bobbie Salazar, isang Corporate Communications Manager sa New York, agad niyang kinontra ang pahayag ni Suarez. Aniya, “That’s such a stupid idea. Hindi siya ah, ‘yung idea lang, baka ma-misinterpret na naman ako. But, I don’t think COVID-19 will be that shallow. Probably, New York based lang din yung time niya, like mine, that’s why sa gabi siya active.”
Sinubukan pa naming makahanap ng iba pang perspektiba, at sa kabutihang-palad, nakasalubong namin si dating pangulong Ina Montecillo habang hinahanap niya ang kaniyang anak na si Ten-Ten. Pagkukuwento niya, “Ahhh, baka ‘di lang talaga siya morning person, may ganyan ding presidente eh, night shift din. ‘Wag kayo masyadong mag-alala baka ‘di rin gano’n ka-efficient ‘yung COVID-19 kagaya nung presidente.” Nang tanungin namin kung sino ang kaniyang tinutukoy, hindi na niya kami nasagot sapagkat bumalik na siya sa paghahanap sa nawawala niyang anak.
Winelkam mo because?
Matatandaan ang mainit na pagsalubong kay COVID-19 sa pangunguna ng tagapamahala ng Mañanita Party Services, na tinatawag ding Bahay ni Diggy Sa Malacanang (BDSM), noong nakaraang taon. Ayon kay Diggy, ang kasalukuyang pangulo ng BDSM, biglaan lamang ang kanilang pag-imbita kay COVID-19 dahil hindi nito sukat akalaing sikat pala ito sa ibang bansa at siya pala ang magiging susi upang maging #1 muli ang Pilipinas sa buong mundo (Panalo na tayo. Congratulations, Philippines!). Usap-usapan naman ngayon sa social media ang umano’y paglabas lamang nito tuwing sumasapit ang gabi na siyang kinuwestyon ng mga kilalang personalidad, pati na rin ng outside world. Higit isang taon nang namamalagi si COVID-19 sa Pilipinas subalit isa pa ring misteryo ang paglitaw nito tuwing alas otso ng gabi hanggang alas singko ng umaga na kinatatakutan ng karamihan.
Matapos kumalat ang mga bidyo at retrato nitong nagmo-motor at naglalaro ng golf sa BDSM Gold Clubhouse, kaagad na nagbigay ng tugon si COVID-19 sa mga umuusbong na tsismis. Ipinaliwanag niyang nagkataon lamang na naghahanda sila para sa late night talk show sa BDSM noong gabing iyon. Dagdag pa niya, “Sinadya ko ‘yun. ‘Pag kinakalkal mo ako, parang bata…’pag lalo mo akong kinakantiyawan, mas lalo akong gumagana.” Matapos ang dalawang linggong pagtatago sa publiko, nag-post na ito ng retrato kasama si Diggy na may hashtag na #KalmaAkoLangTo bilang patunay na ginagawa nito ang kanyang trabaho at hindi pa niya kapiling si St. Peter.
Dinepensahan naman ni Mang Kanor, security guard ng BDSM, na matagal na nilang pinaghahandaan ang midnight exposure ni COVID-19 sa madla dahil matindi nila itong pinoprotektahan at inaalagaan laban sa anomang puwersa ng liwanag. Sinabi rin nito na pangunahing responsibilidad ni Mang Kanor ang siguraduhing manatili si COVID-19 sa bansa. Tungkulin niya rin umano ang pagkuha ng retrato kay COVID-19 sa tuwing maglalakad-lakad ito sa gabi. Sa pamamagitan nito umano siya makakukuha ng ligtas points para mas tumagal pa ang kaniyang pananatili sa loob ng BDSM.
Gusto ko nang umalis, tita Krissy
Hindi nagkulang sa pagbabanta ang ibang bansa sa kamandag at sindak ni COVID-19. Sa kabila nito, malugod pa rin itong sinalubong ng housemates sa BDSM na may kasamang banner na “Mabuhay! Maligayang pagdating sa Pinas.” Ipinaghanda pa umano ito ng boodle fight na may iba’t ibang klaseng lugaw noong ipinagdiwang ang unang anibersaryo ng pananatili nito sa ating bansa. Bali-balita rin na gusto nang ipa-Tulfo ni COVID-19 si Diggy dahil sa pagtutol nitong i-force evict siya mula sa bansa. Dinahilan naman ni Diggy na mawawalan kasi sila ng pambili ng second dose ng dolomite para sa disensyo ng susunod na Mañanita By The Bay kung aalis si COVID-19 sa bansa.
Sa kabila ng mga umiikot na chismis, hindi pa rin tiyak ang dahilan ng paghahasik ng lagim ni COVID-19 tuwing gabi. Subalit, hindi pa rin maitatanggi ang pagpapahalaga ni Diggy dito. Pagdidiin ni Diggy, “Ang mundo ay isang malaking Quiapo, lalaban ako para hindi siya maagaw sa akin.” Kaya naman, handa umano siyang gawin ang lahat upang hindi na lumisan ng bansa si COVID-19. Dagdag pa rito, binalaan niya rin ang mga taong patuloy na kumukuwestiyon sa paglabas ni COVID-19 sa gabi at pinayuhan silang manahimik na lamang. Pagtatapos niya, kung may problema umano sa nakatakdang curfew, edi awit lods, wala na umanong magagawa ang mga Pilipino kundi mag-adjust na lang. Gustuhin man naming makausap pa si Diggy, hindi na namin nagawa, sapagkat mas pinili na niyang matulog sa loob ng kaniyang kulambo, kaysa pakinggan kami.