OPISYAL NANG INILUNSAD ng Pamantasang De La Salle (DLSU) ang Groupmates to Pick (GTP) sa Facebook matapos manawagan ng mga Lasalyano para sa maayos na kagrupo sa mga gawaing pang-akademiya, Abril 8. Layunin nitong maitaas ang kamalayan ukol sa mga pabigat na kagrupo at tulungan ang mga estudyanteng makahanap ng matinong kagrupo.
Pagsulong ng oplan pagaan
Matagal nang umuugong ang reklamo sa mga pabigat na kagrupo, ngunit tumindi ang pangangalampag ng mga estudyante sa DLSU Freedom Wall kamakailan lamang dahil dito. Ani #DLSUFreedomWall73142 sender, “Barbell yata ang groupmates dahil sobrang bigat nilang buhatin.”
Bukod pa rito, may ilan ding mga kagrupong mahilig mang-iwan sa ere. “Bigla na lang akong hindi kinausap pagkasend ko ng Google Docs link sa kaniya,” pagbabahagi ni #DLSUFreedomWall90519. Dagdag pa niya, nag-reply lamang ito matapos mag-post ng larawan nilang magjowa sa Instagram.
Matapos ang ilang taon, inaksyunan na ito ng komite ng Students Rights and Welfare sa ilalim ng Legislative Assembly ng University Student Government sa pamamagitan ng pagsumite ng panukala sa administrasyon ng DLSU isang araw bago ang holy week break, Marso 30.
Inaprubahan naman ito ng administrasyon matapos suriing mabuti. Pahayag ni University President Br. Raymundon’t Woree, “The students are considered in everything we implement.” Dagdag pa niya, hindi rin naman daw ito pagkakagastusan dahil libreng plataporma ang Facebook.
Efas sa alagang GTP
Sa panayam ng Buwanang Kalat at Katarantaduhan (BUKAKA) sa mga itinalagang admin para sa Facebook group, inilahad nina Anon Imus, ID 118 ng kursong BS Computer Science, at Anne Known, ID 119 ng kursong BS Electronics Engineering, ang hangaring matulungan ang mga kapwa Lasalyano na hindi maranasan ang pasakit na dala ng mga freeloader.
Binigyang-pansin ni Known ang mga mag-aaral na natatakot magbahagi ng kanilang mga karanasan dahil maaari silang magantihan sa peer evaluation. Bunsod nito, gumawa sila ng Google Form na maaaring gamitin ng mga estudyante upang mailahad ang kanilang mga komento at karanasan sa kanilang kagrupo. Makikita ang mga resulta nito sa isang spreadsheet na naglalaman ng lahat ng komento ng mga Lasalyano. Giit niya, “Huwag kayong [mga magsusumbong] matakot. Sila [mga freeloader] dapat ang matakot.”
Kaugnay nito, tiniyak naman ni Imus na masusunod ang Data Privacy Act dahil mayroon silang mga security measure upang makaiwas sa anomang privacy breach. “Dito sa GTP, safe ka,” aniya.
Tungo sa Pamantasang pabigat-free
Ikinatuwa ni Nash Weekly, ID 119 ng kursong BS Marketing Management minor in Social Media, ang paglulunsad ng GTP dahil maaari niyang malaman ang work ethic ng kaniyang mga kaklase. Pagdidiin niya, “Mas napapadali ‘yung task with good groupmates so mas maraming time to make vlogs and Tiktok videos.”
Gaya ni Weekly, ikinagalak din ni Pabee Bough, ID 120 ng kursong BAMA Organizational Communication minor in DP Blast, ang naturang proyekto dahil sasapat na ang kaniyang oras ng tulog. Ilan sa mga hinanakit ni Bough ang paglalaho ng kaniyang mga kagrupo sa panahong kinakailangan nilang irebisa kaagad ang kanilang proyekto. Dagdag pa niya, “Mas malala pa silang mang-ghost kaysa past flings ko, at least ngayon makakabawi na ako ng tulog pati sa kanila.”
Inaasahan naman ni Dr. Quack Quack, propesor ng College of Liberal Arts, ang pagbaba ng bilang ng mga natatanggap niyang email kaugnay ng mga pangkatang gawain. Binanggit niyang ilan sa mga karaniwang alalahanin ng mga mag-aaral ang pagtatanggal ng pangalan ng freeloader sa grupo at pagmumungkahi ng opsyong gawing indibidwal ang takda. “This is a demonstration of Lasallians working together towards a better future,” dagdag pa niya.
Ekis na groupmate
Ibinahagi naman ni Derek Ramen sa BUKAKA ang kaniyang karanasan na maakusahan bilang pabuhat sa pangkatang gawain. “People are quick to judge, they cancelled me without knowing the real story,” aniya. Kumalat ang isyu nang mag-trending ang Tiktok video ng kaniyang mga kagrupong mas pinili ang pho kaysa ramen.
Emosyonal namang ikinuwento ni Ramen sa kaniyang Facebook livestream na nag-iba na ang tingin sa kaniya ng mga kapwa Lasalyano. “Before, ang bilis kong makahanap ng kalaro sa Valorant,” wika niya. Binanggit din niyang hindi patas ang paggawa ng Facebook group na ito sapagkat layon nitong ilantad ang mga pangalan nilang may bahid ng pagiging freeloader.
Inihayag naman ni Aygies Torri, kaibigan ni Ramen, ang kaniyang saloobin sa kakayahan ng kaniyang kabarkada. “Get that 3.0 bro. Alam mo namang ikaw na ang gumawa ng GDocs eh, let them do their part,” pahayag ni Torri. Hinimok din niya ang ibang Lasalyano na huwag agad magpaniwala sa mga fake news at hindi beripikadong opinyon. Wika pa niya, dapat silang piliin bilang kagrupo upang mapatunayan nilang hindi lang sila sa Instagram stories nagsisikap.
Sa mga susunod na linggo, inaasahang magagamit na ng mga Lasalyano ang GTP. Pagtatapos ni Imus, “We’re all in this together once we know that we are, we’re all stars and we see that.”