Magpapakitang-gilas si Department of Health (DOH) Secretary Francircus R. DuCake hindi bilang punong kalihim ngunit bilang isang aktor dahil inatasan siya ni Pangulong Daughter T. Falfak na lumahok bilang guest actor sa Season 17 ng programang Grey’s Anatomy. Ipadadala si DuCake sa Amerika upang masaksihan niya paano tinutugunan ng mga doktor ng naturang programa ang coronavirus disease 2019 (COVID-19), na maaari niyang gayahin at isagawa sa Pilipinas.
“Itong si DuCake, I am sending you to America para umarte diyan sa anatomy anatomy na ‘yan para alam mo paano mapatay iyang p******nang beerus na ‘yan,” pahayag ni Falfak.
Nagpasalamat si DuCake sa tiwalang ibinigay ng Pangulo sa kaniya bilang kinatawan para sa palabas. Ayon sa kaniya, makatutulong ito upang lalong mapaigting ang laban ng gobyerno sa mabilis na paglaganap ng COVID-19 sa bansa. “I am very grateful, Mr. President, for your trust. I will surely take home great ideas in mitigating the threat of COVID-19. Excited akong makilala nang personal sina Dr. Jackson Avery at Dr. Meredith Grey,” ani DuCake.
Sinisiguro ni DuCake na makaaasa ang sambayanang Pilipino na hindi masasayang ang pondong gagamitin para sa programang ito dahil taumbayan din ang makikinabang mula rito. Gagamitin niya umano ang pagkakataong ito upang mahasa ang kaniyang kakayahan sa pag-arte dahil naniniwala siyang mahalaga ito sa mundo ng politika.
Isang panibagong misyon
Hindi biro ang larangan ng pag-arte, lalo na ang gumanap bilang isang doktor, na tila kapansin-pansing bago para sa Kalihim. Subalit, iginiit ni DuCake na nananalig siya sa kaniyang acting skills dahil araw-araw niya itong isinasabuhay simula noong italaga siyang kalihim.
Sa isang eksklusibong panayam ng Buwanang Kalat at Katarantaduhan (BUKAKA) kay DuCake, ibinahagi niyang maagang ibinigay sa kaniya ang iskrip na gagamitin sa nasabing episode upang maigi niyang mapag-aralan ang kaniyang mga linya. “Napakaganda ng pagkakasulat! Iba talaga kapag world class. Pero may mga recommendations akong binigay sa directors,” pahayag ni DuCake.
Nang tanungin ang kaniyang mga ipinabago, tugon ng Kalihim,“Umiikot kasi ‘yung mga episode sa pandemic, which is nice para timely. Pero ang unrealistic kasi. Sample, mayroong isang matandang biglaan lang pumunta sa ER [Emergency Room] tapos na-admit agad? Eh ‘di ba mag-aantay ka muna ng ilang oras sa labas kasi may pila?”
Dagdag ni DuCake, “Tapos may isang episode raw na mag-a-administer ng bakuna kaming mga doktor sa buong siyudad at dapat walang sisingit.” Aniya, hindi ito makatotohanan.
Laging may drama
Ika nga, iba talaga ang gawang #ShondaRhimes dahil sa mga kaabang-abang na episode sa mga palabas nito at swak na swak ang pagbida ni DuCake dahil sanay na ang Kalihim sa maiinit na dramahan.
Isiniwalat ni DuCake na makasasama niya sa eksena ang bida ng palabas na si Grey dahil tatanungin niya si Grey ukol sa mga paraan upang masugpo ang COVID-19, at yayayain pa niyang samahan siya pabalik sa bansa upang tumulong sa pagtugon sa pandemya.
Sa kasalukuyang daloy ng palabas, matatandaang nasa comatose si Grey dahil tinamaan siya ng COVID-19, at katulad ng muli niyang pakikipagtagpo sa mga yumaong kasamahan, magsasama sila ni DuCake sa dalampasigan. Sa kanilang eksena sa tabi ng dagat, susubukang habulin ni DuCake si Grey ngunit tutugon ang bidang doktor ng kaniyang linyang, “The sand isn’t real.”
Bukod sa pag-alam ni DuCake sa mga kasanayan sa palabas ukol sa paglaban kontra COVID-19, inaasahan ding paraan ang paglabas ni DuCake sa internasyonal na programa upang patuloy na palaganapin ang relihiyong ‘Duquenism’ na naunang itinampok ng BUKAKA noong nakaraang taon. Inaasahan ni DuCake na makatutulong ang pagbida niya sa Grey’s Anatomy upang paramihin pa ang kaniyang mga tagasunod o miyembro ng kaniyang fans club.
DuCake at Webber: Love team sa pagbibigay-aliw
Isa sa mga tampok na bahagi ng popular na medical drama ang mga love team. Sa ipalalabas na episode, maaaring asahan ng publiko na mayroon ding magiging espesyal na ka-tandem si DuCake — si Dr. Richard Webber. Sa panayam ni DuCake sa BUKAKA, masaya niyang ikinuwento ang mga kakilig-kilig na eksena na dapat abangan ng madla.
“It was a pleasure appearing alongside Dr. Webber, dahil mayroon kaming similarities, katulad ng favoritism at pagiging rule breaker. Halimbawa, ‘yung pandaraya sa clinical trial, ‘yung pagsuporta roon ni Dr. Webber, talagang hinangaan ko. Alam na alam ko namang marami siyang fans. Ah basta, ayoko na lang talaga mag-talk, abangan niyo naku, marami kaming mga pasabog do’n,” wika ni DuCake.
Hindi kataka-takang sa kabila ng mga kapalpakan ni DuCake, talagang mapapatanong ang mamamayan kung anong gayuma ang kaniyang ipinainom sa Pangulo para patuloy siyang pagkatiwalaan. Matatandaang dumarami muli ang mga positibong kaso ng COVID-19 at wala pang sistematikong plano ang Kalihim ukol dito sa kabila ng paglipas ng isang taong pagkakakulong ng mga Pilipino dahil sa ipinatutupad na community quarantine.
Dagdag ni DuCake, upang mapanatili ang tiwala ng Pangulo at mas mahasa pa ang kaniyang talento sa pag-arte, humingi siya ng tulong kay Presidential Spokesperson Harrynola. Agad namang pinaunlakan ni Harrynola ang kahilingan ni DuCake at sinabing, “Sa panahon ng pandemya, natutuwa akong humingi ng tulong sa’kin si Secretary. Kahit papa’no may ambag para maaliw ang ating mga kababayan.” Sabay pahabol ng, “Kalma ako lang ‘to.”
Bago lumipad tungo sa Amerika, muling nagpahayag ng pasasalamat si DuCake kay Pangulong Falfak at sa taumbayan. Aniya, “This is one of the best plans of the Administration in its battle against the pandemic. ‘Di bale, pag-uwi ko, humanda ‘yang COVID-19 na iyan dahil mas handa na akong labanan ‘yan. Tsaka baka kasama ko na umuwi si Avery!”
Talaga namang pangmalakasan ang kahusayang ipinakikita ni DuCake sa harap ng kamera, gaya ng patuloy na pagbubulag-bulagan at pagbibingi-bingihan niya sa tunay na kalagayan ng bansa. Marapat lamang siyang gantimpalaan ng isang masigabong palakpakan para sa kapalpakan at kadramahan na patuloy niyang ipinakikita kahit isang taon nang lugmok ang bansa dahil sa hindi matapos-tapos na pandemya. Sa pagbisita niya sa Grey’s Anatomy, inaasahang aangat ang antas ng pangkalusugang sektor ng bansa dahil ani DuCake, “It’s a beautiful day to serve the people.”