Paghahasa sa sandata: Kapangyarihan ng boto ng sambayanan, binigyang-diin ng LEY La Salle

Banner mula sa LEY La Salle 

PUSPUSANG ipinaalala ng organisasyong LEY La Salle ang kapangyarihan ng bawat boto at responsibilidad ng bawat kabataang itaguyod ang pagbabago, sa pamamagitan ng idinaos na A Day of Power: Voter’s Education Webinar, Mayo 22. Layunin ng diskusyong ipabatid sa mga tagapakinig na mayroong taglay na kapangyarihan ang sambayanan at kinakailangang gamitin ito sa kritikal at edukadong pagpili ng mga pinuno dahil hawak nito ang kinabukasan ng mga Pilipino.

Bago magsimula ang unang diskusyon, tumindig si Audrey Garin, isa sa mga tagapangulo ng nasabing webinar, at sinabing, “We have the capability to determine our next leaders. What more if we have the collective efforts?”

Pagtaguyod sa demokrasya

Naniniwala si Dr. Cleo Anne Calimbahin, associate professor mula sa Pamantasang De La Salle at unang tagapagsalita ng nasabing webinar, na laganap ang mga alyansa sa politika at dinastiya sa bansa na nagdudulot ng pagkasiphayo ng daloy ng eleksyon. Saad niya, isang balakid sa pagkamit ng maayos na sistema ng eleksyon ang kolonyalismong pag-iisip ng mga Pilipino, kagaya ng pagtangkilik sa pamahalaan ng Singapore na mayroong sistemang parliamentary representative democracy na kakaiba sa sistema ng Pilipinas na constitutional democracy.

Dagdag ni Calimbahin, tungkulin ng mga inihalal na lider na mamuno nang maayos at naaayon sa nasasakupan nito. Gayunpaman, kaakibat ng tungkuling ito ang responsibilidad ng mga namumunong managot sa pagkakataong hindi nila naisasagawa nang maayos ang kanilang tungkulin at kapag hindi sila nagpapakita ng katatagan upang solusyonan ang problema ng bayan. Kaugnay nito, ipinaabot niya sa mga tagapakinig na, “Citizens should hold them [officials] accountable. . . Holding public official accountable is a way of asking them, if they are part of the problem or the solution.”

Bunsod na rin ng mga dagok na kinahaharap ng bansa sa kasalukuyan, matinding iginiit ni Calimbahin na may magagawa ang bawat Pilipino upang muling iangat ang antas ng pagboto sa bansa. Una sa binanggit niya ang pagkamit ng mas kooperatiba at mas mapagkompitensiyang Pilipinas. Dagdag niya, ugaliing maging mabuting mamamayan at ipalaganap ang kaisipang may mas iaangat pa ang Pilipinas. Aniya, “Do not just be critical. Have a more critical analysis. Acquire skills to help construct a country with a better quality of life.”

Sa pagtatapos ng kaniyang diskusyon, tinugunan ni Calimbahin ang tanong ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) ukol sa epekto ng pandemya sa pagpaparehistro ng mga Pilipino upang makaboto sa Halalan 2022. Sambit niya, hindi dapat nililimitahan ng pandemya ang kakayahang magparehistro ng mga karapatdapat na botante. Gayunpaman, kailangang isaalang-alang ang kaligtasan. Dahil dito, ipinabatid niyang, “Make preparations and arrangements. Isipin ang nangyari sa India [nagkaroon ng halalan at biglang dumadami ang kaso ng COVID-19]. It’s not about registration, we should think about how we vote next year.”

Pinasadahan din ni Emma Lyn Masongsong, Senior Information Officer of Education and Information Department of Commission on Elections (COMELEC) at ikalawang tagapagsalita, ang ilang Frequently Asked Questions o FAQs ukol sa pagpaparehistro. Ipinaalala niyang mahigit tatlong buwan na lamang ang natitirang panahon para dito kaya’t hinikayat niya ang mga manonood na magparehistro sa lalong madaling panahon upang maiwasan ang pagdagsa ng tao sa mga registration center. Kaugnay nito, inanyayahan ni Masongsong ang madla na bisitahin ang website ng COMELEC sa link na https://irehistro.comelec.gov.ph/cef1 para sa mas detalyadong impormasyon. 

Bukod dito, sinagot din ni Masongosong ang tanong ng APP tungkol sa Halalan 2022. Sinabi niyang maiiba na ang estilo ng pangangampanya sa bansa bunsod ng limitasyong dala ng pandemya. Dagdag niya, hahaba rin ang oras ng paghihintay dahil limitadong bilang ng tao lamang ang dapat na nasa polling center upang masunod ang alituntuning pangkalusugan. Idiniin naman niyang maraming botante ang inaasahang pag-iisipan nang maigi ang bawat botong ikakasa dahil mas ramdam ng sambayanan ang epekto ng pandemya dahil sa nasaksihang pamumuno ng mga opisyal na kasalukuyang nasa posisyon. 

Gampanin ng kabataan sa eleksyon

Naniniwala si Raoul Manuel, kasalukuyang national spokesperson ng Kabataan Partylist at ikatlong tagapagsalita, na may mahalagang gampanin ang kabataan sa darating na halalan. Iginiit niyang malaki ang bilang ng kabataang karapatdapat bumoto sa darating na halalan, na binubuo ng 25 milyon o 40% ng kabuuang populasyon nito. Bukod dito, ipinaliwanag niyang mayroong iba’t ibang klase ng kabataan; mga estudyante, out-of-school, nagtatrabaho, kababaihan, LGBT+,  bahagi ng pambansang minorya, biktima ng sakuna at kalamidad, differently abled, kabataang nasa sitwasyon ng armed conflict, at mga young offender. Isinaad niyang importanteng maparamdam ng kabataan ang kanilang potensyal sa pamamagitan ng pagsisilbi sa bayan para sa ikabubuti ng lipunan. 

Idiniin ni Manuel na 39.2 milyong mga bata na nasa edad anim hanggang 24 ang nararapat na pumapasok sa paaralan, ngunit 35.67 milyon lamang ang nakapag-aaral. Samantala, 3.53 milyon na mga bata ang bahagi ng out-of-school youth. Makikita sa mga numerong naisaad na malaki ang hatak na magagawa ng kabataan sa eleksyon at magsisilbing oportunidad ito upang makapagluklok ng karapatdapat na kinatawan ng mamamayang Pilipino, na siyang magsisilbing tulay ng sambayanan upang maiparating ang kanilang hinaing. Nanawagan din si Manuel na manatiling alerto sa mga motibo ng bawat kandidato, pati sa kanilang mga ginagawa upang mailuklok sa posisyon, kagaya ng pandaraya, misimpormasyon sa midya, malaking gastos sa kampanya, mga dinastiya, at huwad na party-list. 

Ibinahagi rin ni Manuel sa APP ang kaniyang pananaw tungkol sa epekto ng pandemya sa pagpaparehistro para sa darating na eleksyon. Aniya, mahalagang gamitin ang talino sa teknolohiya, lalo na ng kabataan, upang maengganyo ang ibang mamamayang magparehistro. Aniya, “Maganda na magamit ang social media to spread information regarding what is happening and what must be done while not neglecting what we can do on ground.”  

Tunay na makapangyarihan ang kaalaman ngunit hindi ito magagamit sa pagsasakatuparan ng layunin kung hindi maisasalin sa kilos. Panahon na para maipakita ng sambayanang Pilipino ang pagkatuto sa kawalang-malasakit at kapabayaan ng mga kinauukulan, at ipamalas ang kaalaman sa pagpapalakas ng karapatan at kapangyarihang bumoto sa Halalan 2022.