Saksi ang ating mga mata sa patuloy na paglago ng kulturang popular sa ating bansa. Halimbawa na lamang na maituturing ang pag-usbong ng iba’t ibang Philippine Pop o P-Pop groups sa industriya ng midya sa Pilipinas, tulad ng MNL48, SB19, BGYO, at Alamat. Sa pagdaan ng mga araw, unti-unting tumitingkad ang ningning ng mga panibagong bituin ng industriya — handang magbigay-saya sa ating mga buhay. Ngunit bukod sa inihahandog nilang saya, nagsisilbi ring tulay sa paglinang ng ating kultura at pagkakakilanlan ang kulturang popular; isinisiwalat sa mundo ang yamang taglay ng kalinangang Pilipino.
Upang paigtingin ang diskurso sa gampanin ng kulturang popular sa patuloy na pagpapalalim ng dalumat, inilunsad ng Dalubhasaan ng mga Umuusbong na Mag-aaral sa Araling Filipino (DANUM) ng Pamantasang De La Salle (DLSU) ang webinar na Alamat at Dalumat: Isang Panayam sa Wika, Kultura, at Pagkakakilanlang Pilipino noong Mayo 14. Layunin ng webinar na bigyang-pansin ang halaga ng tanyag na kultura sa paghubog, paglinang, at pagpapayaman ng wika at pakakakilanlang Pilipino. Tampok sa programa ang kilalang P-Pop group na Alamat at ang creative director ng grupo na si Jason Paul Laxamana. Gayundin, upang paigtingin at palalimin ang mga diskusyon, inimbitahan ng DANUM si G. Jeconiah Dreisbach, isang propesor sa Departamento ng Filipino ng Pamantasan, at si Dr. Ruanni Tupas, isang propesor ng Applied Linguistics sa ilalim ng Department of Culture, Communication and Media, Institute of Education, University College London.
Alamat sa pagbuo ng Alamat
Nagsimula ang diskusyon sa konseptwalisasyon ng grupong Alamat. Sa pagbuo ng konsepto ng grupo, naging mahalaga para kay Laxamana ang kaniyang mga karanasan sa kolehiyo na nagmulat sa kaniya tungkol sa nanganganib na sitwasyon ng kaniyang kultura bilang isang Kapampangan. Dahil dito, naging pokus ng kaniyang mga likha, mapakanta, pelikula, o komiks, ang muling pagtuklas sa kultura. “…ngunit hindi lang pagtuklas, gusto kong dalhin ‘yon sa mga kabataang Kapampangan, kasi sila ‘yung nanganganib na mawalan nung pagiging pamilyar nila sa sarili nilang wika at identity,” paliwanag niya.
Dahil dito, naging instrumento ni Laxamana ang kulturang popular upang isulong ang kaniyang adbokasiya hanggang sa nabigyan siya ng tsansang makapagtayo ng isang kompanya dalawang taon na ang nakararaan. “Nung pinag-isipan ko kung ano ‘yung magiging pinaka-main thrust ng kumpanyang ito, napag-isipan kong balikan ‘yung adbokasiya ko noon pa. Pero sa pagkakataong ito, hindi na lamang limitado sa Kapampangan, kundi sa iba’t ibang kultura ng bansa nating Pilipinas,” paglalahad niya. Pinakaunang proyektong pangmusika ng kaniyang kompanya ang Alamat, walong indibidwal mula sa iba’t ibang pangunahing etnikong grupo sa Pilipinas na layuning dalhin sa national mainstream ang kanilang mga wika, lalo na’t madalang umanong marinig ang mga wikang rehiyonal sa platapormang ito.
Bagamat mabuti ang intensyon, nakatanggap ng mga kritisismo ang konsepto ng grupo dahil umano sa cultural appropriation. Subalit giniit ni Laxamana na hindi ito ang kaso sapagkat mga Pilipino rin naman ang kanilang mga miyembro at pamanang Pilipino rin ang kanilang ibinabandera. Ipinunto rin niya na nasa proseso pa rin ang bansa sa pagbuo ng pambansang identidad, at maaaring dumaan sa punto ng cultural erasure ang mga kultura sa bansa kapag hindi gumagawa ng mga proyektong tulad ng kanilang inilunsad. Iginiit naman ni Laxamana na gusto lamang nilang makatulong sa pagpigil ng pagkabaon ng mga lokal na kultura.
Nang tanungin ukol sa kaniyang mensahe sa Alamat, ipinunto niyang kailangang galingan ng mga miyembro lalo na’t nakaangkla ang grupo sa isang mas malaking hangarin. “Para pumanig sila sa pinaglalaban natin, kailangan galingan ninyo. . . upang tingalain kayo para mapasa natin ‘yung adbokasiya natin sa kanila. Maging totoong Bayang Magiliw tayo,” ani Laxamana.
Pag-indak sa saliw ng Alamat
Naging mainit ang pagtanggap ng pamayanang Lasalyano at ng mga Magiliw — ang pantawag sa mga panatiko ng Alamat — sa mga miyembro ng grupo na sina Taneo, Mo, Valfer, Gami, Jao, Alas, R-ji, at Tomas sa idinaos na webinar. Sa kanilang pagsali sa diskurso, nabigyang-diin ang halaga ng kulturang popular sa pagpapalawig sa gamit ng mga wika mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa. Ayon sa grupo, nakagagalak na natututo ng iba’t ibang lengguwaheng Pilipino ang kanilang mga panatiko sa tuwing sumusubaybay sila sa kanilang mga aktibidad tulad na lamang ng kanilang mga IG Live. “Sobrang natuwa ako nung may gumawa na isang Magiliw ng isang awit sa wikang Hiligaynon. . . na-inspire siya sa ginawa namin, at na-inspire din kami sa ginawa niya,” ani Valfer.
Napunto din ng Alamat na nakatutulong ang konsepto ng kanilang grupo sa paglalim ng kanilang pagpapahalaga sa kani-kanilang etnolinggwistikong kultura. “Lalo akong mas napamahal at na-attach sa kultura namin. Marami akong natutunan. . . ‘yung kulitan, Kapampangan scripts, and more of our culture,” paglalahad ni Jao. Dinagdagan naman ito ni Tomas bilang matagal na siyang nakatira sa Bicol, ngunit ngayon lamang niya natutunan ang sistema ng pagsulat sa probinsyang kaniyang kinalakhan. Sinang-ayunan din ito ng iba pang mga miyembro na sina Gami, Alas, Taneo, Tomas, at Valfer at kanila ring ikinuwento ang mga nadiskubre nila sa kani-kanilang mga kultura dahil sa kanilang konsepto.
Nabigyang-diin din sa diskusyon ang nakalulungkot na realidad tungkol sa mababang pagtingin ng mismong mga kababayan natin sa ibang mga wika sa ating bansa. Bagamat nakararanas ng ganitong uri ng diskriminasyon sa ibang mga pagkakataon, pinili na lamang ng mga miyembro na umiling at magpokus sa puspusang pagpapamalas ng kanilang kultura sa madla. “Sa ngayon. . . hindi na naming kinakahiya na meron kaming alam na ibang lenggwahe, kundi naging mas proud pa kami kasi mas marami yung alam naming lenggwahe,” ani Tomas. Dagdag ni R-ji, mas pinalalakas ng ganitong mga pagkakataon ang pagnanais nilang ipagmalaki at ipakita sa lahat ang kanilang pagmamahal sa sarili nilang kultura.
Kanila ring isiniwalat ang pagnanais ng isang hinaharap na wala nang bawal pagdating sa musika sa Pilipinas, lalo na’t may mga pagkakataong hindi pinatutugtog ang mga rehiyonal na musika sa national mainstream media. “Sana soon, habang tumatagal, wala nang bawal, pwede na lahat ipatugtog, kasi kahit iba-iba yung lengguwahe, Pinoy pa rin ‘yan diba? Sana maabot natin ‘yung point na ganoon, soon,” taos-pusong paglalahad ni Gami.
Pagbibigay-buhay sa isang alamat
Sinalubong ni G. Dreisbach ang ikalawang bahagi ng programa sa pamamagitan ng pagbati sa mga manonood sa magkahalong wikang Tagalog at Bisaya. Pagkatapos ipakilala ang kaniyang sariling kultural na pagkakakilanlan, kaagad siyang dumiretso sa pagbibigay-diin sa kahalagahan ng pananaliksik sa pagsasagawa ng mga proyektong may layuning bigyang-representasyon ang isang kultura. Kaya naman din puno ng papuri ang propesor para sa Alamat at sa mga tumulong sa paglulunsad nito dahil aniya, “Ang pagkakatatag ng Alamat at performances nito ay makatutulong sa cultural education, sapagkat may effort ang mga producers at ang grupo na maging politically correct sa pagtrato sa iba’t ibang mga elemento ng kanilang produksyon at content.” Dagdag-paalala rin niya na isang paraan ng pagpapakita ng respeto ang pagiging maingat sa pagtalakay sa isang kultura hanggang sa pinakamaliit nitong detalye.
Sa kalagitnaan ng kaniyang pinangunahang talakayan, ibinahagi rin ni G. Dreisbach ang kaniyang kagustuhang maging tulay ang grupong Alamat para sa tuluyang pagyakap ng sambayanang Pilipino sa ating mayamang kultura, “pati na rin sa likhang-sining ng ating mga artista na galing sa magkakaibang rehiyon.” Para naman sa kaniyang huling mensahe, hiling ni G. Dreisbach ang patuloy na pagsulong ng rehiyonal na kulturang popular tungo sa pagiging mainstream nito.
Kinumpleto naman ni Dr. Tupas ang programa sa kaniyang pagsasalita sa dulong bahagi ng pagdadalumat. Binuksan niya ang diskusyon ukol sa iba’t ibang wika sa ating bansa na kalimitang nakaliligtaan na lamang ang pagiging wikang Pilipino nito. Ginamit niya bilang halimbawa ang katawagang “OPM” para sa isang genre ng mga kantang Pilipino. Paliwanag niya, “Nasa gitna ng OPM is P; it means Pilipino . . . so kung OPM ‘yun, dapat multilingual din pero kung titingnan natin historically, very underrepresented ‘yung ibang mga wika sa Pilipinas.” Kaya naman, ganoon na lamang din ang kaniyang pasasalamat sa Alamat na tumutugon sa isyu ng ‘di pagkakapantay-pantay ng mga wika na ilang dekada na rin niyang isinusulong, sa kadahilanang maikakabit din ito sa usapin ng ‘di pagkakapantay-pantay ng mga etnikong grupo sa bansa.
Sa kaniyang pagtatapos, hinikayat ni Dr. Tupas ang pagkakaisa ng sambayanang Pilipino sa pagpapayabong ng ating sariling wika, hindi lamang sa larangan ng P-pop kundi pati na rin sa iba’t ibang aspekto ng ating pamumuhay. Iniwan niya ang isang panawagang nagsasabing nagsisimula ang pagprotekta sa mga etnikong grupo mula sa diskriminasyon, sa pagwawasto sa nakaugaliang mababang pagtingin sa mga wikang Pilipino mula sa magkakaibang rehiyon.
Tunay ngang malaki ang gampanin ng grupong Alamat sa pagresolba sa suliraning pangwika at pangkulturang kinahaharap ng ating bansa. Gayundin, maituturing na isang malaking hakbang pasulong ang pagbuo sa nasabing grupo tungo sa isang mithiing maging reyalidad ang sa ngayo’y isa pa lamang alamat.
Nagtapos ang programa sa isang malayang talakayan na nagbigay rin ng pagkakataon para sa mga Magiliw na makapagbigay ng tanong at magkaroon ng direktang interaksyon sa kanilang hinahangaang grupo.