Sanay na ang mga Pilipino sa kadiliman. Sa ilang nagdaang administrasyon, iba’t ibang dagok ang pinagdaanan ng sambayanan. Mula sa hagupit ng bagyo, pagtatangkang pagyurak ng soberanya, katiwalian at korapsyon ng mga nahalal, at sinong makalilimot sa mainit-init pang usapin ng red-tagging sa mga sibilyan?
Hindi na bago sa mga Pilipino ang pakiramdam ng tila iniwan sa ere. Natuto na tayong tumayo sa sariling mga paa tuwing panahon ng krisis. World class nga raw kung maituturing ang Filipino resiliency at bayanihan. Kaya ito na rin ang gasgas na naratibo ng pamahalaan upang pagtakpan ang kanilang kapalpakan.
Ipinamukha ng pandemya ang katotohanang makupad ang pagtugon ng gobyerno sa krisis. Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na ang Pilipinas ang isa sa mga bansang may pinakamatagal na lockdown. Bagamat ganito ang sitwasyon, patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga kaso ng COVID-19.
Dumadagdag lamang ang bilang ng mga Pilipinong nawawalan ng trabaho sa patuloy na pagpapalit ng antas ng community quarantine. Ayon sa tala ng Philippine Statistics Authority (2021), 8.7% o apat na milyong Pilipino ang kabilang sa unemployed persons. Kaakibat din nito ang pagbaba ng ekonomiya. Epekto ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, partikular ang baboy, sa kasalukuyang estado ng bansa. Sa madaling salita, pahirap nang pahirap ang ordinaryong Pilipino.
Nabalitaan kamakailan lang ang pag-usbong ng mga community pantry sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Nagsimula ito sa Maginhawa, Quezon City na pinangunahan ni Ana Patricia ‘Patreng’ Non. Naglalaman ang maliit na lamesang kawayan ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng gulay, prutas, gamot, atbp. Nakasabit ang paalalang “Magbigay ayon sa kakayahan. Kumuha batay sa pangangailangan.” upang mapanatiling bukas ang pantry sa mga tao.
Nabuhay muli ang diwa ng bayanihan sa inisyatibang ito. Ipinamalas ng pagkilos ni Patreng ang kahalagahan ng damayan at pagkakapit-bisig sa oras ng unos. Bagamat nagbibigay-liwanag ito sa ating mapanglaw na kalagayan, matinding repleksyon ang community pantry sa pagwawalang-bahala ng gobyerno sa mga kasalukuyang suliranin ng bansa. Ang mabagal na pagtugon ng mga lingkod-bayan ang nag-udyok sa mga mamamayan na magkusa upang matulungan ang kanilang kababayan.
Sa kabila nito, pilit na binabalot ng kontrobersiya ang pag-oorganisa sa mga community pantry. Iginiit ni Lt. Gen. Antonio Parlade Jr., tagapagsalita ng Philippine National Police, ang pagkakasangkot ni Patreng sa paghikayat sa mga tao na sumali sa Communist Party of the Philippines. Ikinompara pa niya ito kay satanas sa kaniyang panayam sa OneNews. Aniya, “Same with Satan, si Satan, binigyan ng apple si Eve.” Nakababahala ang walang basehang akusasyon ni Parlade sa isang sibilyang gusto lamang maglingkod sa kaniyang kapwa.
Bukod pa rito, isang manipestasyon ng red-tagging ang pahayag ni Parlade. Sa panahong matinding sinusubok ang sambayanan, itinuturing pa ring “essential” ng pulisya ang pagsindak sa mga mamamayan. Lumalala ang politikal na klima ng bansa sabay ng pagdami ng suliraning pangkalusugan at ekonomikal.
Hep hep hep, isa-isa lang. Mahina ang kalaban. Nahihila pababa ang sambayanan kapag walang suportang nakukuha mula sa pamahalaan.
Pagod nang maghintay ang mga Pilipino sa kakarampot na ayuda. Gutom na ang masa. Uhaw na ang sambayanan sa maayos na pamamahala. Hudyat ang pag-usbong ng mga community pantry na mamulat tayo sa katotohanan – katotohanang kulang ang pag-aksyon ng gobyerno sa pandemya. Kailanman, hindi nagpatinag ang diwa ng mga Pilipino ngunit may sukdulan din ito lalo na kung wala na silang maihain sa hapagkainan.