Ang Habitat for Humanity (HFH) ay isang non-government organization (NGO) na may mga miyembrong patuloy na tumutulong sa mga lugar na nangangailangan ng disenteng mga bahay at angkop na kapaligiran na matitirhan. Ang organisasyong ito ay kasalukuyang nagsisikap para sa kanilang unang taon bilang ganap na institusyon. Isa ring student-run organization ang HFH Green Chapter na may pangunahing layuning nakaayon sa Habitat for Humanity, na alisin ang siklo ng kahirapan sa sektor ng pamumuhay at kapaligiran. Sa pamamagitan ng pagtataguyod ng adbokasiyang ito, naipatutupad ang aming hangarin: magtayo ng mga tahanan at magpalaganap ng pag-asa upang mapabuti ang mga komunidad.
Inaasahan namin ang isang mundo kung saan ang bawat isa ay may disente, ligtas, at mapagmahal na lugar na tatawaging tahanan. Bilang isang samahan, hinahangad naming mailagay ang pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng mga tao upang magtayo ng mga bahay, komunidad, at pag-asa. Alinsunod sa misyon ni St. John Baptist de La Salle na abutin ang mga “lost, last, least,” ang komunidad ng Pasig 2 ang partner community ng HFH Green Chapter, kung saan nakabatay ang aming organisasyon. Sinisiguro ng Habitat for Humanity na lahat ng nangangailangang komunidad ay nabibigyan ng tulong, lalo na sa sektor ng maayos na pamumuhay at kapaligiran. Kung kaya’y itinalaga nila ang bawat Habitat Chapters sa kanilang mga sariling kaakibat na komunidad.
Pagbibigay Pugay sa ating mga Ina
Ngayong darating na Mayo 9-10, 2021, inihahandog ng Habitat for Humanity ang “Mensahe Para Kay Nanay”, kung saan sa Araw ng mga Ina, isang pagbibigay-pugay ang ipamamahagi sa mga ina ng Pasig 2 sa pamamagitan ng sampu (10) hanggang labintatlong (13) minutong bidyo mula sa mga bata sa pamayanan, pati na rin sa piling mga opisyal ng Habitat for Humanity. Aming ipalalabas sa aming pahina sa Instagram ng IGTV ang mga nakalap na mensahe. Ang hakbanging ito ay magbibigay-daan hindi lamang sa pagtataguyod ng isang relasyon sa mga Nanay ng Pasig 2 at pagdiriwang ng Araw ng mga Ina, ngunit upang ibalik ang kanilang walang sawa at hindi makasariling pagsisikap. Bibigyan ng pagkakataon ang mga bata na maipahayag ang kanilang pasasalamat sa kanilang mga ina. Sa pamamagitan ng paglalathala nito, mabibigyan ng pagkilala at kumpiyansa ang mga ina sa kanilang pagsisikap sa pagpapalaki ng kanilang mga anak sa gitna ng lahat ng hamon.
Maaaring mapanood ang aming bidyo at matunghayan ang aming publicity materials sa aming social media sites: Instagram: https://www.instagram.com/habitatdlsu/; Facebook: https://www.facebook.com/habitatdlsu.
Ang pagiging isang ina o nanay ay hindi madaling trabaho. Hindi lamang ito nangangailangan ng isang walong-oras na pagtatrabaho sa loob ng limang araw; wala rin itong tiyak na “lugar na pinagtatrabahuhan,” sapagkat ang ilaw ng tahanan ay isang hindi makasariling indibidwal. Sila ay kagalang-galang at may napakamakabuluhang karanasan. Sa mga pagsasakripisyo na ginawa ng mga nanay, hindi lamang sila dapat makilala at pahalagahan sa darating na Araw ng mga Ina, ngunit sa pang-araw-araw at bawat sandali rin ng kanilang buhay.
Dahil sa mga problemang naidulot ng pandemyang COVID-19, marapat na bigyang pansin ang mga epekto nito sa ating mga ina, katulad na lamang ng pagkawala ng trabaho, transisyon sa “work from home” na proseso, at mas tutok na paggabay sa online learning ng kanilang mga anak. Mula sa mga responsibilidad na kanilang hinaharap sa kanilang mga anak, asawa, at trabaho, hindi nila dapat kalimutan na alagaan ang kanilang kalusugan at mental health. Ang pag-aalaga sa sarili ay mahalaga ngayong panahon ng pandemya.
Ang proyektong ito ng Habitat for Humanity ay naglalayong bigyan ng kahalagahan ang pasasalamat para sa mga nanay ng Pasig 2. Ang mga bata ay bunga ng pagmamahal, sakripisyo, at walang kupas na paglilingkod mula sa kanilang mga ina. Sa gayon, ang isang simpleng liham ng pagpapahalaga at pasasalamat ay isang paraan upang mabigyang pugay ang kanilang mga ginagawa bilang ina.
Upang maibigay ang wastong pagkilala sa mga nanay ng Pasig 2, ilalathala ang isang bidyong naglalaman ng mga mensahe mula sa mga bata ng komunidad at sa HFH Green Chapter. Sa pamamagitan nito, mabibigyan natin ng daan ang pagbuo ng relasyon sa mga nanay ng Pasig 2.
Kung may nais pang malaman tungkol sa aming proyekto, mangyaring lumapit sa mga sumusunod:
Bettina Calubaquib
Vice President for Advocacies
[email protected]
Therese Gigje
Assistant Vice President for Advocacies, MPKN Project Head
[email protected]
Jedelle Falcon
Assistant Vice President for Advocacies, MPKN Project Head
[email protected]