Online Election Code at pagtatatag ng DLSU LCSG, kasado na


ISINAPINAL ang pagpapatibay sa online election code at pagkilala sa De La Salle University Laguna Campus Government (DLSU LCSG) sa sesyon ng Legislative Assembly (LA), Nobyembre 6. Bahagi ito ng paghahanda ng LA at DLSU Commission on Elections (COMELEC) para sa pagsasagawa ng kauna-unahang automated election sa Pamantasan.

Matatandaang ipinagpaliban ang eleksyon noong nakaraang akademikong taon dahil sa pagkansela ng face-to-face na klase. Bunsod nito, nabago ang sistema ng eleksyon at kinailangan ng mga mambabatas at ni DLSU COMELEC Chairperson John Christian Ababan na iugnay ang mga probisyon ng election code sa pagsasakatuparan ng automated election. 

Rebisyon sa implementasyon ng eleksyon

Nakasaad sa online election code ang listahan ng aprubadong online campaign paraphernalia, proseso sa automated voting, at patnubay sa pagbuo ng independent coalition. Ibinahagi ni Ababan na maaari nang gumawa ng pansamantalang koalisyon ang mga kandidatong independent ngunit mabubuwag din ito pagkatapos ng eleksyon.

Bilang paghahanda sa online na eleksyon, nagtalaga ang COMELEC ng Google Drive at folder para sa pagsusumite ng mga rekisitong dokumento sa kandidatura. Isinaalang-alang din nila ang posibilidad na magkaroon ng pagkaantala sa pagkuha ng dokumento mula sa mga opisina ng DLSU bunsod ng pinapairal na skeletal workforce. Kaugnay nito, nakipagtulungan sila sa Student Discipline Formation Office upang mapabilis ang proseso.

Kinuwestyon naman ng mga miyembro ng majority floor ang 24-hour rule sa eleksyon na tinukoy sa online election code. Nakasaad dito na magsisimula ang botohan mula ika-9 ng umaga sa unang araw ng eleksyon hanggang ika-9 ng gabi sa huling araw nito. Bukod dito, pananatilihing bukas ang automated voting system sa loob ng 24 na oras sa kabuuan ng election period.

Ikinatakot ng mga mambabatas ang mga panganib, tulad na lamang ng hacking, na maaaring maidulot ng 24-hour rule. Sa isang friendly amendment, itinalaga ang oras ng eleksyon mula ika-9 ng umaga hanggang ika-10 ng gabi bawat araw. Inatasan din ang isa o higit pang COMELEC commissioner na magsagawa ng manual validation ng mga boto bawat araw.

Kaugnay ng eleksyon, nagpasya si LCSG Representative Michele Gelvoleo na maghain ng resolusyon para sa pagtatatag ng Laguna Campus Student Government. Opisyal nang pinalitan bilang LCSG ang dating kilalang DLSU Science and Technology Complex Government.

“Originally, this resolution was already adopted last November 6, 2019. . . We were originally planning to have it integrated in the constitutional plebiscite itself but for now, since it is still under supplementary guidelines, we were hoping to pass this right now as the elections are now coming,” ani Gelvoleo. 

Pagbobotohan sa darating na eleksyon ang idinagdag nina Gelvoleo na mga posisyong campus treasurer at campus secretary para sa LCSG Executive Board. Itinaas din nila ang bilang ng mga kinatawan ng bawat kolehiyo bunsod ng pagtatatag ng College of Liberal Arts (CLA) at College of Science sa DLSU Laguna Campus.

Pagpapabuti ng serbisyong hatid

Inaprubahan din sa sesyon ang Ramon V. Del Rosario College of Business Student Services Manual. Ipinahayag nina Giorgina Escoto, BLAZE2022, at Jericho Quitevis, BLAZE2021, ang kahalagahan ng epektibong pagpapalaganap ng impormasyon kasabay ng pagpapatuloy ng klase online.

Dagdag pa nina Escoto at Quitevis, layon ng manwal na gabayan ang mga Lasalyano sa iba’t ibang proseso tulad ng pre-enlistment, enlistment, at pagsampa ng grievances. Iminungkahi rin ng mga tagapagtaguyod nito na maaaring magamit ang manwal bilang sanggunian ng iba pang mga kolehiyo ukol sa pagkakaroon ng sariling student services online database.

Nilinaw naman ni Jaime Pastor, chief legislator, na kailangang konsultahin ang Office of the Vice President for Internal Affairs at ang mga presidente ng bawat kolehiyo ukol sa planong pagbuo ng student services manual para sa bawat kolehiyo.

Tinalakay rin sa sesyon ang pagsusulong ng paggamit ng gender neutral pronouns sa mga resolusyong itinataas sa LA. Iginiit nina Lara Jomalesa, FAST2019, at Macario Vjuan, FOCUS2019, ang kahalagahan ng pagiging inklusibo sa pamamagitan ng mga salita at terminong ginagamit sa LA. 

Tinukoy ni Vjuan ang tungkulin ng University Student Government (USG) bilang kinatawan ng pamayanang Lasalyano. “It is important that we as a student body represent them and uphold gender inclusivity,” aniya. Pansamantalang ipinagpaliban ang naturang resolusyon upang tugunan ang ilang kinakailangang rebisyon.

Paghirang ng mga bagong kinatawan

Kinilala bilang judiciary magistrate si Jericho Quiro matapos ang botohang 16 for, 0 against, at 0 abstain. “This pandemic is an opportunity for us to simplify court processes,” pagsasaad ni Quiro ukol sa plano niyang iakma ang pagsasagawa ng mga legal na proseso sa kasalukuyang online na kalagayan.

Kinonsidera naman ni Gelvoleo ang pagkakataong magtaguyod ng hudikaturang sangay sa LCSG. Tiniyak ni Quiro na magkakaroon ng karagdagang pagpupulong sa pagitan ng LCSG upang maisakatuparan ito. “Laguna campus should have a judiciary, or a department solely for judiciary processes,” dagdag niya.

Tinugunan din ni Quiro ang pagpapanatili sa pagkakakilanlan ng sangay ng hudikatura sa Pamantasan. Sisikapin niyang isulong ang layunin at serbisyo ng naturang sangay sa pamamagitan ng mga webinar at mga information campaign. “By informing them, we believe that we will be closer to them,” aniya.

Napunan din sa sesyon ang bakanteng puwesto sa FAST2017 Batch Government. Sa parehong botong nakamit ni Quiro, magsisilbi si Marianne Dinsay bilang panibagong batch vice president ng nasabing batch government. 

Isa sa mga plataporma ni Dinsay para sa unang termino ang pagkakaroon ng mga kinatawan sa departamento ng CLA at pakikipagtulungan kay CLA academic programming officer Maybelle Barraca upang maisakatuparan ito. Nais niyang matugunan ang mga hinaing ng kaniyang mga batchmate sa pamamagitan ng pagpapabuti ng komunikasyon at ugnayan sa administrasyon.

Samantala, ipinagpaliban muna sa sesyon ang pagtalakay sa USG Constitution. Humingi ng karagdagang oras si Maegan Ragudo, FAST2018, upang lalo pang mapagtibay ng mga mambabatas ang mga panukalang pagbabago sa nilalaman ng konstitusyon. Ayon kay Pastor, bibigyang-pokus din sa mga susunod na sesyon ang usapin ukol dito.