Sa tuwing tumutugtog ang musika, iba’t ibang emosyon ang nadarama—minsan’y nagagalak at nagagalit, paminsan nama’y nagbibigay ng pighati at hinagpis; may panahon ding pinaiindak nito ang mga nakikinig sa bawat pantig. Nagsisilbing kasangga at kaagapay ang musika na naririnig. Sa mga panahong masaya o malungkot, may kantang karamay na maglalarawan ng ating damdamin. Muling bumabalik sa ating isipan ang alaala ng nakaraan sa tuwing naririnig ang espesipikong musika: mga gunitang nagdulot ng kalungkutan sa ating mga mata at mga alaalang nag-iiwan ng ligaya at ngiti sa mga labi.
Sa gitna ng pandemya at hirap na nararanasan, musika ang naging sandigan ng ilan para makawala sa masakit na realidad; ito rin ang kanilang naging kanlungan para magpatuloy sa buhay. Sa pag-awit sa mga kantang nagsisilbing balangkas ng pagkakilanlan ng bawat indibidwal, isang produksyon ang naglayong sumalamin sa buhay ngayong pandemya.
Pagtanaw sa liwanag
Nag-aalab ang bawat eksena sa Dapithapon—ang produksyong inihandog ng De La Salle-Innersoul na ipinalabas nitong Abril 16, 17, 23, at 24 sa YouTube Live, Facebook Live, at Animospace. Bagamat lumipat ng entablado, nagtagumpay pa rin ang grupo sa pagpapakitang-gilas sa pamamagitan ng kakaibang pagbirit ng mga paboritong awitin.
Sinimulan ng mga mang-aawit ng Innersoul ang konsyerto sa pamamagitan ng kanilang sariling bersyon ng kantang We Didn’t Start the Fire ni Billy Joel na agad namang nagpainit sa gabi ng mga manonood. Itinampok din ang mga kanta mula sa IV of Spades, Rivermaya, Sampaguita, at iba pang mga banda. Sinundan naman ito ng paghele sa mga manonood patungo sa malumanay na Ugoy ng Duyan.
Bukod pa rito, ipinatikim ng mga nagtanghal ang tamis at pait ng pag-ibig sa gitna ng pandemya, mula sa kantang Dati hanggang sa Makita Kang Muli. Subalit hindi lamang basta pagkanta ang inihanda ng grupo, dahil sinamahan pa ito ng madamdaming pag-awit at pag-arte sa iba’t ibang bahagi ng Dapithapon, na nagsilbing obra sa makabagong konsiyerto. Sa kabila ng paggamit ng mga kilalang awitin, ipinarinig din ng Innersoul sa unang pagkakataon ang Bibitiw, isang orihinal na kantang inihanda ng grupo para sa produksyon.
Sa likod ng takipsilim
Naging inspirasyon ng Dapithapon ang liwanag sa gitna ng dilim na pinagdaanan ng bawat isa sa kasagsagan ng pandemya. Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel kay Charizza Acuña, Company Manager ng Innersoul, ibinahagi niya ang kanilang pagnanais na ipakita ang buod ng buhay sa gitna ng pandemya, na kanila namang ipinamalas sa pamamagitan ng pagbuo ng iba’t ibang tema para sa bawat bahagi ng produksyon. Ibinida rin sa programa ang konsepto ng pagkaligaw sa dilim na naranasan mula sa nakalipas na taon, hanggang sa pagkasabik sa aruga ng mga mahal sa buhay. Aniya, “pagkatapos ng dapithapon ay siyang gabi ng puno ng pagbabago, at sumusunod rito ay ang pakiramdam ng alpas—ang siyang naging sentro ng aming produksyon upang marating ang dulo ng bahaghari.”
Dagdag pa rito, hindi umano naging madali ang pagbuo ng buong produksyon. Isa sa kanilang naging hamon ang kasalukuyang online set-up na dahilan para kailanganin nilang maging maparaan at gumamit lamang ng mga kagamitang nasa kanilang mga kamay. Gayunpaman, pagkatapos ng halos isang buwang preparasyon, nagbunga ito ng isang makabuluhan at makulay na produksyon.
Pag-asa sa gitna ng dilim
Hindi naging hadlang para sa Innersoul ang biglaang pagbabago ng sitwasyon para patuloy nilang ipamalas ang kanilang talento at musika para sa lahat. Hanggang sa kanilang huling awit, napanatili nila ang mensahe ng kahalagahan ng pagkakabuklod-buklod upang malampasan ang unos na pilit na humahatak sa atin pababa. May siglang pagbabahagi ni Acuña, “ang pag-asa ang pilit na yumayakap sa atin upang hindi bumitaw sa dilim na dulot nito.”
Matapos man ang pagtunog ng huling nota at pagkakasambit ng huling liriko ng isang kanta, magpapatuloy pa rin ang laban sa buhay. Hindi man masosolusyonan ng musika ang pandemyang nararanasan, magsisilbi naman itong salamin ng ating mga karanasan at mag-iiwan ng pag-asa sa bawat isa—hanggang sa pagdating ng dapithapon.
Banner mula sa De La Salle Innersoul