BUMAWI mula sa mapapait na pagkatalo ang TNT Tropang Giga nang padapain nila ang Meralco Bolts, 92-79, sa 2020 Philippine Basketball Association (PBA) Philippine Cup, Nobyembre 7, sa Angeles University Foundation Sports Arena and Cultural Center sa Pampanga.
Nanguna sa pag-arangkada para sa Tropang Giga si Roger Pogoy na nakapagtala ng 27 puntos na nagbunsod upang hirangin siyang Player of the Game. Sinuportahan naman siya sa pagpuntos nina Jayson Castro, Ray Parks Jr., at Troy Rosario na nagtala ng double-digit points upang makuha ang 7-3 panalo-talo kartada.
Nakapagtala naman si Chris Newsome ng 17 puntos, samantalang 14 na puntos bawat isa ang iniambag nina Cliff Hodge at Raymond Almazan para sa Bolts. Naudlot ang winning streak ng Bolts na may tiyansa pa ring makapasok sa quarterfinals sa unang pagkakataon simula 2016. Tangan nila ngayon ang record na 5-4.
Nagpakitang-gilas sa simula pa lamang ng unang yugto ng laro ang parehong koponan, mula sa mga two-point shot ni Pogoy at Newsome. Nakuha naman ni Rosario ang kaniyang unang field goal matapos makapagtala ng 0/15 sa kanilang laban kontra Ginebra, 4-2. Nagpatuloy ang Pogoy-Rosario tandem para sa Tropang Giga na sinabayan naman ng magkakasunod na basket ni Almazan para sa Bolts, 13-10. Nagkaroon ng palitan sa puntos ang bawat koponan hanggang sa maitabla ito mula sa naipasok na freethrow ni Almazan, 17-all.
Ipinamalas ng Tropang Giga ang kanilang husay sa huling apat na minuto ng unang yugto sa pangunguna nina Castro at Parks. Hindi naapula ng timeout ng Bolts ang pag-init ng Tropang Giga hanggang sa makapagtala sila ng 12 magkasunod na puntos, 29-17. Napigilan naman ang paglayo ng bentahe ng Tropang Giga nang maipasok ni Newsome ang parehong freethrows. Natapos ang unang yugto pabor sa Tropang Giga, 29-19.
Nanguna naman ang Bolts sa ikalawang yugto ng laro nang makakuha ng puntos sina Hodge at Newsome sa loob, dahilan upang tumawag ng maagang timeout ang Tropang Giga. Sa kabila nito, nagpakawala ng 9-0 run ang Bolts hanggang makuha nila ang kalamangan, 32-31. Nagkaroon din ng palitan ng fouls ang parehong koponan mula kina Parks at Hodge.
Nagkaroon muli ng palitan ng puntos ang bawat koponan hanggang sa maitabla ng Bolts ang iskor, 35-all, mula sa freethrows na nakuha ni Maliksi kay Castro. Sumiklab naman ang Tropang Giga sa kalagitnaan ng yugto matapos makapagtala ng anim na sunod na puntos si Castro, 44-35. Matapos tumawag ng timeout, pansamantalang napigilan ng Bolts ang pagsalanta ng Tropang Giga mula sa freethrows ni Bong Quinto. Nadagdagan naman ng Tropang Giga ang kanilang kalamangan mula sa mga puntos nina Pogoy at Simon Enciso.
Nakatakas ang Bolts mula sa mas malaking kalamangan nang maipasok ni Baser Amer ang kaniyang pangatlong tres sa yugto. Natapos ang ikalawang yugto na tangan ng Tropang Giga ang siyam na puntos na kalamangan, 52-43.
Hindi pinanghinaan ng loob ang Bolts at mas umigiting ang kanilang depensa kontra Tropang Giga sa ikatlong yugto. Agad na bumawi ang Bolts nang pumukol ng tres si Maliksi, 52-46. Hindi hinayaan ng Bolts na mapasakamay ng Tropang Giga ang bola kaya agad na pumuntos sa painted area si Hugnatan, 52-48.
Nagkaroon ulit ng pagkakataon na makapuntos ang Tropang Giga nang muling magpakitang gilas si Pogoy at pumukol mula sa two-point area, 54-48. Hindi naman nagpatinag ang Bolts at muling nakapuntos nang pumukol sa painted area si Hodge, 54-50. Sunod-sunod naman ang pagkarera nina Parks at Castro na naging bentahe para sa Tropang Giga upang makalamang nang sampung puntos kontra Bolts, 63-50.
Muling ipinamalas ni Almazan ang kaniyang galing ng pumuntos ito, 63-52. Hindi rin nagpahuli si Aaron Black mula sa Bolts nang kaniyang ipinukol ang bola mula sa three-point area, 63-55. Hindi naman sinayang ni Almazan ang pagkakataong pumukol ng puntos sa painted area, 63-57. Bigong madepensahan ng Bolts si Parks kaya agad itong pumuntos, 65-57. Natapos ang ikatlong yugto pabor muli sa Tropang Giga na may 11 puntos na kalamangan, 73-62.
Naging mainit ang sagupaan ng dalawang koponan sa pagbubukas ng ikaapat na yugto. Maalat ang yugtong ito para sa Bolts nang magkaroon ng tatlong mintis ang koponan. Hindi naman hinayaan ni Newsome na lumaki ang lamang ng Tropang Giga nang pumukol siya ng tres, 78-65.
Nagpalitan ng puntos ang dalawang koponan at mas lumiit ang kalamangan ng Tropang Giga kontra Bolts, 88-79. Sa nalalabing oras ng ikaapat na yugto, muling umarangkada ang opensa ni Pogoy, 90-79. Naihabol naman ni Rosario ang kaniyang puntos mula sa shaded area at nagtapos ang huling yugto pabor muli sa Tropang Giga, 92-79.
Susubukan ng Bolts na makabalik sa winning column kontra sa Terrafirma Dyip sa darating na Linggo, Nobyembre 8, sa ganap na ika-1 ng hapon. Balak namang kunin ng Tropang Giga ang ikalawang sunod na panalo para sa twice-to-beat advantage sa quarterfinals kontra Rain or Shine Elastopainters sa darating na Martes, Nobyembre 10, sa ganap na ika-4 ng hapon.