#NeverSayDie: Barangay Ginebra San Miguel, inangkin ang trono sa standings kontra TNT Tropang Giga


KUMPLETONG DOMINASYON ang ipinamalas ng Barangay Ginebra San Miguel kontra TNT Tropang Giga , 85-79, upang masungkit ang ikatlong sunod na panalo sa 2020 Philippine Basketball Association (PBA) Philippine Cup, Nobyembre 6, sa Angeles University Foundation Sports Arena and Cultural Center sa Pampanga.

Tuluyang naselyuhan ng Ginebra ang unang pwesto sa torneo nang pangunahan ng player of the game LA “Teniente” Tenorio ang kampanya matapos makapagtala ng 15 puntos, siyam na assist, at  limang rebound. Kabilang dito ang pinakawalan niyang tatlong mahalagang tres sa ikalawang kalahati ng paghaharap upang mapigilan ang paghabol ng Tropang Giga.

Kapwa double-double naman ang itinarak nina ka-Barangay Stanley Pringle Jr. at Japeth Aguilar bilang tugon kay Teniente. Kumamada ng 28 puntos at 12 rebound si Pringle habang naglista naman si Aguilar ng 19 na puntos at 11 rebound.

Ipinaramdam ni Teniente ang kagalakan nang mapanatili ng Ginebra sa 19% ang field-goal percentage ng katunggali. “We take pride in our defense, kahit anong mangyari sa offense namin, basta ‘yung defense namin nandoon,” wika niya. Pinatunayan ito nang mapako sa 12% ang 3-point percentage ng TNT bagamat kilala ang koponan bilang isang 3-point shooting team.

Nagsimula ang paghaharap ng dalawang koponan sa isang kabalintunaan nang magsalubong ang nag-iinit na Barangay Ginebra at ang nanlalamig na mga kamay ng Tropang Giga. Maagang ratsada ang ipinalasap ng Pringle-Aguilar combo sa pagbubukas ng unang yugto, 12-2. Nagising naman ang diwa ng laro nang baliin ni ka-Tropang Jayson “The Blur” Castro ang tatlong minutong scoring drought ng kaniyang koponan, 12-4.

Nagpatuloy ang tunggalian sa palitan ng puntos nina Tenorio, Pringle, at Aguilar laban sa puwersa nina Bobby Parks, Jay Washington, at Jayson Castro ng TNT, 20-11, isa’t kalahating minuto ang nalalabi. Kapwa hindi umayon ang tadhana sa dalawang koponan nang magmintis ang kanilang mga tirada, dahilan upang matapos ang unang yugto, 20-11.

Mainit na tirada mula sa labas ng perimeter ang ipinangsalubong ni ka-Barangay Jared Dillinger sa kabilang koponan sa ikalawang yugto, 23-11. Makaraan ang kabi-kabilang pagtatangka ng parehong pangkat para maka-basket, nanaig ang pagsusumikap ng tambalang Dillinger-Pringle gamit ang kanilang driving lay-up, 27-13.

Sa kabilang banda, pilit namang gumawa ng sariling ingay si Castro nang humirit siya ng three-point jump shot, 27-16. Ipinadama namang muli ni Ginebra man Pringle ang kanilang malaking agwat kontra TNT nang bumira siya ng ng floating jump shot, 31-19.

Sa kabila nito, hindi naman nagpasindak ang Tropang Giga at pinangunahan ni Washington ang pagsugod sa kabilang kampo matapos niyang kumana sa labas ng arko, 36-26. Nakiisa rin sina Castro at Roger Pogoy sa pagbangon ng koponan matapos silang kumasa ng magkasunod na lay-up at floating jump shot, 36-33. Sinulit ni Washington ang buong panahong hindi makasingit ang Barangay nang magpahabol siya ng two-point lay-up bago matapos ang oras ng ikalawang yugto.

Mabilis namang bumalikwas ang Ginebra gamit ang kanilang batikang sandata sa katauhan ni Aguilar nang magsalaksak siya ng dalawang puntos mula sa ilalim na sinundan pa ng magilas niyang dunk, 40-36. Nabuhay rin muli ang beteranong si Tenorio mula sa kaparehang koponan nang kumana siya ng panibagong mga puntos mula sa labas at loob ng arko, 45-39. 

Matikas namang nakipaggitgitan ang ka-Tropang si John Paul Erram nang subukan niyang tumbasan ang mga tira ni Tenorio gamit ang kaniyang two-point lay-up, 45-41. Sinigurado naman ni Pringle ang kaniyang suporta para sa kakampi nang magpasok din siya ng tatlong puntos, 58-47. Nang maulit muli ang pagkakataong ito, humugot ang ibang ka-Tropa mula sa fouls ng kabilang koponan upang mapaliit ang agwat nila sa kabila, 64-57. 

Bumwelta agad si Simon Enciso ng nakamamanghang 3-pointer jump shot, 64-60, sa unang sampung segundo pa lamang ng huling bakbakan. Nagsilbing pampagising ito para sa Tropang Giga nang nagpaulan ng sunod-sunod na dos si Pogoy. Gayunpaman, sinagot ito ni Tenorio matapos niyang pumukol ng umaatikabong tres mula sa labas ng shaded area, 69-64,  pabor sa Ginebra.

Bantay-saradong depensa rin ang pinasiklab ng Tropang Giga dahilan para mapilitang magkamit ng sunod-sunod na mga error ang delikadong Tenorio-Pringle tandem. Sinamantala naman ito ng Tropang Giga nang kumana sila ng tatlong magkakasunod na tirada kontra Ginebra, 72-70, mula sa lay-up.

Binigwasan naman pabalik ng Tenorio-Pringle tandem ang katunggali nang sanib-puwersang humarurot ng 8-2 run ang dalawang scoring machine, 80-72. Sinubukang makabawi ng Tropang Giga ngunit huli na ang lahat nang bombahin ng katunggali ang kanilang kampo, 85-79, mula sa pangwakas na lay-up at mga freethrow shot ng Ginebra.

Bigong makuntento si Tenorio sa naipundar na talaan ng kanilang koponan para paghandaan ang kanilang duwelo kontra sa 3-point shooting team na Tropang Giga. “We’re not really a three-point shooting team. . .  Actually it’s our defense that became a key [to our win] because we take pride in it,” pagbabahagi ng player of the game.

Lubos namang nagpasalamat si Coach Tim Cone sa ipinakitang lakas at dedikasyon ng kaniyang koponan. “They did such a great job defending our normal offensive flow with their great ball pressure,” pagwawakas ng Barangay Ginebra San Miguel coach.

Namayagpag sa unang puwesto ang Barangay Ginebra, 7-2, matapos makapagtala ng two-game winning streak. Dumausdos man sa naturang laro, patuloy pa ring nangingibabaw sa standings ang Tropang Giga kasama ang naging katunggali, 6-3.

Susubukan muli ng Barangay Ginebra na itayo ang kanilang bandera sa liga sa kanilang kapana-panabik na salpukan kontra San Miguel Beermen sa darating na Linggo, Nobyembre 8, sa ganap na ika-6:45 ng hapon. Masusubukan naman ang iniingatang puwesto ng TNT Tropang Giga kontra isa pang powerhouse team na Rain or Shine sa darating na Martes, Nobyembre 10.