Pagsugpo sa mga llamado: NLEX Road Warriors, inararo ang San Miguel Beermen


MULING NAGTAGUMPAY ang NLEX Road Warriors matapos pabagsakin ang San Miguel Beermen (SMB), 124-90, sa tuloy-tuloy na aksyon ng 2020 Philippine Basketball Association (PBA) Philippine Cup, Nobyembre 6, sa Angeles University Foundation Sports Arena and Cultural Center.

Bumida para sa Road Warriors ang isa sa mga bruiser nila na si Michael Miranda matapos itong kumamada ng 22 na puntos at gumawa ng perfect 8/8  mula sa field habang humataw naman mula sa bench ang dating Letran sniper na si Kevin Alas na nagbigay ng 19 na puntos at siyam na board. 

Maagang nagpasiklab ang NLEX Road Warriors sa unang yugto nang magbigay ng magagandang opensa ang mga manlalaro ni Coach Yeng Guiao na sina Anthony Semerad at JR Quinahan, 12-8. Hindi naman nagpahuli ang young guns ng SMB na sina Wendell Comboy at Von Pessumal na nagbigay ng first quarter offense para sa Beermen. 

Gayunpaman, nagkaroon ng malaking problema ang San Miguel nang pumasok ang second-unit players ng NLEX. Naging sandata sa panig ng NLEX ang biglang pag-init ni Kevin Alas na nagbuhos ng 11 puntos sa unang yugto. Bunsod nito, nagwagi ang NLEX sa unang yugto ng kanilang digmaan kontra San Miguel, 36-25.

Patuloy ang pagputok ng opensa ni Alas sa pagbubukas ng ikalawang yugto. Matagumpay namang nabawasan ng Beermen ang malaking kalamangan ng NLEX sa tulong ng sentro na si Mo Tautuaa at off-the-bench sniper na si Paul Zamar, 41-52. Hindi naman nasindak ang NLEX sa pagbabadya ng Beermen na makabalik sa laro at tinapatan ng NLEX ang opensa ng Beermen. 

Naging sandata sa ikalawang yugto ang malawak na rotation ng NLEX nang makahanap si Coach Guiao ng magic bunot sa katauhan ni Kris Porter na nagbigay ng hirap sa depensa ng San Miguel. Bunsod nito, lumago muli ang kalamangan para sa NLEX Road Warriors sa pagtatapos ng ikalawang yugto, 67-47. 

Napanatili ng NLEX Road Warriors ang kanilang nagbabagang opensa at depensa nang magpakawala ng tres si Quinahan sa pagbubukas ng ikatlong bahagi ng bakbakan, 70-47. Hindi rin nagpahuli si Comboy nang makapukol ng tres para sa mga nakaputi. Nagsagutan naman sa jumper shots ang magkatunggaling sina Billy Mamaril ng San Miguel at Mike Miranda ng NLEX, 81-57. Nagpakitang-gilas si Miranda sa rainbow arc, dahilan para tuluyang lumobo ang hawak na bentahe ng mga nakaasul, 89-60. 

Sinubukang basagin ng beteranong point guard ng SMB na si Alex Cabagnot ang tahimik nilang talaan nang makaiskor siya ng tres, 89-63. Hindi naman hinayaan ng isa sa binansagang Kamikaze Kid ng NLEX na si Kiefer Ravena na makabuo ng momentum ang katunggali, 91-63. Nagsara ang ikatlong bahagi ng laro sa 91-65, pabor sa mga nakaasul.

Bagamat kapansin-pansin ang paghahari ng NLEX, umaapaw pa rin sa kompyansa ang SMB nang magbukas ang huling bahagi ng laro. Nakalusot sa kamay ng bantay ang nakaputing si Gelo Alolino nang makatira ng floater, 95-69. Nag-init din ang mga kamay ni Miranda nang pumasok ang magkasunod na tira mula sa downtown, 105-71.

Unti-unting kumawala ang pag-asa ng SMB dahil sa opensa ng katunggali. Gayunpaman, nagsanib-puwersa ang mga manlalaro ng SMB na sina Zamar, Comboy, at Alolino mula sa rainbow line. Tuluyang naubusan ng oras ang kanilang koponan at muling nalasap ng NLEX ang matamis na  tagumpay, 124-90.

Ito na ang ikalawang sunod na talo ng Beermen matapos silang yumuko sa Phoenix Super LPG Fuel Masters kahapon. Tila naging tahimik ang gabi para sa binansagang “Spiderman” na si Arwind Santos matapos itong pumukol ng walong puntos at limang rebound.

Kaabang-abang ang mainit na tapatan sa pagitan ng dalawang powerhouse team na Barangay Ginebra San Miguel at San Miguel Beermen sa Linggo, Nobyembre 8. Susubukan namang ipagpatuloy ng Road Warriors ang kanilang winning streak kontra Alaska Aces sa Lunes, Nobyembre 9.