Pagsama sa rekisito ng COA sa pagsasakatuparan ng clearance ng USG, ipinasa sa sesyon ng LA


INAPRUBAHAN sa sesyon ng Legislative Assembly (LA) ang inklusiyon ng pagsasagawa ng mga rekisito mula sa Commission on Audit (COA) para sa clearance ng University Student Government (USG), Abril 23. Matatandaang ipinagpaliban sa sesyon ng LA noong Enero 29 ang diskusyon nito upang isangguni muna ang nasabing resolusyon.

Paglilinaw sa prosesong pampinansyal

Binigyang-diin ni Katkat Ignacio, EXCEL2021, na kapansin-pansing may mga yunit ng USG na nahuhuli sa pagpapasa ng mga rekisito sa COA o hindi na talaga isinasakatuparan ito. “The inclusion of COA requirements in the clearance will motivate future USG officers to be more responsible on accomplishing the required documents,” dagdag pa niya.

Binanggit naman ni COA Chairperson Aimee Joyce Gepte, katuwang sa pagbuo ng nasabing resolusyon, ang mga patnubay at rekisito para sa clearance kada termino na ibibigay ng kanilang komisyon. Saklaw nito ang mga opisina sa ilalim ng USG Executive Board, Activities Assembly, lahat ng yunit ng College Government at Batch Government, LA, Judiciary Department, Commission on Elections, at pati na rin ang COA.

Inilahad ni Ignacio na layunin ng resolusyong ito na bigyang-linaw ang alokasyon ng pondo ng USG sa pamamagitan ng pag-uulat ng buod ng mga in-audit ng COA sa bawat termino.

Tinitiyak din ni Gepte na makikipag-ugnayan sila sa ibang departamento ng USG upang matiyak na magiging malinaw ang mga isasagawang proseso ng COA ukol sa nasabing resolusyon. Binanggit niyang inaasahang makakamit nila ang “transparency in collaboration with the Office of the Executive Secretary (OSEC) and Office of Executive Treasurer (OTREAS).”

Parusa sa hindi pagsunod

Samantala, ipinahayag din ni Gepte na hindi maaaring makapaglunsad ng anomang aktibidad ang isang yunit ng USG sa susunod na termino, may kasama mang salapi o wala, kung hindi nito maisasakatuparan ang mga rekisito ng COA.

Binanggit ni Gepte na maaari ding hindi pahintulutan ang isang yunit ng USG na gamitin ang kanilang pondo sa susunod na termino. Nakabatay ito sa opinyong pang-audit na ibibigay ng COA sa mga ipapasang rekisito ng mga nasabing yunit. Dagdag niya, magiging katuwang ng COA ang Department of Activity Approval and Monitoring at OTREAS sa pagpapatupad ng mga parusang ito.

Inilahad naman ni Bryan Reyes, BLAZE2023, na may ilang inisyatiba ang USG na mahalagang maipatupad kaya itinaas niya ang tanong kung magkakaroon ba ng mga sitwasyong pahihintulutan ito ng COA. Paglalahad ni Gepte, “Things will be judged on a case-to-case basis. Justification letters can be sent.”

Kasabay nito, tinanong naman ni Lara Jomalesa, FAST2019, ang mga dahilang nilalaman ng justification letter na maaaring tanggapin ng COA. Tumugon naman si Gepte na susuriin ito ng Chairperson ng COA, Vice-chairperson for Audit, at Vice-chairperson for Administration.

Ipinahayag naman ni Vera Espino, 75th ENG, na mas mabuting magkaroon ng mga probisyon ukol sa pagtukoy ng mga tatanggaping rason ng COA mula sa justification letter upang pahintulutan ang isang yunit ng USG na magpatuloy sa kanilang aktibidad. Bunsod nito, inenmiyendahan ang resolusyon bilang pagtugon sa naturang mungkahi.

Inaprubahan ang nasabing resolusyon sa botong 21-0-0.

Iba pang inaasahang inisyatiba

Sa kabilang dako, inilahad naman ng tatlong komite ng LA ang kanilang mga plano para sa mga susunod na sesyon ng LA pati ang mga panukalang kasalukuyan nilang isinasaayos. Ipinahayag ni Bryan Camarillo, secretary ng komite ng National Affairs, na pinag-uusapan na nila ang pagkakaroon ng seminar para sa darating na halalang pambansa.

Ibinahagi naman ni Astrid Rico, chairperson ng komite ng Students’ Rights and Welfare, na kasalukuyang may limang resolusyong pinag-uusapan ang kanilang komite. Binanggit naman ni Aeneas Hernandez, vice-chairperson ng komite ng Rules and Policies, na tututukan nila ang pangangasiwa sa post-election survey at ang pagsasakatuparan ng mga manwal ng LA.

Samantala, inilatag din ng mga College Legislative Board (CLB) ang kanilang mga planong inisyatiba. Pinangunahan ito ni Ashley Francisco, chairperson ng CLB para sa College of Liberal Arts, na naglalayong makabuo ng isang tiyak na patnubay para sa mga mag-aaral habang patuloy nilang kinahaharap ang pandemya.

Inilahad naman ni Reyes na pinag-uusapan ng CLB para sa College of Business ang isang resolusyon para sa mga patnubay tungkol sa bilang ng oras sa paggawa ng gawaing pang-akademiya. Ipinanukala rin nila ang pagsasaayos ng mga detalye tungkol sa inaasahang pagkakaroon ng Office of the Ombudsman.

Binanggit naman ni Ignacio na isusulong ng CLB ng School of Economics (SOE) ang panukala ukol sa pagtulong sa mga mag-aaral ng SOE patungkol sa kanilang mga course unit, pagpapababa ng bilang ng mga lumilipat sa ibang kurso, at pagkonsulta sa departamento ng SOE at pangulo ng kanilang kolehiyo.

Ibinahagi naman ni Javi Pascual mula sa CLB ng Laguna Campus na magsisiyasat pa sila ukol sa mga nais na ipatupad na panuntunan at polisiya ng mga mag-aaral sa kanilang kampus. 

Inaasahan namang magkakaroon pa ng mga pagpupulong ang CLB mula sa iba’t ibang kolehiyo sa mga darating na araw tungkol sa kanilang mga bubuoing panukala para sa mga estudyante ng Pamantasang De La Salle. Tatalakayin din nila ang mga isusulong nilang resolusyon para sa mga susunod na sesyon ng LA.