MATATAG, madiskarte, at matapang — ito ang mga katangiang kailangang taglayin ng mga koponang bihasa sa paglalaro ng Mobile Legends: Bang Bang (ML), at naipamalas ito ng pambatong koponan ng Pilipinas na Bren Esports sa ginanap na Mobile Legends: Bang Bang M2 World Championship nitong Enero 18. Bunsod nito, matagumpay nilang napasakamay ang panalo sa internasyonal na kompetisyon.
Lumalawak ang bilang ng mga tagasuporta ng mga propesyonal na koponan tulad ng Bren bunsod ng samu’t saring patimpalak na napagtatagumpayan nila sa ML. Sa pag-usbong ng competitive gaming sa bansa, dumarami ang mga manlalarong nangangarap at nagsusumikap upang mahasa ang kanilang potensyal sa paglalaro.
Pag-araro ng kalamangan
Para mapagtagumpayan ang mga laro sa ML, kailangang mapatumba ng mga manlalaro ang base ng katunggali, na kanilang huling pag-asa upang manatiling ligtas sa naturang kompetisyon. Magagawa lamang ito ng koponan kapag napabagsak na nila ang mga outer, inner, at inhibitor turrets ng kabilang panig. Matatagpuan ang base sa harap ng respawn area na mayroong mas mataas na damage kompara sa mga regular na tore.
Nakapaligid sa base ang tatlong inhibitor turrets at anim na inner at outer turrets na nakapuwesto sa taas, gitna, at ibabang bahagi ng mapa. Nagsisilbing pangunahing depensa ng base ang outer turrets at nagkakaroon ito ng shield na may 4,000 bilang ng damage absorption na tumatagal nang limang minuto sa simula ng sagupaan. Kompara sa outer turret, mas malakas at matibay naman ang mga inner turret kaysa rito.
Namumukod-tangi naman ang mga inhibitor turret bilang panghuling depensa ng pinakainiingatang base ng koponan. Higit na mas malakas ang mga toreng ito kompara sa outer at inner turrets na matatagpuan sa harapan nito. Maliban sa layuning wasakin ang mga pumoprotekta sa base, mahalagang masira ng mga manlalaro ang mga defensive turret upang makamkam ang gintong bentahe na magagamit nila sa pagbili ng mga kagamitan.
Magkakasangga sa bakbakan
Hangad ng karamihang manlalaro ng ML na makaakyat sa ranggo ng Mythic o pinakamataas na antas sa naturang laro. Sa pagkamit nito, kinakailangang mapagtagumpayan ng mga manlalaro ang bawat rank game upang makamtan ang inaasam na posisyon. Maliban sa pagbabasag ng tore, nararapat ding makisalamuha ang mga manlalaro sa mga kakamping tutulong sa kanila sa pagkamit ng kills sa ML.
Sa kaniyang panayam sa Ang Pahayagang Plaridel (APP), ipinahayag ng manlalarong si Andrea Leong ang paghanga niya sa mga koponang marunong magkaisa. Maliban sa mga carry, o ang mga manlalarong may pinakamataas na damage, karapatdapat umanong pahalagahan ang iba pang kakamping naging susi ng kanilang matagumpay na paglalaro. “Mahalaga ang pagiging team player kasi kailangan sa Mobile Legends ang pagtutulungan at pakikisama sa koponan para manalo,” pagbibigay-diin ng Mythic-ranked player.
Kapangyarihang taglay ng pagbabago
Hindi maiiwasan ang pagbabago ng ihip ng hangin sa biglaang pag-usbong ng mga tanyag na karakter at kagamitan bunsod ng pabago-bagong sistema ng ML. Nakasalalay sa mga update ng larong ito ang kahihinatnan ng bawat meta hero, lumakas man ito o humina depende sa mga pagbabagong isinagawa ng app developers nito.
“Mahalagang may kaalaman sa current meta lalo na’t madalas na nagkakaroon ng panibagong updates ang laro at mahirap maglaro kung walang kaalaman dito,” pagbibigay-linaw ni Leong sa APP. Gayunpaman, nakadepende pa rin sa personal na teknik ng mga manlalaro ang kahihinatnan ng resulta ng kanilang mga matchup game.
Sa paglunsad ng mga alternatibong gameplay, mapasasakamay ng mga koponan ang hangaring win streak sa ranked at classic games ng ML. Maisasakatuparan din ito sa pamamagitan ng pagpapalawig ng kani-kanilang hero picks at sa matiyagang pagbubuo ng bagong build items na umaangkop sa estilo ng kanilang paglalaro.
Sa pagkasa ng mga panibagong taktika, naniniwala si Leong na may kakayahan ang bawat manlalaro na umalpas sa dagsin ng pabago-bagong sitwasyong inilalatag ng Mobile Legends. “Hindi naman dapat laging sumunod sa meta sa bawat laro kasi maaaring may unconventional kayong paraan para ma-counter ang hero picks o strategy ng kalaban,” pagbabahagi ng dekalibreng manlalaro.
Hindi maikakailang mahirap matutunan ang mga teknik at game objectives ng larong Mobile Legends, lalo na sa kabataang nagsisimula pa lamang maglaro nito. Sa kabila ng hamong ito, patuloy pa ring nag-iiwan ng masasayang alaala ang multiplayer game sa mga manlalarong sabik sa pagsabak sa mga pasiklaban kasama ang kanilang mga kaibigan at kakampi.