HIHIYAW sa saya, matatahimik sa pagkadismaya, at susubok muli ng isa pa—ito ang kadalasang hirit ng mga manlalarong nangangarap maging pangunahing karakter sa kanilang paboritong video games. Sa kanilang pag-upo sa harap ng screen, nabubuhay ang pagkataong iba sa realidad. Umaasta sila bilang mga taong uhaw sa kapangyarihan—nadadala sa hindi maipaliwanag na sensasyong hatid ng birtuwal na pakikidigma.
Kaakibat ng pakikipagsapalaran sa laro ang iba’t ibang kagamitang nagdadala sa mga manlalaro sa kani-kanilang entabladong nais puntahan. Naunang pumatok ang mga gaming console sa mga indibidwal na tumatangkilik sa video games hanggang nauso ang mga Personal Computer (PC). Mula rito, nagpatuloy ang ebolusyon ng mga platapormang ginagamit sa paglalaro at pumarada na rin sa linya nito ang mobile phones.
Pagbuhay sa antigong aparato
Dulot ng magkakaibang kasangkapang inilatag sa mga tao, nadagdagan ang mga larong malayang napaglilibangan kasama ang libo-libong manlalaro sa buong mundo. Gayunpaman, hindi maitatangging nagkaroon pa rin ng kaniya-kaniyang sariling panahon ng kasikatan ang bawat plataporma.
Nagbalik-tanaw ang Ang Pahayagang Plaridel (APP) kasama ang iba’t ibang manlalaro mula sa Pamantasang De La Salle (DLSU) upang sariwain ang kanilang naging karanasan sa unang platapormang kinagisnan nila sa paglalaro. Mula sa anim na estudyanteng nakilahok, apat sa kanila ang nagpahayag na mga console na ang kanilang ginagamit noon bilang pampalipas oras at libangan.
Ilan sa mga nabanggit na console ang Xbox 360, PlayStation Portable, Game Boy Advance SP, at iba pa. “. . . Mahilig kasi ako sa anime and cartoons katulad ng Pokemon kaya nasiyahan ako nung naglaro ako ng video game nung bata pa ako,” pagbabahagi ni Mark Justine Madriaga, estudyante mula sa College of Liberal Arts ng DLSU.
Pasiklaban ng mga katangian
Bagamat kinalakihan ng karamihan ang paglalaro gamit ang console, natuldukan din ang panahon ng madalas na paghawak nila sa mga ito dulot ng limitasyong kaakibat nito. Ayon sa kanila, kadalasang kaunti ang nalalaro sa console dahil mahal ang mga laro rito, hindi katulad ng mga laro sa ibang plataporma gaya ng PC.
Bunsod nito, lumipat sa paggamit ng PC ang mga naunang gumagamit ng console. Para kay Daimler Tacorda, estudyante mula sa College of Computer Studies, madalas niyang nagagamit ang PC sapagkat marami siyang nagagawa rito tulad ng panonood ng bidyo, paggawa ng takdang-aralin, pakikinig ng musika, at paggamit ng social media.
Ayon naman kay Jamie Manalo, isang YouTube gamer at estudyante mula sa College of Science, kinakailangang palitan ng mas dekalidad na piyesa ang PC upang magkaroon ito ng magandang graphics. Kapag nakapagpalit na ng mga piyesa, maaari na itong gamitin para sa mga bigating laro o “Triple A Games” sa PC. Katapat naman ng nakabubutas sa bulsang presyo ng mga piyesa ang mas murang presyo ng mga laro na patok sa mga manlalaro, kompara sa ibang plataporma.
Sa kabilang banda, hindi maitatanggi ang ginhawang hatid ng smartphones na nagagamit din sa paglalaro bukod sa pangkaraniwang gamit nito sa pagpapadala ng mensahe, pagkuha ng retrato, at iba pa. Bukod dito, nadadala rin ang mga smartphone kahit saan dahil sa likas na kaliitan nito. “. . . Lahat tayo mayroon noon kaya nakakalaro tayo kahit sa classroom,” saad ni Manalo na dating naglalaro ng mobile games.
Gayunpaman, naniniwala ang ibang manlalaro na marami pang suliraning kaakibat ang paggamit ng mobile phone sapagkat hindi ito nakadisenyo upang gamitin panglaro. Bunsod ng maliit na screen at baterya, kinakailangan nito ng matinding pag-aalaga upang hindi agad masira.
Tungo sa birtuwal na entablado
Hindi maikakaila ang malaking gampanin ng mga plataporma sa pagpapatibay ng ugnayan at pagbibigay ng pansamantalang ginhawa sa mga manlalaro, at makikita ang patuloy na pagsabay nito sa nagbabagong mundo. Gayunpaman, mahihinuhang habang tumatanda ang mga manlalaro, naiiba rin ang teknolohiyang kinahihiligan nila.
Iba-iba man ang karanasan, iisa ang kanilang sadya. Sa kabila ng mga limitasyong mayroon sa bawat plataporma, hindi maitatangging mas matimbang ang nakakamit na kasiyahan sa paglalaro at pakikipag-ugnayan sa iba. May mga pagkakaiba sa inihahatid ng bawat plataporma, ngunit nagkakaisa ito sa pagbibigay-daan sa mga manlalaro upang makatungtong sila sa birtuwal na espasyo kasama ang iba pang tauhan dito.