IPINALIWANAG sa talakayan ng Youth Movement, mula sa diskusyon ng MULAT: Lugar ng Agham at Teknolohiya sa Lipunan, ang kahalagahan ng pagkilos ng kabataan sa makabagong panahon, Abril 10. Binuo ang MULAT bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-22 anibersaryo ng Agham Youth University of the Philippines Diliman (UPD).
Pinangunahan ni Migs Alvarez mula sa Agham Youth UPD ang diskusyon tungkol sa kasaysayan ng pagkilos ng kabataan sa bansa at mga paraan upang maayos na maisabuhay ang mga ito lalo na sa panahon ngayong laganap ang pagpapatahimik at paniniil sa mga organisasyong pangmasa.
“The youth should mobilize because we are at the prime of our ages where we have both the physical and mental ability to commit to a cause,” ani Alvarez.
Iginiit niya ang kahalagahan ng pakikibaka ng kabataan sa ibang sektor at kilusan sa lipunan sapagkat magkakaugnay ang mga isyu at problemang kinahaharap ng mamamayan. Dagdag pa rito, idiniin niyang kailangang makiisa ang kabataan sa masa upang tunay na makamit ang pagbabagong inaasam para sa lipunan.
Gayunpaman, pinaalala ni Alvarez na hindi lang dapat ang kabataan ang manguna sa pagkilos at pag-asam sa pagbabago ng lipunan dahil maliit lamang ang populasyon nito kung ikokompara sa ibang sektor sa lipunan. Aniya, kabilang din ang karamihan ng kabataan sa klasipikasyong petiburgesya kaya hindi nito pinangangatawanan ang ibang sektor sa lipunan, tulad ng mga inaapi at mga nasa laylayan.
Ipinakita rin sa talakayan ang kasalukuyang direksyong tinatahak ng mga kilusan ng kabataan sa Pilipinas. Nilalayon ng mga kilusang ito na pangunahan ng mga manggagawa ang pagbabago sa politika, kaugnay ang pagpapaunlad sa agrikultura at pambansang industriyalisasyon sa sektor ng ekonomiya, at gawing makabansa, makatao, at makaagham ang direksyon ng kultura at lipunan ng Pilipinas.
Kaugnay nito, pinuna ni Alvarez ang semi-pyudal at semi-kolonyal na sistema ng edukasyon na nagiging sanhi ng pagpapanatili ng pyudal at imperyalistang pag-iisip ng kabataan. Bunsod nito, patuloy ang pag-iral ng nasabing sistema na naghahati sa mga Pilipino. Dagdag niya, makikita ang kabiguan ng semi-pyudal at semi-kolonyal na sistema ng edukasyon dahil unti-unting nagiging pribilehiyo — at hindi karapatan — ang edukasyon sa bansa. Kulang din aniya ang oportunidad ng empleyo ng mga bagong gradweyt sa bansa.
“To change society, we need to change ourselves. We need to constantly integrate with the masses, discarding the individualistic values and aspirations, and to continue to fight for the people, with the people,” pagtatapos ni Alvarez.
Bukod sa Youth Movement, ipagpapatuloy ng Agham Youth UPD ang seryeng MULAT sa talakayang Land Reform and National Democracy na isasagawa sa Abril 17, at On The Standard Issues of the Day sa Abril 23.