TINULDUKAN ng kolektibong tirada ng Alaska Aces ang natitirang pag-asa ng Northport Batang Pier nang masayang ang puwersa nina Christian Standhardinger at Kevin Ferrer ng Batang Pier, 102-94, sa 2020 Philippine Basketball Association (PBA) Philippine Cup, Nobyembre 6, sa Angeles University Foundation Sports Arena.
Nangibabaw ang sanib-puwersang lakas ng Aces sa scoring department matapos makapagtala ng magkakadikit na double digit points si player of the game Abu Tratter, kasama sina Rodney Brondial, Jeron Teng, at Rob Herndon kontra sa nasayang na 39 na puntos ni Standhardinger. Nakabawi ang Aces sa kanilang pagkatalo sa nakaraang laban kontra Barangay Ginebra San Miguel habang kasalukuyan namang nagdurusa sa three-game losing streak ang Batang Pier.
Mainit ang simula ng unang yugto para sa Aces matapos magpakawala ng 11-0 run sina Tratter, Teng, Barkley Eboña, at Jvee Casio. Naging dahilan ito upang tumawag ng maagang timeout ang Batang Pier. Sinimulan naman ng jumper ni Garvo Lanete ang scoring para sa Batang Pier. Naibaba ng Batang Pier ang kalamangan mula sa and-one plays ni Standhardinger at Nico Elorde. Lumobo naman sa 12 puntos ang kalamangan ng Aces, 23-9, matapos magpakawala ng dalawang sunod na tres si Herndon.
Ilang sandaling napako ang iskor ng Batang Pier bago ito natuldukan mula sa lay-up ni Elorde. Bunsod nito, tumawag ng timeout ang Aces matapos magkamit ng foul si Elorde, 25-11. Nagkaroon ng palitan ng puntos at mintis ang parehong koponan sa huling dalawang minuto ng yugto.
Lamang ang Aces sa unang yugto ng laro kontra sa Batang Pier, 27-18. Naging susi ng Aces ang kanilang mahigpit na depensa na nagbunsod ng mababang porsyento sa shooting ng Batang Pier na nasa 25% kumpara sa 52% ng Aces.
Nagsimula naman sa fouls ng bawat koponan ang ikalawang yugto ng laro, 28-20. Nanlamig muli ang parehong koponan mula sa kanilang shooting, partikular sa linya ng tres. Umarangkada ang Aces matapos makuha ni Tratter ang and-one play sa loob, kasama ang pangatlong personal foul ni Standhardinger. Bumawi naman si Standhardinger nang makakuha siya ng pitong magkakasunod na puntos.
Nakakuha ng isang mini-run ang Aces mula sa freethrows ni Casio at puntos sa loob mula kina Brondial at Teng. Gumanti naman si Standhardinger sa kaniyang sunod-sunod na baskets upang maibalik sa tatlo ang kalamangan, 43-40. Natapos ang ikalawang yugto sa magandang pasa ni Teng kay Manuel. Tangan ng Aces ang kalamangan kontra sa Batang Pier, 45-40.
Umaatikabong resbakan ang naganap sa pagsisimula ng ikatlong salpukan nang pangunahan ng scoring machine Standhardinger ang 0-6 run ng Northport, 45-46, dahilan upang maselyuhan ang isang kalamangan. Sumagot naman ng 10-2 run ang Alaska para wasakin ang solidong laro ng katunggali, 59-48, mula sa sanib-puwersang opensa ng koponan mula sa lay-up.
Umarangkada naman ang Standhardinger-Kelly Nabong tandem para panipisin ang lumalayong kalamangan ng kalaban ngunit agarang bumwelta ng tres si Abel Galliguez, 64-56, para salantain ang naturang momentum. Bunsod nito, bumagsak ang kumpiyansa ng mga Batang Pier nang magtamo ng sunod-sunod na mga foul at turnover ang koponan sa huling tatlong minuto ng ikatlong yugto.
Usad-pagong muli ang naging daloy sa huling dalawang minuto ng laro matapos magsagutan ng mapapait na error ang magkatunggali. Agad na winakasan ni Standhardinger ang matamlay na laro ng Aces matapos ipukol ang tatlong puntos sa huling isang minuto ng bakbakan, 68-62. Nagsilbing motibasyon ito para kay Ferrer nang magpasabog siya ng 3-pointer na bomba bago humirit ang buzzer, 69-65.
Unang bumali ng puntos sa pagsisimula ng huling yugto ng tapatan ang Aces mula sa team play. Hindi rin nagpahuli si Maverick Ahanmisi para sa opensa ng Alaska sa kaniyang quick shot subalit sinagot naman ito ng three-point shot mula kay Lanete, 75-70. Matagumpay naman sa mga one-on-one play ang Northport sa pangunguna nina Ferrer at Standhardinger subalit hindi ito sapat nang basagin ng Alaska ang depensa ng Northport sa ilalim ng ring, 87-76.
Matagumpay na pinigilan ng Alaska ang pagtatangkang paglilista ng ikalawang panalo ng Northport matapos selyuhan ng Aces ang kontrapelo, 102-94. Bunsod nito, napasakamay ng Alaska ang ikaapat na playoff ticket habang hawak ang 6-4 panalo-talo kartada.
Susubukang patatagin ng Alaska ang kanilang lagay sa torneo sa susunod nilang laban kontra NLEX Road Warriors sa Lunes, Nobyembre 9. Sa kabilang banda, tatangkaing ibulsa ng Standhardinger-led Northport ang mailap na ikalawang panalo laban sa Magnolia Hotshots sa Linggo, Nobyembre 8.