INAPRUBAHAN sa sesyon ng Legislative Assembly (LA) ang P397,687 na badyet ng University Student Government (USG) para sa akademikong taon 2020-2021, Marso 30. Mas mababa ito kompara sa P557,335 na badyet noong nakaraang akademikong taon.
Matatandaang ipinagpaliban ang pag-apruba nito noong nakaraang sesyon dahil sa ilang pagsasaayos na pinangunahan ng Office of the Treasurer (OTREAS) at USG.
Pagbaba ng fixed allocation
Inilaan ang P84,294 para sa fixed allocations, mas mababa kompara sa P94,000 noong nakaraang taon. Nakuha naman ng University Mission Vision Week ang pinakamalaking bahagi ng badyet na nagkakahalaga ng P36,667. Ipinaliwanag ni Noel Gatchalian, USG Executive Treasurer, na ang administrasyon ng Pamantasan ang may hawak sa mga alokasyong ito.
Sumunod naman dito ang Judiciary na paglalaanan ng P20,000, mas mababa kompara sa P55,000 noong nakaraang taon. Mula naman sa P10,000 noong nakaraang taon, bumaba sa P4,000 ang pondo para sa Commission on Audit. Pareho namang P8,000 ang itinakda para sa Commission on Election (COMELEC) at Magistrates. Matatandaang P30,000 ang inilaang pondo para sa COMELEC noong nakaraang taon bunsod ng isinagawang make-up elections.
Umabot naman sa P3,000 ang pondong nakalaan para sa LA mula sa P1,000 na badyet nito noong nakaraang taon. Ani Gatchalian, kinonsulta niya si Escoto sa desisyong itaas ang alokasyon bunsod ng patuloy na banta ng pandemya. Naniniwala rin si Gatchalian na makatutulong ito sa paglulunsad ng mga proyekto at inisyatibang makatutulong sa mga Lasalyano.
Samantala, P10,627 naman ang itinalagang pondo para sa Disaster Risk Reduction and Management, P4,000 para sa Department of Activity Approval and Monitoring, P2,000 para sa Activities Assembly Department, at P2,000 para sa Contingency Fund.
Tumaas naman ang badyet para sa Laguna Campus Student Government mula sa P5,000 noong nakaraang taon tungo sa P6,000.
Distribusyon para sa batch government at college units
Bahagi rin ng operational fund ang alokasyon para sa batch government units. Mula sa P119,500 noong nakaraang taon, bumaba ito sa P62,407.90.
Ayon kay Gatchalian, nakasaad sa konstitusyon na kinakailangang isaalang-alang ang dami ng estudyante sa bawat batch. Bunsod nito, mapupunta sa malalaking batch ang matataas na porsiyento ng badyet.
Sa kabuuang pondo, nakalaan ang 0.3% para sa batch government units ng terminal batches o 4th year. Para naman sa penultimate batches o 3rd year, 0.6% ang mapupunta sa mga kolehiyong may malaking populasyon ng estudyante, habang 0.3% naman ang para sa maliliit na kolehiyo.
Parehong P1,248.16 ang ibibigay sa terminal batches ng College of Liberal Arts (CLA), Ramon V. Del Rosario College of Business (RVR-COB), College of Computer Studies (CCS), Gokongwei College of Engineering (GCOE), at School of Economics (SOE), pati sa penultimate batches ng CCS, Brother Andrew Gonzales College of Education (BAGCED), College of Science (COS), at SOE. Nagkakahalagang P2,496.32 naman ang ibibigay sa penultimate batches ng CLA, RVR-COB, at GCOE.
Samantala, 0.9% naman ang porsiyentong mapupunta sa malalaking batch ng sophomore batches o 2nd year, at 0.4% naman para sa maliliit. Bunsod nito, P3,744.48 ang matatanggap ng mga naturang batch sa CLA, RVR-COB, at GCOE, habang P1,872.24 ang sa CCS, BAGCED, COS, at SOE.
Sa kabilang banda, mapupunta ang pinakamalaking porsiyento na 0.13% sa malalaking freshman batch at 0.6% naman para sa maliliit. Kaugnay nito, ilalaan ang P4,992.64 sa mga naturang batch ng CLA at RVR-COB, P4,992.54 sa GCOE, at P2,496.32 sa CCS, BAGCED, COS, at SOE.
Ilalaan naman sa college government units ang P150,591.06 na 60% ng natirang badyet na P250,985.10, matapos ibawas ang operational fund ng fixed allocations at batch government unit mula sa kabuuang badyet na P397,687.
Ibinigay rin sa malalaking college government unit ang malalaking porsiyento ng badyet tulad ng batayan sa mga batch government unit. Bunsod nito, nakalaan ang P33,268.41 sa RVR-COB na may populasyong 3,989 na estudyante. Sinundan ito ng CLA, ang kolehiyong may pinakamataas na alokasyon noong nakaraang taon, na kasalukuyang may badyet na P30,384.59 para sa 3,478 estudyante sa taong ito.
Mapupunta naman ang P26,812.25 sa GCOE na may populasyong 2,845; P17,489.20 sa CCS na may populasyong 1193; P16,219.41 sa COS na may populasyong 968; P13,849.14 sa SOE na may 548 estudyante; at P12,568.07 sa BAGCED na may 321 estudyante.
Nakatakdang pondo para sa executive board
Inilahad naman ni Gatchalian na inilaan ang P100,394.04 o 40% ng natirang badyet para sa executive board units ng USG. Napunta sa OTREAS ang P30,554.71 na may pinakamalaking bahagi sa nasabing yunit dahil ito ang 30.43% ng kabuuang alokasyon. Mas malaki ito nang 5.73% kompara sa nakaraang badyet ng nasabing opisina.
Isa sa mga proyekto ng OTREAS ang Dean’s Lister (DL) Financial Grant na naglalayong matulungan ang ilang DL na nangangailangan ng tulong pinansyal. Nilinaw ni Gatchalian na susuriing maigi ang mga aplikante mula sa iba’t ibang kolehiyo, sa pamamagitan ng paghingi ng mga dokumentong makapagpapatunay ng pangangailangang pinansyal at pagsasagawa ng panayam.
Pumangalawa naman ang Office of the Vice President for External Affairs na nakakuha ng halagang P25,098.51 o 25% ng pondo na umangat ng 0.3% kompara sa nakaraang taon. Kasunod naman nito ang Office of the President (OPRES) na pinaglaanan ng P16,368.59 o 16.3% ng kabuuang pondo, habang parehong binigyan ng P14,186.11 o 14.13% ang Office of the Vice President for Internal Affairs at Office of the Secretary.
Ipinahayag naman ni Gatchalian na wala pang tiyak na breakdown ang P60,000 na badyet para sa Educational Recovery Plan ng OPRES. Sa kabila nito, ipinahayag niya ang layunin ng proyekto na matulungan ang mga estudyante sa kanilang pagbangon mula sa epekto ng pandemya at online na pagsasagawa ng klase.
Karagdagang kaganapan sa LA
Pinasalamatan naman ni Escoto ang mga kinatawan ng LA sa maagap nilang pagsagot ng pagsusulit para sa LA noong Marso 27. Kaugnay nito, inanunsyo niya ang anim na miyembrong nakakuha ng mataas na marka sa nasabing pagsusulit. Pinangunahan ito ni Francis Loja, EXCEL2023, na nakakuha ng 99% ng kabuuang marka.
Nakamit naman ni Sofia Beltrano, BLAZE2021, ang ikalawang puwesto sa markang 98%. Sinundan ito nina Luis Martinez, FAST2017, sa markang 94% at Bryan Reyes, BLAZE2023, sa markang 93%. Pareho namang nakakuha ng markang 92% sina Lara Jomalesa at Katkat Ignacio. Mula rito, inilagay sa iba’t ibang komite ang mga miyembro ng LA ayon sa resulta ng kanilang pagsusulit.
Isinagawa rin ang botohan para sa chairperson, vice chairperson, at secretary ng tatlong komite ng LA: Students Rights and Welfare (STRAW), Rules and Policies (RnP), at National Affairs (NatAff). Hinirang bilang chairperson ng STRAW si Astrid Rico, 74TH ENG, kasama si Ignacio bilang vice chairperson at Pauline Carandang, LA representative ng LCSG, bilang secretary nito.
Itinakda naman si Beltrano bilang chairperson ng RnP, kasama sina Aenas Hernandez, EXCEL2022, at Ashley Francisco, FAST2020, bilang vice chairperson at secretary nito. Samantala, si Kali Anonuevo ng CATCH2T24 naman ang mangunguna sa NatAff bilang chairperson nito, katuwang sina Celine Dabao, EDGE2018, at Bryan Camarillo, CATCH2T23, bilang vice chairperson at secretary nito.
Bilang pagtatapos ng sesyon, inilahad ni Escoto na maghahain siya ng LOA sa loob ng ilang linggo dahil sa kaniyang pagtakbo bilang kinatawan ng LA para sa BLAZE2022. Pansamantala naman siyang hahalinhinan ni Beltrano bilang officer-in-charge chief legislator hanggang sa bumalik sa panunungkulan si Escoto.