ITINALAGA ang ilang bagong kinatawan ng University Student Government (USG) at Laguna Campus Student Government (LCSG) sa kaunaunahang espesyal na sesyon ng Legislative Assembly (LA), Marso 26. Kaugnay nito, inilapat din ng mga bagong halal ang respektibong plataporma para sa kani-kanilang posisyon.
Samantala, ipinagpaliban naman sa naturang sesyon ang pag-apruba sa alokasyon ng badyet ng USG. Inihayag ni Lara Jomalesa, FAST2019, na sumasailalim pa sa pagsasaayos ang planong alokasyon na kasalukuyang pinangangasiwaan ng USG at Office of the Treasurer.
Pagluklok ng karagdagang opisyal sa USG at LCSG
Hinirang bilang 72ND ENG batch vice president si Bianca Tan matapos makatanggap ng endoso mula kay Madeline Tee, pangulo ng Gokongwei College of Engineering (GCOE). Pagbabahagi ni Tan, nais niyang makapagtaas ng kamalayan ukol sa mga internship at mga trabaho, sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga talakayan, paglalathala ng mga publikasyon sa social media, at pag-imbita sa alumni na magbabahagi ng kanilang karanasan ukol dito.
Itinalaga naman bilang BLAZE2020 batch president at batch vice president sina Daniella De Leon at Jelie Julia. Priyoridad ni De Leon na mapagbuti ang mga proseso ng student affairs para sa mga 117 ng College of Business (COB), habang nakatuon naman sa pagbuo ng safe spaces si Julia.
Sa kabilang banda, itinakda si Celine Dabao bilang kinatawan ng LA ng EDGE2018. Layunin niyang makagawa ng directory para sa pagsusulat ng tesis at paghahanap ng trabaho. Kaugnay nito, nais din niyang magsagawa ng serye ng mga webinar at workshop upang matulungan ang 118 ng Br. Andrew Gonzales FSC College of Education (BAGCED) sa pag-a-apply at pagtuturo online.
Bukod pa rito, nais din ni Dabao na paigtingin ang karapatan sa pagboto sa kabila ng pandemya. Hangarin niyang magabayan ang mga kapwa estudyante sa proseso ng pagboto upang maipabatid ang kahalagahan ng pagpapanagot at pagiging transparent ng mga iniluluklok na opisyal.
Sa botong 22 for, 0 against, at 1 abstain, opisyal nang iniluklok sa puwesto si Dabao at umanib siya sa majority floor na pinamumunuan ni Jomalesa.
Pinunan din ang ilang posisyong mangangasiwa sa iba’t ibang kolehiyo sa kampus ng Laguna. Kinatigan ni LCSG campus president Gabriel Dela Cruz ang pagtalaga sa kandidato para sa mga bakanteng posisyon sa kampus.
Unang itinalaga si Jea Seguisabal bilang kinatawan ng CED sa kampus ng Laguna, sa botong 21-0-0. Itinaas niya ang kahalagahan ng paghahatid ng angkop na impormasyon sa mga prosesong pang-akademiya, tulad ng enlistment. Kaugnay nito, nais niyang itatag ang BAGCED Help Desk upang magsilbing platapormang tutugon sa mga hinaing ng mga mag-aaral sa naturang kolehiyo.
Matagumpay ding nailuklok si Angel Lopez bilang kinatawan ng College of Computer Studies (CCS) sa kampus ng Laguna, sa botong 22-0-0. Pokus ng kaniyang mga plataporma na mabigyang-halaga ang natatanging likha ng mga Lasalyano sa naturang kurso. Dahil dito, kabilang sa kaniyang plano ang pagtatayo ng CCS Exhibit, na layong itampok ang proyektong gawa-CCS. Naniniwala siyang magsisilbi rin itong inspirasyon sa freshmen ng naturang kolehiyo upang pairalin din ang kanilang talento.
Iminungkahi rin ni Lopez ang proyektong Pahiram Program, upang matulungan ang mga estudyante sa pagkamit ng kinakailangang mga kagamitang teknikal, tulad ng calculators at iba pang aparato. Bunsod nito, ipinabatid ni Lopez ang kahalagahan ng naturang programa lalo na sa pagbabalik ng klase sa face-to-face.
Tulad ni Seguisabal, nais din magtaguyod ni Lopez ng communications channel upang matugunan ang hinaing ng mga estudyante sa CCS. Dagdag pa niya, palalawakin ang akses sa naturang channel sa iba pang messaging platform, tulad ng Discord at Telegram.
Inihalal naman bilang kinatawan ng COB sa kampus ng Laguna si John Matthew Jobo, sa botong 22-0-0. Handog niya ang mga programang maiaangat ang kalidad ng serbisyo at karanasan ng mga mag-aaral sa kolehiyo. Isa na rito ang webinar na Surviving COB-id, na nakatuon sa paggabay sa mga mag-aaral ng COB. “Specific objective is to orient students in applying for courses [and] discussing policies,“ pagsasaad niya.
Itataguyod din ni Jobo ang programang Study with Senpais upang matugunan ang hamon na kinahaharap ng mga estudyante ng COB sa kanilang mga aralin. “Para matulungan ang lower batches in terms of lectures. . . [at upang] maging episyente at epektibo ang pag-aaral natin,” paniniwala niyang malilinang ng programa ang pagkatuto at motibasyon ng mga Lasalyano.
Pagtalakay sa ibang kaganapan sa LA
Pinahintulutan din sa sesyon ang paglalabas ng pahayag ukol sa Earth Hour, sa botong 19-0-2. Ipinabatid nina Bryan Reyes, BLAZE2023, at Kali Anonuevo, CATCH2T24 na dumaan muna ito sa opisina ng Center for Social Concern and Action at ng Student Leadership, Involvement, Formation, and Empowerment bago ilatag sa sesyon. Kaugnay nito, Speak one for Nature ang magsisilbing kolektibong mensahe ng pagdiriwang.
Ipinaalam ni Anonuevo na mahalaga ang pakikisangkot ng mga Lasalyano sa mga usapin ukol sa kalikasan. Ipinakita naman ni Giorgina Escoto, chief legislator, ang kaniyang suporta sa resolusyon. Binanggit niyang mahalagang hakbang ito tungo sa pagmamalasakit ng pamayanang Lasalyano sa ating kalikasan.
Ipinaalala naman ni Escoto ang pagsusulit ng mga kinatawan ng LA ukol sa konstitusyon ng USG at manwal ng LA, na nakatakda noong Marso 27. Mula rito, makabubuo sila ng mga kinatawan para sa tatlong komite ng LA: ang Students Rights and Welfare, Rules and Policies, at National Affairs.
Kinumusta rin ni Escoto ang paghahanda para sa college legislative boards. Ani Jomalesa, nakikipagtulungan ang kanilang panig sa Arts College Government para sa College of Liberal Arts.
Ibinahagi rin ni Sophia Beltrano, BLAZE2021, ang layunin nilang gumawa ng resolusyon ukol sa working hours ng USG. Ipinahayag naman nina Astrid Rico, 74TH ENG, Bryan Camarillo, CATCH2T23, at Celina Vidal, FOCUS2018, na nasa proseso pa lamang sila sa paglikha ng mga ipatutupad na resolusyon sa kani-kanilang kolehiyo.
Ayon naman kay Francis Loja, EXCEL2023, nakatuon sila sa paggawa ng resolusyon para sa mga student athlete at paglalabas ng updates para sa kanilang kolehiyo upang maipabatid ang mga kaganapan sa LA.
Sa kabilang banda, ipinabatid naman ni Pauline Carandang, kinatawan ng LA ng LCSG, na nangangalap na sila ng datos para sa pagkuha ng mga free minor program. Bukod pa rito, inaasahang magtatalaga na rin sila ng LCSG Treasurer sa susunod na sesyon ng LA.
Hinimok naman ni Jomalesa ang mga kinatawan ng LA na agarang suriin ang resolusyon para sa alokasyon ng badyet bilang paghahanda sa susunod na sesyon. Bukod pa rito, hinikayat din ni Katkat Ignacio, EXCEL2021, ang paggamit ng LA sa pahayag ukol sa Earth Hour sa kanilang mga inisyatiba at proyektong isasagawa.