MULING INIHANDOG ng Office of the Counseling and Career Services (OCCS) ng Pamantasang De La Salle (DLSU) ang ilang oportunidad para sa pamayanang Lasalyano tulad ng trabaho at internship, sa pamamagitan ng kaunaunahang Virtual Job Expo na may temang Yugto: Reach For New Horizons, Marso 15 hanggang Marso 19.
Layunin ng Virtual Job Expo na bigyang-pagkakataon ang mga mag-aaral at alumni mula sa iba’t ibang La Salle School sa bansa upang makakuha ng internship o trabaho mula sa iba’t ibang organisasyon, kompanya, at industriyang katuwang ng OCCS. Hindi naging hadlang ang kinahaharap na pandemya upang makamtan ng mga mag-aaral at alumni ang oportunidad na handog ng programang ito.
Ayon kay Maria Joana Kristiana Rinoza, Job Placement Coordinator ng OCCS, hangad ng OCCS na mahimok ang mga Lasalyano na humakbang patungo sa panibagong yugto, kaugnay ng tema ng programa, upang muling makapagsimula sa gitna ng malalaking pagbabago sa buhay kasabay ang umuusbong na teknolohiya.
Dagdag pa ni Rinoza, “In the midst of a global pandemic; the so-called new normal – the shift from face-to-face to virtual, it’s a huge adjustment for everyone and we wanted to signify that this is just another chapter – another Yugto.”
Kaunaunahang virtual job expo
Sumailalim din sa maigting na paghahanda ang programa upang masiguro ng OCCS na maayos ang magiging takbo ng proyekto sa inilaang mga araw para rito. Sinikap namang ihanda ng Student Representatives ng opisina ang lahat ng kakailanganin sa programa tulad ng pag-contact ng mga kinatawan, pati mga internal at external partner, paggawa ng mga publicity material, at pagsasaayos ng logistics.
Ayon kay Rinoza, pinaghandaan na ang proyektong ito simula pa nitong nakaraang taon dahil ito ang unang Virtual Job Expo. “We started preparing for this since last year but as you know, technology is constantly evolving,” pagbabahagi pa niya ukol sa isinagawa nilang mga pagbabago para sa ikabubuti ng programa.
Dagdag pa ni Rinoza, dumaan sa masusing pag-aaral ang mga platapormang ginamit sa programang ito kahit bago ang sistemang ilulunsad sa birtuwal na pamamaraan. Sa pamamagitan nito, nagkaroon din ng maikling oryentasyon at dry run para sa programa kasama ang mga kalahok na kompanya upang maging pamilyar sa mga gagawin sa araw ng paglulunsad nito gamit ang Zoom.
Pagsulyap sa mga kalahok na kompanya
Pinaigting ng OCCS ang pakikipag-ugnayan at kolaborasyon sa iba’t ibang lokal at multinasyonal na kompanya na nais makilahok sa Job Expo ngayong taon. Umabot sa 59 ang nakiisang kompanya sa programang kinabibilangan ng mga company partner at external partner organization ng Pamantasan.
Kabilang sa mga kalahok na kompanya ang mga diamond partner na Accenture at Lazada E-Services Philippines. Kinilala rin ang ilang kompanya tulad ng Uniqlo, Unilab, at China Bank bilang mga gold partner na kompanya ng Pamantasan, at ang BVLGARI, Unilever, UnionBank, at Zalora bilang mga bronze partner. Nakiisa rin sa programa ang ilang non-governmental organization tulad ng ABS-CBN Foundation Inc. at World Youth Alliance Asia Pacific.
Mula rito, kapansin-pansin ang pagbaba ng bilang ng mga kalahok na kompanya ngayong taon kompara sa mga nagdaang taon. Matatandaang umabot sa mahigit 120 kompanya ang lumahok sa nakaraang proyekto, na halos doble ng bilang ngayong taon. Sa kabila nito, siniguro ng OCCS na sapat at malawak pa rin ang mga oportunidad na handog para sa mga kalahok.
Ayon pa kay Rinoza, malaya ang mga aplikanteng kilalanin o tanungin ang mga kompanya. “They can ask even about the company culture; know what it’s like to work there,” wika niya. Maaari ding makipag-ugnayan sa kinatawan ng napiling kompanya kung nais namang direktang kumuha ng trabaho o internship.
Paghahanap ng internship sa gitna ng pandemya
Inilahad ni Cedric Ligon, isang mag-aaral sa kursong BS in Accountancy, ang kaniyang mga paghahanda upang makakuha ng internship sa isinagawang Job Expo. Inihayag niyang malaking tulong ang oportunidad mula sa programa dahil sa hirap ng paghahanap ng internship ngayong panahon ng pandemya.
Kasama sa mga paghahandang ginawa niya ang pagsasaliksik ukol sa mga kompanyang nakitaan niya ng interes. Sinubaybayan din niya ang mga social media account ng DLSU OCCS – Career Services para sa listahan ng mga makikibahaging kompanya at iskedyul ng mga rekrutment o career talk.
Binigyang-diin din ni Ligon na nakasalalay sa gagawing paghahanda ng mga aplikante at tagapangasiwa ang pagtugon sa mga hamon ng online na programa, kagaya ng problema sa internet connection at paggamit ng online na plataporma.
Ibinahagi rin niya ang kaniyang batayan para sa pagpili ng nais niyang pasukang kompanya. Ayon kay Ligon, priyoridad niya ang mga trabahong pasok sa kaniyang kurso at mga kompanyang may magandang adbokasiya at pagpapahalaga sa kalagayan ng mga empleyado o bawat kasapi ng kompanya.
Sa kabila ng makabagong sistema ng paglulunsad ng programa, nabanggit ni Sofia Cortez, publicity head ng Virtual Job Expo, na nakasalalay ang tagumpay nito sa pakikilahok ng mga Lasalyano. Pangako pa niya, “Sa susunod na edisyon, susubukan naming mas paramihin pa ang oportunidad na maibibigay namin sa mga kalahok.”
Naniniwala naman si Rinoza na sinikap nilang mabigyan ng tamang serbisyo at magabayan ang mga Lasalyano sa pagpili ng trabaho. “We constantly strive to give the best to our Lasallians. And so we value feedback on how we can improve,” pagtatapos niya.