PINANGASIWAAN sa sesyon ng Legislative Assembly (LA) ang pagtatalaga sa mga posisyong kinatawan ng LA ng Laguna Campus Student Government (LCSG) at ng BLAZE2020. Pormal ding isinagawa ang pagbibitiw sa puwesto ng dalawang opisyal ng University Student Government (USG), at inenmiyendahan ang mga patnubay ukol sa resignasyon ng mga opisyal ng USG, Marso 19.
Natapos naman ang pagluluklok ng mga bagong opisyal sa pagtatalaga kina Javi Pascual at Anton Mapoy bilang bagong kinatawan ng LA ng LCSG at BLAZE2020.
Karagdagang pagbabago sa patnubay sa resignasyon
Naipasa sa sesyon ang nirebisang USG Resignation Guidelines pagkatapos isaayos ang mga karagdagang probisyong nakapaloob dito. Inilahad ni Pauline Carandang, kinatawan ng LA ng LCSG, na hindi kailangang manggaling sa iisang kolehiyo ang papalit sa vacating officer. Kaugnay nito, inilahad niya ang kalagayan ng Pamantasang De La Salle sa kampus ng Laguna, “Everyone is aware that we have a small population. . . it will be a hard time for us, USG, to find replacement officers.” Dagdag pa niya, hindi rin aktibo ang ibang Lasalyano sa pakikilahok sa student government.
Ayon pa kay Carandang, ibinatay ang mga karagdagang pagbabago sa probisyon sa online election code at ikinonsulta ito kay John Christian Ababan, chairperson ng Commission on Elections. “The replacement officer for campus president, secretary, treasurer, should have completed at least three full terms and LA Representatives and College representatives should have completed at least one full term,” paglilinaw niya.
Inenmiyendahan din ang proseso ng pag-aanunsyo sa replacement officers. Inihayag ni Katkat Ignacio, EXCEL2021, na hindi na nakahanay sa kasalukuyang sitwasyon ang dating bersyon. “We resorted to redefining public announcements as a form of publications whether online or physical that may be uploaded, disseminated, and shared through USG and media organizations,” ani Ignacio.
Paghirang sa bagong kinatawan ng LA
Tinalakay ni Carandang ang paghirang kay Javi Pascual bilang kinatawan ng LA ng LCSG, na nakabatay sa legal memorandum na inilabas ng Judiciary. Ipinaliwanag naman ni Elijah Flores, Inspector General ng Judiciary, ang mga naging isyu sa pagtatalaga kay Pascual. Aniya, “It depends on which provisions under resignation guidelines apply to Mr. Javi Pascual.”
Inilahad pa ni Flores na walang nakasaad na legal na probisyon at konsepto ukol dito ayon sa kaniyang pagsisiyasat. Kaugnay nito, isinaad niya ang posibleng aksyon na maaaring gawin ng LA, “LA could draft and approve resolution creating specific guidelines exclusive only for Laguna Campus,” ani Flores. Sa kabila nito, hindi na pinalawig ni Flores ang iba pang suhestyon sapagkat naipasa na ang probisyon sa unang adyenda ng sesyon ng LA.
Sa botong 21 for, 0 against, at 0 abstain, opisyal nang iniluklok sa puwesto si Pascual bilang isa pang kinatawan ng LA para sa LCSG.
Sa kabilang banda, nakakuha naman ng endoso si Anton Mapoy mula kay Marcus Guillermo, pangulo ng Ramon V. Del Rosario College of Business (RVR-COB). Kaugnay nito, inilahad ni Mapoy ang ilan sa mga maitutulong niya sa kolehiyo, “I would like to make it possible that there be more incentives for students despite having doing the bare minimum.” Naniniwala siya sa magandang dulot na naibibigay ng insentibo sa mga estudyante.
Sa botong 21-0-0, opisyal nang hinirang si Mapoy bilang kinatawan ng LA ng BLAZE2020.
Sa kabilang banda, tinanggap na rin ang resignasyon ni Ethan Rupisan bilang kinatawan ng LA ng 72ND ENG at Yuka Rebamba bilang Batch Vice President ng EDGE2018. Mananatili namang bakante ang mga nabanggit na posisyon hanggat wala pang maipapalit sa puwesto.
Pagsiyasat sa mga kaganapan sa LA
Pinahintulutan ni chief legislator Giorgina Escoto ang mga bagong halal na kinatawan ng LA na mamili ng sasalihan nilang panig ayon sa payo ng mga dating chief legislator. Dumagdag sina Villaroman at Pascual sa panig ni Marts Madrelejos, FAST2018, habang umanib naman sina Martinez at Mapoy kay Lara Jomalesa, FAST2019.
Umabot na sa 13 miyembro ang nasa panig ni Jomalesa, habang 12 miyembro naman ang pangungunahan ni Madrelejos. Dahil dito, idineklara si Jomalesa bilang majority floor leader, at si Madrelejos bilang minority floor leader.
Kinumusta naman ni Escoto ang ilang kinatawan ng LA sa bawat kolehiyo ukol sa paghahanda sa college legislative boards. Pagbabahagi ni Madrelejos, tinatalakay pa nilang mga kinatawan ng College of Liberal Arts ang nais nilang itaguyod na resolusyon, gayundin para sa College of Computer Studies ayon kay Bryan Camarillo, CATCH2T23, kasama ang kanilang college president.
Tiniyak din nina Sophia Beltrano, BLAZE2021, na patuloy pa rin silang naghahanap ng mga mangangasiwa sa mga komite ng LA at nagsusuri ng mga ipapasang batas para sa RVR-COB. Ipinahayag naman nina Ignacio, Astrid Rico, 74TH ENG at Janna Josue, EDGE2019 na nasa proseso pa lamang ang mga kinatawan ng LA sa paglikha ng mga ipatutupad na resolusyon sa kani-kanilang kolehiyo.
Bukod pa rito, binigyang-pansin naman ng mga kinatawan ng LA ng LCSG ang proseso ng pagtatalaga ng mga opisyal at pagpapahintulot sa mga estudyanteng kumuha ng free minor sa main campus. Ani Carandang, nakapagsangguni na sila sa mga kaugnay na opisina at kasalukuyan na silang nangangalap ng datos para rito.
Bilang pagtatapos sa sesyon, ipinaalala ni Escoto ang pagsusulit para sa mga kinatawan ng LA na isasagawa sa Marso 27. Bukod pa rito, magkakaroon din sila ng oral recitation upang masuri ang kanilang kaalaman ukol sa konstitusyon ng USG.