SINUPORTAHAN ng University Student Government (USG) – Judiciary ng Pamantasang De La Salle (DLSU), sa Decision Hearing nitong Marso 12, ang desisyon ng DLSU Commission on Elections (COMELEC) ukol sa hindi pagpapahintulot sa pagtakbo nina Bianca Lazo at Calvin Almazan, parehas mula Alyansang Tapat sa Lasallista (Tapat), bilang BLAZE2022 Batch President at LA Representative sa nakalipas na Make-up elections 2021.
Matatandaang nagsampa ng Writ of Preliminary Injunction ang Judiciary sa pangangampanya at eleksyon ng mga naturang posisyon hanggang magkaroon ng hatol ang korte ukol sa inihaing petisyon nina Lazo at Almazan laban sa COMELEC, Enero 25.
Kaugnay nito, nagsagawa ang Judiciary ng dalawang sesyon ng oral argument upang marinig ng hukom ang panig ng Tapat at COMELEC, Marso 9 at 10. Sa pagtatapos ng mga pagdinig, napatunayang hindi nagpabaya ang COMELEC at hindi rin nila nilabag ang karapatan ng mga petisyoner sa due process.
Pinagtibay ng korte na hindi sinasadya ang pangyayaring nagdulot ng pagkaudlot sa pagpapasa ng mga cover letter, ngunit hindi ito dahilan para kina Almazan at Lazo upang hindi gampanan ang naturang responsibilidad.
Samantala, binigyan ng 10 araw sina Almazan at Lazo, mula sa araw ng paglalahad ng desisyon, para maghain ng motion for reconsideration subalit walang katiyakang muli itong didinggin ng korte.
Paglabag umano sa due process
Inakusahan ni Lunette Nuñez, counsel officer ng Tapat, na pabaya, malisyoso, at mapanlinlang ang mga hakbang na ginawa ng COMELEC sa due process. Aniya, “COMELEC did not conduct an initial hearing and did not issue a copy of initial reason. . . they did not inform petitioners of the right to file for motion.” Bukod pa rito, nakakapagduda umanong nagsagawa ng final hearing nang hindi ipinaalam sa kanila ang naging diskusyon sa unang pagpupulong ng COMELEC.
Binanggit ni Nuñez na kuwestiyonable ang naging daloy ng due process na isinagawa ng COMELEC dahil wala ring minutes of meetings para sa naging pagdinig. Pinanindigan din niyang hindi nito nasunod nang buo ang due process dahil isang hakbang lamang ang naisagawa ng COMELEC.
Sa ikalawang araw ng oral arguments, nanindigan naman si Angelica Mendoza, counsel officer ng COMELEC, na isinagawa ng COMELEC ang due process. Aniya “[It is] an opportunity to hear one side or to reconsider, all of these was done by COMELEC.” Inulit ni Mendoza na nakasaad sa Artikulo 3 ng online election code na dapat makumpleto ang mga rekisito upang maging karapatdapat sa pagtakbo, kaya nanindigan siyang tama ang ginawang desisyon ng COMELEC.
Ayon sa inilabas na desisyon ng korte, hindi napatunayang nagkaroon ng misapprehension of facts ang COMELEC. Sa inilabas na written decision ng Judiciary, nakasaad na “It was a mere procedural question which is not directly connected to its exercise of wisdom and scrutiny of the actual facts surrounding the case of the petitioners.”
Leniency ng COMELEC
Inusisa rin ni Nuñez ang kapabayaan ng COMELEC sa pagpapabatid ukol sa kumpirmasyon ng pagtanggap nila ng mga ipinasang rekisito ng Tapat. “They failed to acknowledge receipt of the submission of requirements and to inform the party once said requirements have been checked,” ani Nuñez. Nakaangkla ito sa Seksyon 3 (e) ng Artikulo 3 ng online election code na responsibilidad ng political party na sabihan ang COMELEC, sa pamamagitan ng SMS o email, kapag nakapagsumite na ng rekisito, at responsibilidad naman ng COMELEC na kumpirmahing natanggap na nila ito.
“COMELEC had ample opportunity to inform petitioners. COMELEC had 2 meetings with Tapat on January 15 and 16,” giit ni Nuñez. Bukod pa rito, binanggit din niyang kuwestiyonable ang hindi pag-record sa naging pagpupulong nila noong Enero 18. Saad pa ni Nuñez, hindi sapat ang paggawa ng Document Tracker System (DTS) ayon sa probisyon na nakalagay sa online election code.
Binanggit naman ni Magistrate Jericho Quiro na hindi nakasaad sa batas kung ilang oras dapat maipadala ng COMELEC ang kumpirmasyon sa naturang party. Pagtatanong pa ni Andre Miranda, presiding magistrate, “Is that fair? Faulting the COMELEC on the last provision if, at the very first, you didn’t do the first responsibility?”
Binigyang-katuwiran naman ni Mendoza ang kahalagahan ng DTS, “DTS was used as a medium of information relay,” aniya. Sinabi rin niyang nakinabang ang dalawang partido sa DTS dahil ginamit nila ito para sa ibang rebisyon sa impormasyon ng mga kandidato.
Naniniwala ang korte na parehong may pagkukulang ang petisyoner at ang COMELEC ngunit hindi ito sapat upang ituring na kapabayaan ang pinairal ng COMELEC. Bukod pa rito, nilinaw rin ng korte na sapat na ang paggamit ng DTS para makapagbigay ng paalala at impormasyon sa mga ipinasang dokumento ng Tapat pati sa iba pang nais na tumakbo noong halalan.
Samantala, isa pa sa mga ipinunto ni Nunez ang hindi pagpapakita ng maximum leniency ng COMELEC. Sa kabilang banda, inisa-isa ni Mendoza ang mga naging desisyon ng COMELEC ukol sa pagpapalawig sa deadlines. “In spite lengthy timeline, adjusted deadlines, Tapat did not submit the substantial requirements,” pagdidiin niya.
Kaugnay nito, hinatulan ng hukumang wala sa posisyon ang COMELEC upang maging lenient dahil magiging paglabag ito sa pinirmahang kasunduang nagsasaad na hindi maaaring magpataw ng bagong araw ng deadline. “It is important to note the Commission cannot unilaterally decide on the submission deadline based on its own convenience,” paglilinaw ng hukom.
Pagtupad sa rekisito
Ipinaliwanag naman ni Nuñez na nakamit ng mga petisyoner ang substantial compliance o pagtupad ng mga rekisito sa ibang paraan. Ayon pa sa kaniya, maaaring hindi isumite ang cover letter dahil matatagpuan ang impormasyong hinihingi rito sa ibang dokumentong ipinasa ng mga petisyoner.
Batay sa Seksyon 3.3.d ng Memorandum of Agreement (MOA) para sa Make-up Elections 2021, nakapaloob sa cover letter ang ilang personal na detalye ng ineendosong kandidato, opisyal na letterhead ng partido, at pirma ng isang miyembro ng executive board. Kaugnay nito, tinukoy ni Quiro na nakalagay sa MOA na kinakailangang isumite ang cover letter sa kabila ng argumento ni Nuñez na isa lamang itong karagdagang rekisito.
Binigyang-diin naman ni Nuñez na dapat masunod ang pulso ng mga Lasalyano at mabigyan sila ng pagkakataong pumili ng mga kandidato batay sa kanilang pinaniniwalaan. Bunsod nito, tinanong ni Quiro kung nararapat bang mga Lasalyano ang mag-endoso ng mga kandidato sa halip na mga partido, at tinanggihan naman ito ni Nuñez.
Ipinahayag din ni Mendoza na kinakailangang magsumite ng cover letter ang mga kandidato sapagkat malinaw na nakasaad ito hindi lamang sa MOA kundi pati sa online election code. Pahayag niya, nagsisilbing pruweba ang naturang dokumento sa pag-endoso ng Tapat sa mga kandidato.
Dahil sa mga nabanggit na argumento, hindi sumang-ayon ang korte na maaaring gamitin ang doctrine of substantial compliance para sa kasong ito. Dagdag pa rito, hindi rin napatunayang may paglabag sa karapatan ng mga Lasalyano sa pagpili ng gusto nilang kandidato sapagkat hindi pa nagsisimula ang eleksyon.
Pananagutan ng COC Representative
Iginiit din ni Nuñez na force majeure o hindi inaasahang pangyayari ang nagdulot ng hindi pagpasa ng mga rekisito. Sa pagsasaad niya, pumunta sa ospital si Mica Centeno, Certificate of Candidacy (COC) Representative ng College of Business mula Tapat, upang magpasuri sa COVID-19. Nagsumite rin si Centeno ng excuse letter at medical certificate bilang patunay. “Centeno’s internet connection in the hospital made it impossible to send the document,” dagdag pa niya.
Gaya ni Quiro, ipinunto rin ni Mendoza na maaaring ipasa ni Centeno sa ibang tao ang responsibilidad ng pagpapasa ng mga rekisito. Pinatunayan ito ng kaniyang panig sa isinumiteng listahang naglalaman ng mga pangalan ng lahat ng miyembro ng Tapat na mayroong akses sa Google Drive na pinaglalagyan ng rekisito ng mga kandidato.
Nang usisain pa ni Quiro ang tungkol sa pagkakaroon ng COC Representative, sinabi ni Nuñez na nakadepende lamang ito sa sistema ng partido sapagkat hindi ito kasama bilang kondisyon sa MOA. Tinanong din ni Magistrate Reginald Bayeta IV kung naisaalang-alang sa desisyon ng COMELEC ang excuse letter ni Centeno at ipinahayag ni Mendoza na nakalakip ito sa statement of facts.
Sumang-ayon naman ang hukumang hindi kontrolado ni Centeno ang mga pangyayari ngunit nanindigan silang responsibilidad pa rin ng mga petisyoner at ng Tapat ang pag-aasikaso ng mga rekisito at kabilang dito ang cover letter. Sipi mula sa desisyon ng Judiciary, “Among the many obligors in Tapat, only the COC representative. . . is excused from full compliance of the obligation. The rest, however, are not, including the petitioners.”
Sa pagtatapos ng pagdinig sa kaso, iniangat ng Judiciary ang Writ of Preliminary Injunction o pagsuspinde sa pangangampanya at eleksyon para sa BLAZE2022 Batch President at Legislative Assembly Representative. Kaugnay nito, inaasahang muling bubuksan ng COMELEC ang eleksyon para sa mga nabanggit na posisyon. Ipinahayag din nina Almazan at Lazo sa isang Facebook post na buong puso nilang tinatanggap ang desisyon ng Judiciary.