PINANGASIWAAN sa sesyon ng Legislative Assembly (LA) ang ilang resolusyon ukol sa pagbibitiw at pagtatalaga ng ilang mga opisyal ng University Student Government (USG), Marso 12. Tinalakay rin ang pagbibigay-pahayag ukol sa Bloody Sunday Crackdown sa rehiyon ng CALABARZON.
Pagtalakay sa termino ng mga opisyal
Nagsimula ang sesyon sa pagbibitiw ni CATCH2T21 batch president Harvey Taino bunsod ng pagkasuspinde ng kaniyang scholarship. Aniya, nais niyang pagtuunan ng pansin ang kaniyang pag-aaral sa huling termino niya sa Pamantasan upang muling maibalik ang kaniyang scholarship.
Itinalaga naman si Luiz Martinez bilang bagong kinatawan ng LA ng FAST2017 matapos makatanggap ng pag-endoso mula kay College of Liberal Arts (CLA) president Raina Nivales. Pagbabahagi ni Martinez, nais niyang maghain ng mga planong makatutugon sa pangangailangan ng CLA 117.
Inilahad din ni Martinez ang kaniyang platapormang magtaguyod para sa institusyonalisasyon ng pagsasagawa ng enlistment at enrollment education sa pamamagitan ng online manual at taunang seminar ukol dito. Bukod pa rito, nais din niyang makipag-ugnayan sa Office of Counseling and Career Services sa pagsasaayos ng exit surveys upang maisentro ito sa career services at gawing mas career-oriented ang mga estudyanteng malapit nang magtapos.
Samantala, ipinagpaliban muna ang pagtatalaga kay Javi Pascual bilang kapalit ni dating Laguna Campus Student Government LA representative Michele Gelvoleo dahil kinakailangang linawin ang mga nakasaad sa probisyon ukol sa pagpapalit ng mga opisyal.
Ayon sa konstitusyon ng USG, kinakailangang nasa parehong kolehiyo at antas ang papalit na opisyal para sa batch level resignation. Nilinaw naman ni Aenas Hernandez, EXCEL2022, na campus replacement ang tinutukoy at hindi pamalit para sa batch level, ngunit walang nakasaad na probisyon sa konstitusyon para rito.
Payo naman ni Inspector General Elijah Flores, nararapat munang magsagawa ng legal na pananaliksik ang hudikatura at mga opisyal nito, at magbigay ng legal memorandum pagkatapos nito. “[A] legal opinion that would carry the same force and effect of a law. . . would have to be decided by the magistrates [which is] subject. . . to the current provisions and procedures under the Rules of Court and the USG Constitution if any,” paliwanag niya.
Itinakda naman bilang CATCH2T21 LA representative si Patricia Villaroman. Layunin niyang makapagsagawa ng rebisyon sa polisiya ukol sa independent learning weeks upang mabigyang-pansin ang asynchronous approach, pati na rin ang pagpapasa ng rekisito sa klase, at pagkakaroon ng offline learning materials.
Hinirang din si John Velasco bilang CATCH2T21 Batch Vice President matapos makatanggap ng endoso mula kay College of Computer Studies (CCS) President Jolo Cansana. Aniya, priyoridad niyang magtaguyod ng mga programang makatutulong sa mga graduating students at sa kaniyang mga kapwa shiftees at delays. Ilan dito ang pagpapalawig ng mga oportunidad sa labas ng Pamantasan at pagsulong ng sistemang text-blast.
Pagluklok sa panibagong chief legislator
Bilang panimula, iminungkahi ni Katkat Ignacio, EXCEL2021 at tumatakbong chief legislator, na gawing anonymous ang magiging botohan sa pamamagitan ng paggamit ng Google Forms. Pagbabahagi niya, mas mapabubuti kung walang pagkakakilanlan ang mga boto katulad na lamang ng nangyaring eleksyon para sa chief legislator noong nakaraang taon.
Napagdesisyunan din nina Ignacio, Giorgina Escoto, BLAZE2022, Lara Jomalesa, FAST2019, at Marts Madrelejos, FAST2018, na muling ipresenta ang mga plano at plataporma ng mga tumatakbong kandidato upang maiparinig sa mga bagong tagapanood.
Pinangunahan ni Escoto ang muling paglalatag ng mga plano at plataporma sakaling maluklok sa posisyon. Aniya, layunin ng kaniyang pamumuno ang isang “purpose driven legislative assembly that advances student life, maximizes the Lasallian experience, and pioneers nation building.” Ilan sa kaniyang mga proyekto ang pagtalima sa LA Journal at LA Vault, pag-enmiyenda sa manwal ng LA, at pagpapatibay sa mga komite ng LA.
Binigyang-pansin naman ni Ignacio ang pagsulong ng mga resolusyon sa ilalim ng iba’t ibang komite ng LA. Ilan sa mga ito ang pagpapabuti ng mga polisiyang pangkalusugan ukol sa COVID-19, pagtataguyod ng mga progresibong patakarang nakaugnay sa mga adbokasiya ng LGBTQ+, at pagsasagawa ng ilang pagbabago sa LA Manual.
Matapos ang botohan, hinirang si Escoto bilang bagong Chief Legislator sa botong 13-12 laban kay Ignacio.
Pahayag ukol sa Bloody Sunday crackdown
Sa huling bahagi ng pagpupulong, isinulong nina Kali Anonuevo, CATCH2T24, Bryan Reyes, BLAZE2023, at Vera Espino, 75TH ENG, ang resolusyon ukol sa paglalabas ng pahayag ng USG hinggil sa isinagawang Bloody Sunday Crackdown ng Philippine National Police sa rehiyon ng CALABARZON noong Marso 7.
Pagdidiin ng mga tagapagtaguyod ng nabanggit na resolusyon, “We urge the Lasallian Community to uphold the dignity of our fellow Filipinos. It is our duty to be informed and to take a stand on the issues that threaten the core of the civil liberties that our society bases itself on.”
Bunsod nito, ipinasa ang resolusyon matapos makakuha ng botong 23-0-0.
Mga plano ng bagong chief legislator
Bilang pagtatapos ng sesyon, inanunsyo ni Escoto ang kaniyang mga plano para sa LA bilang panimula sa kaniyang panunungkulan. Una na rito ang pagsasagawa ng pagsusulit para sa mga kinatawan ng LA sa unang linggo ng Abril. Dagdag pa niya, isasakatuparan din ang kaniyang planong magsagawa ng pagsasanay ukol sa pagsasagawa at pagpapakahulugan sa mga batas ng USG.
Ibinahagi rin ni Escoto na priyoridad ang pagsasaayos sa sistemang nakapaloob sa LA Vault at LA Journal at ang pag-enmiyenda sa manwal ng LA. Paglalahad pa niya, makatatanggap sila ng tulong mula sa tagapagtaguyod ng resolusyong ito mula sa nakaraang administrasyon. Sa kabilang banda, inaasahan din ang pagtatalaga ng mga manunungkulan sa Office of the Chief Legislator for Legislative Publications and Secretariat.