Sumikat kamakailan lamang sa social media ang mga bidyo ng internet star na si Mark Averilla o mas kilala bilang Macoy Dubs. Nag-viral ang kaniyang Aunt Julie serye na ginampanan ang karakter ng isang tita mula sa Saint Pedro Poveda College. Subalit bigla niyang inanunsyo sa twitter nitong Agosto 21 ang pansamantalang paghinto ng serye matapos ang mga pambabatikos. “Aunt Julie will be back and will just take care of herself. But people c’mon, 2020 na,” ibinahagi niya sa twitter bunsod ng isyu.
Hindi maikakaila ang pagiging kritikal ng ating kultura sa iba’t ibang bagay. Sa katunayan, kilala ang mga Pilipino sa kanilang pagbabahagi ng opinyon ukol sa mga sosyo-politikal na isyung kinahaharap ng bansa. Walang masama sa pagbibigay ng komento sapagkat parte ng diskurso ang kritikal na ebalwasyon. Lalo pang napadali ang pagpapalitan ng opinyon dahil sa mga social media network na nagsisilbing instrumento ng masa upang magpalaganap ng kaalaman. Gayunpaman, may hantungan at limitasyon ang paggamit nito. Ani ni Averilla matapos ang kaniyang anunsyo, “Aunt Julie might take a rest muna. Baka magdilig muna ako ng orchids, but I’ll be back. Thank you everyone, keep safe, anak.”
Importante na mabigyang linaw ang pagkakaiba ng cancel culture mula sa call-out culture. Bagamat masasabi na may kaugnayan, hindi magkatulad ang dalawang konsepto. Isang proseso ang kultura ng call-out na layong magsimula ng diskurso upang ipagbigay-alam ang nagawang hindi makatuwiran ng isang indibidwal. Naiiba ito mula sa cancel culture na layuning i-boycott ang isang indibidwal.
Habang pinatunayan ng call-out culture na dapat harapin ng isang indibidwal ang kahihinatnan ng kaniyang mga maling gawain at aksyon, wala namang espasyo ang cancel culture para sa pagbabago. Marahil isang kabiguan ng kultura ng pagkansela ang hindi nito pagbibigay ng pagkakataon upang maiwasto ang mga kamalian. Hindi pinapayagan ng kulturang ito na umunlad ang isang indibidwal sa labas ng kaniyang mga pagkakamali. Dahil dito, walang paraan upang matubos ang kaniyang sarili at maging mas disenteng tao.
Tila mas nagiging hadlang pa sa progreso ang cancel culture. Sa halip na baguhin at turuan, mas nakatuon ang atensyon ng mga tao sa mga personalidad at hindi sa aspekto ng kamalian na kanilang ginawa. Walang tunay na progreso kung hahayaan natin na magpatuloy ang nasabing kultura. Tandaan na may mga pagkakamaling hindi sinasadya at maaring nagmula lamang sa kakulangan ng kaalaman.
Sa ating kampanya para sa responsableng paggamit ng social media, huwag sana nating kalimutan na maaring magkamali at magbago ang isang indibidwal. Ayon nga kay Aunt Julie, “2020 na.” Oras nang baguhin ang nakasanayang kultura upang mas mabigyan ng atensyon ang ibang bagay—tulad ng mga pagkukulang ng gobyernong ito. Para sa kinabukasan ng Aunt Julie serye, “But hindi ako titigil. I’m just here to create content, diba? Ang dami nang problema ng earth, why do you guys want to cancel good vibes?” paglalahad ni Averilla.