Madalas na masabihang ulyanin ang isang taong madaling makalimot ng mahahalagang pangyayari at bagay sa kaniyang buhay. Sa katunayan, humihingi pa ng tulong sa mga gamot at masusustansyang pagkain ang ilang Pilipino upang mapigilan ang pagkakaroon ng malabong memorya.
Tila imposible ang ideya ng paglimot sa mga bagay na nag-ukit ng malalim na sugat sa pagkatao ng isang indibidwal. Gayunpaman, pinatunayan ng Kongreso na walang imposible lalo na kung pansariling interes ang paiiralin.
Kamakailan lamang, naghain ng batas sina Ilocos Norte 1st District Representative Ria Fariñas, Ilocos Norte 2nd District Representative Angelo Marcos Barba, at Probinsyano Ako Representative Rudys Caesar Fariñas na gawing special non-working holiday ang Setyembre 11 sa Ilocos Norte.
Ayon sa mga mambabatas, isa itong daan upang bigyang-pagpupugay ang buhay, kontribusyon, at kabayanihan ng dating Pangulong Ferdinand Marcos na nagsilbi bilang sundalo, mambabatas, at pangulo ng bansa.
Sa botong 197-9-1, o 197 na sumang-ayon, siyam na tumaliwas, at isang abstain, inaprubahan ng mababang kapulungan ang House Bill No. 7137 na nagtatakda sa Setyembre 11 bilang President Ferdinand Edralin Marcos Day sa Ilocos Norte. Ibig sabihin, inaalala ng mga tao ang kabayanihang ipinamalas ni Marcos noong nabubuhay pa ito.
Hindi na nakagugulat na halos 200 mambabatas ang bumoto para sa pagtatakda ng araw ni Marcos. Pinatunayan lamang nitong hindi sukatan ang katandaan upang makalimot sa malagim at madilim na trahedyang hinarap ng Pilipinas sa ilalim ng kamay ng diktador.
Sa pag-apruba ng batas na ito, tila binura na sa kasaysayan ang madugong pamamalakad ni Marcos sa Pilipinas. Nais ng mga mambabatas na kalimutan na lamang ng mga Pilipino ang halos 70,000 taong kinulong at 3,300 na pinahirapan at tinanggalan ng karapatang mabuhay. Sa kasalukuyan, nakabaon pa rin sa alaala ng mga biktima ng Martial Law ang kanilang sinapit sa ilalim ng mga militar.
Nais din nilang burahin sa kasaysayan ang bilyon-bilyong ninakaw na kayamanan, walang patid na kasinungalingan, at hindi makataong pagkamkam sa demokrasya ng mga Pilipino. Sa kabila nito, nais ng pamilya Marcos at ng mga nagsulat ng batas na ito na “mag-move on na” sa nangyari.
Ilang ulit mang paikutin at baluktutin ang nakaraan, hindi kailanman dapat kilalanin bilang bayani ang isang taong yumurak sa karapatan ng sambayanan. Walang salitang makapaglalarawan sa sinapit ng mga Pilipino sa panahon ni Marcos kaya hindi katanggap-tanggap ang pagmu-move on upang kalimutan ang kasaysayan.
Kung sino pa ang may kapangyarihan at may pera, sila pa itong ulyanin. Nakalulungkot. Nakagagalit.