
PINATAHIMIK ng De La Salle University Lady Spikers (DLSU) Lady Spikers ang atungal ng back-to-back champions National University (NU) Lady Bulldogs, 25–21, 25–19, 19–25, 25–17, sa pagsasara ng unang yugto ng University Athletic Association of the Philippines Season 88 Women’s Volleyball Tournament sa SM Mall of Asia (MOA) Arena kahapon, Marso 15.
Itinanghal na Player of the Game si middle blocker Amie Provido matapos umani ng 12 puntos mula sa 10 atake, dalawang block, at siyam na excellent dig.
Dinepensahan naman ni rookie outside hitter Sam Cantada ang hanay ng Jhocson tangan ang 13 puntos galing sa 10 atake, dalawang block, at isang ace.
Maagang rumagasa ang opensa ng Taft mainstays sa pangunguna ni kapitana Shevana Laput mula sa isang combination play, 12–9.
Subalit, pinigilan ito ni NU middle blocker Minierva Maaya bunsod ng magkakasunod na quick attacks at pagsiil ng pinto laban sa pag-atake ni Laput, 13–11.
Ngunit hindi na nagpatinag si rookie setter Eshana Nunag nang dagundungin nito ang 18,351 manonood sa MOA Arena matapos nito wakasan ang unang set sa bisa ng mapangahas na 1-2 play, 25–21.
Umindayog sa ritmo ang mga taga-Jhocson sa unang pagtapak ni Cantada sa bakbakan at umarangkada mula sa puspusang pagbasag ng pader na itinayo ng Taft towers gamit ang down-the-line hit, 7–4.
Samantala, nagpaulan ng mga error ang parehong koponan hanggang sa umabot sa set point ang Berde at Puting koponan sa bisa ng service ace ni Nunag, 24–17.
Sinubukan pang sindihan ng pipe attacks nina outside hitter Celine Marsh at Cantada ang pag-asa ng NU, ngunit agad din itong napundi ng service error ni setter Abe Pono, 25–19.
Bumulusok naman si national standout Angel Canino nang maglista ng kalkuladong crosscourt hit at service ace, 6–4.
Ngunit namuhunan ang Jhocson mainstays sa out-of-system plays ng Lady Spikers na sinabayan pa ng mabibilis na atake mula sa gitna ni middle blocker Alexa Mata, 15–18.
Bago tuluyang puruhan ni outside hitter Vange Alinsug ang mga kinatawan ng Taft sa ikatlong yugto nang umani ng puntos mula sa isang service ace, 19–25.
Dinomina ng Berde at Puting koponan ang NU pagdako sa ikaapat na set matapos bumida ng 9–0 run sa pag-akay ng matibay na pader na itinayo ni rookie middle blocker Vida Caringal kontra Cantada, 11–2.
Sinubukan pang kalampagin ng mga taga-Jhocson ang panig ng DLSU matapos magpaandar ng 13–3 run ang NU ngunit umagapay si Provido sa gitna matapos pumuslit ng isang quick attack, 19–16.
Tuluyan nang naminsala hanggang service line si Provido at sinelyuhan ang perpektong kartada, 25–17.
Karga ang maningning na first round sweep at 7–0 panalo-talo talaan, pananatilihing malinis ng Lady Spikers ang kanilang talaan kontra Adamson Lady Falcons sa Smart Araneta Coliseum sa ika-3:00 n.h. sa Sabado, Marso 21.
