
INIHAWLA ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers ang defending champions National University (NU) Bulldogs, 19–25, 25–20, 25–23, 22–25, 15–10, sa kanilang unang duwelo sa University Athletic Association of the Philippines Season 88 Men’s Volleyball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Marso 15.
Hinirang na Player of the Game si outside hitter Chris Hernandez na pumukol ng double-double output na 14 na atake, tig-dalawang block at ace, 12 excellent reception at 8 excellent dig.
Umagapay rin si outside hitter Eugene Gloria na umukit ng sariling bersiyon ng double-double output na 13 atake, isang block, 12 excellent reception, at apat na excellent dig.
Nagsilbi namang tanglaw para sa mga Bulldog si opposite hitter Leo Ordiales matapos pumukol ng 22 marka mula sa 20 atake at dalawang block.
Maagang nakaabante ang mga taga-Jhocson buhat ng crosscourt shot ni outside hitter Michaelo Buddin, 5–7, na agad namang ginantihan ni Hernandez ng dalawang off-the-block hit upang ibigay ang bentahe sa DLSU, 14–13.
Subalit, naglipana ang error sa panig ng mga nakaberde na naging tulay upang angkinin ng Jhocson mainstays ang unang set, 19–25.
Agad na nagising ang diwa nina DLSU middle blocker Eric Layug at Gloria nang magrehistro ng tig-isang atake sa panimula ng ikalawang set, 2–0, hanggang sa nailipat ang momentum sa kampo ng Jhocson nang harangan ni Ordiales ang tirada ni Hernandez, 9–13.
Gayunpaman, nagpundar ng momentum ang bagong saltang opposite hitter na si Uriel Mendoza gamit ang down-the-line hit, 17–19, na sinamantala ng DLSU upang tumudla ng 6-0 run sa bisa ng mga block point ni rookie setter Ezer Regidor at Layug, at attack error mula sa Jhocson-based squad, 25–20.
Gitgitang sagupaan ang eksena sa pagpasok ng ikatlong set matapos magpalitan ng umaatikabong atake sina Mendoza at NU middle blocker Obed Mukaba, 13–all.
Kumawala naman sa bitag si Gloria gamit ang off-the-block hit upang ibigay ang bentahe sa DLSU, 20–18, na ginatungan pa ni Mendoza ng parehong taktika upang tuldukan ang set, 25–23.
Sinabayan ng Berde at Puting koponan ang tulin ng Bulldogs sa panimula ng ikaapat na set, 2–all, subalit lumobo ang kalamangan ng NU sa bisa ng crosscourt shot ni Buddin, 9–15.
Sinubukan pang dumikit ng Green Spikers nang magpasiklab ng 3-0 run, 20–21, subalit tuluyang napundi ang kanilang pag-asa nang matapos ang naturang set sa service error ni Team Captain Jamiel Rodriguez, 22–25.
Bitbit ang hangaring ipagpatuloy ang kanilang winning streak, sinalubong ng 3-0 run ng tambalang Hernandez at middle blocker Issa Ousseini ang pinal na yugto, 8–5.
Tinangka itong sagutin nina Buddin at Ordiales sa bisa ng kaninang mauutak na atake upang lumikha ng 4-2 run, 10–9.
Dahil sa matinding pagkapit, nangibabaw ang tibay ng loob ng mga taga-Taft sa pangunguna ni Ousseini na tinipak ang palo ni NU open hitter Jade Disquitado, 14–9, at pagpapakawala ni Mendoza ng nagniningas na tirada upang tuluyang wakasan ang sagupaan, 15–10.
Paglalahad ni Regidor sa Ang Pahayagang Plaridel tungkol sa kaniyang pagtanggap sa hamon ng pagiging main setter sa larong ito, “Inilagay ko lang sa isip ko na experience ‘to sa sarili ko para sa future ko kaya inilaban ko talaga.”
Bitbit ang 3–4 panalo-talo kartada, susubukan ng Green Spikers na pag-ibayuhin pa ang kanilang gilas sa pagpasok ng ikalawang yugto ng torneo kontra Adamson University Soaring Falcons sa Smart Araneta Coliseum sa ika-11:00 n.u. sa Marso 21.
