
NABIHAG ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers ang langkay ng Adamson University Soaring Falcons, 25–21, 25–20, 21–25, 25–20, sa kanilang unang paghaharap sa University Athletic Association of the Philippines Season 88 Men’s Volleyball Tournament sa Mall of Asia Arena kahapon, Marso 11.
Hinirang na Player of the Game si DLSU rookie setter NJ Bangit bitbit ang 32 excellent set.
Pinangunahan naman ni Joel Menor ang kampanya ng mga taga-San Marcelino tangan ang 18 puntos mula sa 16 na atake at dalawang block.
Maagap na depensa ni Rui Ventura at service ace ni Chris Hernandez ang naghandog ng bentahe sa Taft-based squad, 9–8.
Sinagot naman ni Menor ang pagragasa ng Green Spikers nang ibaon niya ang isang backrow spike upang kontrahin ang nagliliyab na opensa ng taga Taft, 21–19.
Hindi nagpaawat sina Hernandez at Eugene Gloria sa pag-atake na sinundan pa ng service ace ni middle blocker Issa Ousseini upang ikandado ang unang set para sa La Salle, 25–21.
Itinatag naman ni Gloria ang bentahe ng Berde at Puting koponan nang kumamada ito ng 4-0 run, 7–1.
Unti-unti namang pumanhik ang San Marcelino-based squad nang magrehistro ng backrow attack si opposite hitter Maruel Tan, 10–7.
Pinalawig naman ni opposite hitter Michael Fortuna ang kalamangan ng Taft nang buong-puwersang atakihin ang depensa ng Adamson, 19–13.
Pinatahimik ni Ventura ang mga palkon nang tapusin ang sagutan sa ikalawang set, 25–20.
Nagkukumahog ang Green Spikers sa simula ng ikatlong set nang dagitin ng mga palkon ang maagang bentahe.
Bumuwelo ang Adamson matapos magtala ng magkasunod na puntos na dinagdagan pa ni Tan upang itala ang kanilang pinakamalaking lamang laban sa DLSU, 9–13.
Tinapos ni West Garces ang set sa bisa ng slide attack upang itakda ang set pabor sa panig ng San Marcelino, 21–25.
Ipinamalas muli ng Green Spikers ang kanilang bagsik sa huling set nang tibagin ni Ousseini ang three-man block ng Adamson upang dagitin ang bentahe, 4–1.
Tinuldukan ni Gloria ang bakbakan sa bisa ng cross court attack upang itala ang ikalawang sunod na panalo sa panig ng Taft, 25–20.
Bitbit ang 2–4 panalo-talo kartada, sisikapin ng Green Spikers na busalan ang NU Bulldogs sa parehong lunan sa ika-11:00 n.u. sa Linggo, Marso 15.
